Kaibigan
Ang Paligsahan sa Jelly
Abril 2026


“Ang Paligsahan sa Jelly,” Kaibigan, Abril 2026, 28–29.

Ang Paligsahan sa Jelly

“Sino ang mag-aakala na makagagawa ng malaking kaibhan ang mga bata?”

Isang kuwento sa tunay na buhay mula sa USA.

“Aksiyon!”

Pinindot ng nakababatang kapatid ni Evan na si Ethan ang record sa tablet, at sinimulan ni Evan ang kanyang mensahe. “Hi, ako si Evan. Naghahanap ako ng mas maraming pagkakataong maglingkod at natagpuan ko ang food pantry ng aming bayan.”

Gustung-gusto nina Evan at Ethan na magkasamang gumawa ng mga video, ngunit espesyal ang video na ito.

Ang pantry ay nagbibigay ng pagkain sa mga pamilyang walang sapat na pera na pambili ng mga grocery sa tindahan. Sa ngayon, walang jelly ang pantry. Hinihiling nila sa mga tao na magbigay ng marami pang donasyon.

Laging masaya si Evan kapag naglilingkod siya, kaya nagdesisyon siya na mangolekta ng ilang jelly na ibibigay. Gumawa siya ng video para magpatulong din sa kanyang mga kapitbahay.

“Kung gusto po ninyong tumulong, maaari kayong magdala ng jelly sa bahay namin. O maaari kayong magpadala ng pera, at ako ang bibili ng jelly para sa inyo!” Sabi ni Evan habang kinukunan siya ng video ni Ethan.

Nang matapos sila sa pag-video, in-edit ni Evan ang video hanggang sa angkop na itong i-share. Pagkatapos i-post ni Inay ang video online, nagsimulang magdala ng jelly ang mga tao sa bahay at magpadala ng pera para mas marami pang mabili!

Sa tindahan, pinagpatung-patong ni Evan ang mga garapon ng jelly sa isang cart. “Magiging mas masaya ito kung kasama ang mas maraming bata,” sabi niya. “Siguro, makakatulong ang mga bata sa paaralan namin.”

“Magandang ideya!” sabi ni Inay.

Kinabukasan sa paaralan, hiniling ni Evan na makausap si Prinsipal Sanchez. Ipinaliwanag niya ang kanyang ideya na mangolekta ng jelly para sa food pantry.

“Parang laro po ito,” sabi ni Evan. “Maaari nating tawagin itong Paligsahan sa Jelly.”

“Magandang plano ‘yan!” sabi ni Prinsipal Sanchez.

Gumawa si Evan ng mga espesyal na flyer para ipamahagi sa lahat ng bata sa ikaapat na grado na nagsasabi sa kanila tungkol sa Paligsahan sa Jelly.

Nang sumunod na linggo, nagpaligsahan ang buong ikaapat na grado sa Paligsahan sa Jelly. Sinikap ng bawat klase na makapagdala ng pinakamaraming garapon ng jelly.

Sa oras ng tanghalian, sabik ang lahat tungkol sa Paligsahan sa Jelly. “Hindi pa ako nakasali sa ganitong kompetisyon,” sabi ng kaibigan ni Evan na si Maria. “Sana, manalo ang klase ko.”

“Pustahan, panalo ang klase ko!” sabi ng kaibigan nilang si Isaac. “Nagdala ako ng tatlong garapon ngayon.”

Paglalarawan sa isang grupo ng mga bata na naglalagay ng mga garapon ng jelly sa isang kahon

Nakita ni Evan ang mga donation box sa bawat silid-aralan na unti-unting napupuno ng mga garapon.

Sa recess, naglaro si Evan ng buhangin kasama ang kaibigan niyang si Gabe. “Nagdala ka na ba ng mga garapon ng jelly?” tanong niya.

“Binigyan ako ng tatay ko ng lima para i-donate! Inilagay ko ang mga ito sa kahon ngayong umaga,” sabi ni Gabe.

“Wow!” Hindi makapaniwala si Evan na napakaraming bata ang sumali sa Paligsahan sa Jelly.

Hindi nagtagal, napuno ang mga kahon ng jelly. Lahat ng mag-aaral sa ikaapat na grado at mga guro ay nagtipon sa isang silid-aralan upang marinig kay Evan ang mga nanalo sa Paligsahan sa Jelly.

Paglalarawan sa mga batang nakatayo sa tabi ng isang kahon na punung-puno ng mga garapon ng jelly

“Nakakolekta tayo ng mahigit 200 garapon ng jelly!” sabi ni Evan. Naghiyawan sa tuwa ang lahat ng bata.

“Magaling ang ginawa ninyo, pero isang klase lang ang puwedeng manalo,” pagpapatuloy ni Evan.

Sabik ang lahat na marinig kung sino ang nanalo.

“Ang klase ni Mrs. Child ang nanalo!”

Ang mga bata sa klase ni Mrs. Child ay nagtalunan at pumalakpak.

Pagkatapos ng klase, sumabay si Evan sa kanyang mga kaibigan para maglakad pauwi.

“Hindi nanalo ang klase ko, pero masaya ako na nakatulong ako sa ibang tao,” sabi ni Maria.

“Ako rin,” sabi ni Evan. “Sino ang mag-aakala na makagagawa ng malaking kaibhan ang mga bata?”

Talagang nasasabik na si Evan na dalhin ang lahat ng jelly sa food pantry. Masaya siya nang maisip niya ang tungkol sa lahat ng tao na magkakaroon ng pagkain dahil sa kanilang mga donasyon.

Higit sa lahat, alam niya na sinunod niya si Jesucristo sa pamamagitan ng pagtulong sa iba. Gusto ni Evan na madama ito sa lahat ng oras.

“Nay,” sabi niya pag-uwi niya. “Kailan po natin magagawa ang susunod nating proyekto sa paglilingkod?”

PDF ng Kuwento 1

Mga paglalarawan ni Minna Miná. Maaari lamang kopyahin para sa mga gawain sa Simbahan.