Kaibigan
5 Paraan para Magmahal Tulad ni Jesus
Abril 2026


“5 Paraan para Magmahal Tulad ni Jesus,” Kaibigan, Abr. 2026, 26–27.

5 Paraan para Magmahal Tulad ni Jesus

Isa sa mga huling bagay na sinabi ni Jesucristo sa Kanyang mga kaibigan bago ang Kanyang Pagbabayad-sala ay “kung paanong minahal ko kayo, magmahalan din kayo sa isa’t isa” (Juan 13:34). Ang kautusang iyan ay para din sa atin! Narito ang limang paraan kung papaano mo maaaring mahalin ang iyong kapwa tulad ng ginawa Niya.

Mahalin ang Iyong Kapwa

Paglalarawan sa isang batang lalaki at babae na magkasamang naglilinis ng bintana

Itinuro ng Tagapagligtas na ang unang dalawang utos ay ibigin ang Diyos at ibigin ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili (tingnan sa Mateo 22:37–40). Sino ang iyong kapwa? Lahat!

Kapag sinusubukan mong mas mahalin ang isang tao, alalahanin si Jesus. Sikaping isipin na mga anak sila ng Diyos at tratuhin sila kung paano mo gusto na tratuhin ka nila.

Mahalin ang Iyong mga Kaaway

Paglalarawan sa isang batang babae na nakaluhod at nagdarasal na iniisip ang isang batang lalaki na tumulak sa kanya

Ibinigay ni Jesucristo ang Kanyang buhay para sa lahat, maging sa mga taong napopoot sa Kanya. Nagpakita Siya ng pinakadakilang pagmamahal.

Kapag ang isang tao ay salbahe, alalahanin si Jesus. Maaari kang manindigan nang mahinahon para sa iyong sarili o humingi ng tulong sa isang mapagkakatiwalaang adult. Subukang ngitian ang tao o ipagdasal siya. Maaaring hindi siya magbago, ngunit ang pagpapakita ng pagmamahal ay magpapabago sa iyong puso.

Mahalin ang mga Taong Nakadarama na Hindi Sila Kabilang

Paglalarawan sa isang batang babae na iniaabot ang basketball sa isang batang lalaki

Alam mo ba na naggugol ng maraming oras si Jesucristo sa mga taong hindi tinanggap ng iba? Maraming kuwento sa Biblia ang nagsasabi kung paano Niya tinulungan ang mga makasalanan at tumigil para pagalingin ang mga itinakwil ng lipunan.

Kapag may nakikita kang isang tao na maaaring nakadarama na hindi siya kabilang, alalahanin si Jesus. Subukang kausapin siya, anyayahan siyang maglaro, o makinig sa kanya.

Mahalin ang mga Taong Nangangailangan ng Pag-alo

Paglalarawan sa isang batang lalaking nakaupo sa tabi ng isang malungkot na batang babae

Nang mamatay ang kaibigan ng Tagapagligtas na si Lazaro, umiyak Siya kasama ng mga kapatid ni Lazaro—kahit kalaunan ay bubuhayin Niya si Lazaro! (Tingnan sa Juan 11:32–36.) Nagpakita Siya ng pagmamahal sa pamamagitan ng pag-uukol ng oras na malungkot kasama ng mga taong nalulungkot, hindi lamang para ayusin ang kanilang problema.

Kapag malungkot ang isang tao, alalahanin si Jesus. Subukan lamang na tabihan at samahan siya, yakapin, o sumulat ng maikling liham.

Mahalin ang mga Taong Nangangailangan ng Kanyang Tulong

Paglalarawan sa isang batang babae na naka-wheelchair na nagbibigay ng pagkain sa isang batang lalaki na may benda sa braso

Pinagaling ni Jesucristo ang mga maysakit at mga nangangailangan. Pinagagaling din Niya ang mga tao mula sa kasalanan sa pamamagitan ng pagsisisi. Maaaring hindi tayo makapagpagaling tulad ng ginawa Niya, ngunit makatutulong pa rin tayo sa Kanyang gawain na magpagaling kapag naglilingkod tayo sa iba.

Kapag nangangailangan ng tulong ang isang tao, alalahanin si Jesus—at na kailangan nating lahat ang Kanyang tulong. Sikaping pag-isipan ang pinakamainam na paraan para mapaglingkuran sila at mahalin sila.

PDF pahina 1

Mga paglalarawan ni Katy Dockrill. Maaari lamang kopyahin para sa mga gawain sa Simbahan.