“Pag-asa sa Pasko ng Pagkabuhay,” Kaibigan, Abril 2026, 22–23.
Pag-asa sa Pasko ng Pagkabuhay
Dahil kay Jesucristo, balang-araw ay maaari niyang mayakap muli ang kanyang ama.
Isang tunay na kuwento mula sa Brazil.
Naupo si Melissa sa Primary, sabik na matuto ng bagong awitin. Sabi ng kanyang titser na si Sister Costa, ang tawag dito ay “Getsemani.”
“Ang awiting ito ay tungkol sa kung gaano tayo kamahal ni Jesucristo at kung ano ang ginawa Niya para sa atin. Pakinggang mabuti at subukang sumabay sa pagkanta.”
Nag-play si Sister Costa ng video na nagpapakita sa mga titik ng awitin na may mga larawan sa screen.
Kumanta si Melissa kahit hindi pa niya alam ang lahat ng mga titik. Napanatag siya nang pakinggan niya ang mga salitang, “Getsemani! O, kaysidhi ng pag-ibig Niya sa akin.”
Nang tapos na ang awitin, ipinakita ni Sister Costa ang larawan ni Jesucristo na palabas ng libingan. “Namatay si Jesus, pero muli Siyang nabuhay! Dahil sa Kanya, tayong lahat ay muli ring mabubuhay,” sabi niya.
Nakadama ng payapang damdamin si Melissa, na para bang niyayakap siya nang mahigpit. ”Kaya … kung namatay ang isang tao, hindi ito panghabampanahon?” tanong ni Melissa.
“Tama, Melissa,” sabi ni Sister Costa. “Dahil si Jesucristo ay muling nabuhay, tayong lahat rin ay mabubuhay na muli balang-araw.”
Noong Linggong iyon, umuwi si Melissa na masaya ang kanyang puso. Naisip niya ang pagmamahal ng Tagapagligtas para sa kanya.
Kalaunan, naging tahimik at malungkot ang bahay ni Melissa. Nagkasakit nang ilang panahon ang kanyang ama at pumanaw. Mas madalas umiyak ang kanyang ina. Mas matagal ang yakap ng mga tao. Nadama ni Melissa na may napakahalagang bagay na nagbago.
Sa araw ng libing, napakaginaw, at halos hindi sumikat ang araw sa kalangitan. May mga bulaklak sa paligid ng kabaong. Tahimik na tumayo ang mga tao, at ang ilan ay umiiyak.
Mahigpit na hinawakan ni Melissa ang kamay ng kanyang ina. Nang lumapit siya sa kabaong at tumingin sa kanyang ama, naalala niya ang larawan ni Jesucristo na palabas sa libingan. Naalala rin niya si Sister Costa na nagsasabing dahil sa Tagapagligtas, lahat tayo ay mabubuhay na muli balang-araw.
“Inay, buhay po si Jesus. Namatay Siya, pero Siya ay muling nabuhay. Isang araw, si Itay ay muling mabubuhay rin, di po ba?” tanong ni Melissa.
“Oo, mahal ko,” sabi ni Inay. “Dahil kay Jesus, makikita nating muli si Itay balang-araw.”
Nami-miss si Melissa sa kanyang ama. Gusto niyang yakapin siya, marinig ang kanyang tinig, at muling makipaglaro sa kanya. Dahil kay Jesucristo, balang-araw ay magagawa niya ito. Pero kailangan siyang maghintay. Ipinatong ni Melissa ang kanyang kamay sa kabaong at bumulong, “Hanggang sa muli po, Itay.”
Kahit napakalungkot ng araw na iyon, nadama ni Melissa ang kapayapaang nadama niya sa Primary. Alam niyang iyon ay ang Espiritu Santo.
Nang sumunod na mga araw, tuwing nami-miss niya ang kanyang ama, mahinang kinakanta ni Melissa ang mga titik ng “Getsemani” sa kanyang sarili. At sa tuwing kumakanta siya, napapanatag siya.
Nang dumating ang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay, iba ang pakiramdam ni Melissa.
Sa halip na isipin ang mga chocolate egg o mga bunny, mas naisip niya si Jesucristo at ang kanyang ama. Alam niya na mami-miss pa rin niya ang kanyang ama. Pero alam din niya na ang kamatayan ay hindi ang katapusan.
Alam niyang nagbangon si Jesus at balang-araw ay mabubuhay ring muli ang kanyang ama.
At hanggang sa araw na iyon, maaari siyang kumanta, makaalala, at makadama ng kapayapaan.
Mga paglalarawan ni Teresa Alberini. Maaari lamang kopyahin para sa mga gawain sa Simbahan.