“Magkaibigan Dahil sa Gummy Bear,” Kaibigan, Abril 2026, 18–19.
Magkaibigan Dahil sa Gummy Bear
Gusto ni Rowan na maging kaibigan ni Ernest, pero hindi niya alam kung ano ang sasabihin.
Isang tunay na kuwento mula sa USA.
Nagmasid si Rowan habang inaanyayahan ni Miss Brody ang bagong estudyante na tumayo sa harapan ng silid-aralan.
“Ito si Ernest,” sabi ni Miss Brody. “Kadarating lang niya sa Hawaii mula sa bansang tinatawag na Ukraine. Hindi siya nakakapagsalita ng Ingles. Maaari bang maging mabait kayo at kaibiganin siya?”
Tumango si Rowan at ang mga kaklase niya.
Nakayuko si Ernest at malungkot. Siya lang ang nakasuot ng mahabang pantalon at mahabang manggas na kamiseta.
Inisip ni Rowan kung ano kaya ang pakiramdam ng lumipat sa isang bansa at hindi makapagsalita ng wika. Parang nakakatakot!
Sa recess, nakita ni Rowan si Ernest na mag-isang naglalakad habang nagtatakbuhan na ang iba pang mga bata para maglaro. Malungkot pa rin ang mukha niya.
Gustong makipagkaibigan sa kanya ni Rowan, pero hindi niya alam kung ano ang sasabihin. Paano sila magiging magkaibigan kung magkaiba sila ng wika?
Pagkatapos ng klase, umuwi si Rowan at humingi ng tulong kay Itay. “Matutulungan po ba ninyo ako na malaman kung paano magsalita sa wikang Ukrainian?” tanong ni Rowan. “May bago po sa klase namin na hindi nakakapagsalita ng Ingles.”
Tumango si Itay. “Oo naman.”
Una, hinanap nila kung paano sabihing, “Tanghalian na.” Pinakinggan ni Rowan ang sagot. “Nastav obidniy chas.” Sinubukan itong bigkasin ni Rowan nang ilang beses. Mahirap ito! Kaya hinanap niya kung paano sabihin ang “hello.”
“Pryvit,” ang sabi sa kanya ng tinig sa computer. Mas madali iyon. Inulit-ulit ni Rowan ang salita at nagpraktis na sabihin ito.
Kinabukasan sa recess, nakita ni Rowan si Ernest na muling nakaupong mag-isa sa damuhan. Tumayo si Rowan sa tabi niya at ngumiti. “Pryvit!” ang malakas na sabi niya. Umasa siyang tama ang sinabi niya.
Ngumiti si Ernest at inabutan si Rowan ng gummy bear.
Umupo si Rowan sa tabi ni Ernest at muling sinabi ang pryvit. At saka niya sinabing, “Hello.”
“Hello,” ang mabagal na sabi ni Ernest. Binigyan niya si Rowan ng isa pang gummy bear. Amoy orange ito, at ito ay masarap at masarap nguyain.
Nagdrowing si Rowan ng apat na linya sa lupa sa tabi nila para gumawa ng tic-tac-toe grid. Tinuruan niya si Ernest kung paano maglaro. Mahirap ipaliwanag dahil hindi pareho ang kanilang wika. Kung minsan ay nagdodrowing si Ernest ng mga X kahit hindi pa siya ang titira. Pero ayos lang iyon kay Rowan. Gusto lang niyang magkaroon ng bagong kaibigan.
Araw-araw sa linggong iyon, nakikipaglaro si Rowan kay Ernest sa oras ng recess. Nagbigayan sila ng mga gummy bear at magkasamang naglaro.
Isang araw sa bahay, itinanong ni Itay, “Kumusta ang bagong bata sa klase mo? Napraktis mo ba ang mga salitang natutuhan mo?”
“Opo! Ernest po ang pangalan niya,” sabi ni Rowan. “Naglalaro po kami kapag recess, at binibigyan niya ako ng mga gummy bear.”
Ngumiti si Itay. “Ang galing naman.” Umupo siya sa tabi ni Rowan sa sopa. ”Si Ernest at ang kanyang pamilya ay mga refugee. Nagmula sila sa isa malayong bansa. Sinabi ni Elder Kearon na si Jesucristo ay isang refugee noong bata pa Siya at hiniling Niyang makipagkaibigan tayo kapag may nakilala tayong mga tao mula sa ibang bansa. Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng maging mabuting kaibigan?”
Nag-isip sandali si Rowan. “Kailangan ng kaunting pagmamahal at paghahanap ng malalaro nang magkasama,” sabi niya. “Pagkatapos, maaaring sumali ang iba at maglaro din at makilala ang isa’t isa.”
Niyakap ni Itay si Rowan. “Sinusunod mo si Jesus at ginagawa mo ang ipinagagawa sa atin ng mga propeta,” sabi niya. “At ngayo’y may bagong kaibigan ka.”
Mga larawang-guhit ni Josh Talbot