Kaibigan
Ang Aral sa Itlog sa Pasko ng Pagkabuhay
Abril 2026


“Ang Aral sa Itlog sa Pasko ng Pagkabuhay,” Kaibigan, Abr. 2026, 4–5.

Ang Aral sa Itlog sa Pasko ng Pagkabuhay

May nagnakaw ng aming mga Easter egg!

Isang tunay na kuwento mula sa New Zealand.

Paglalarawan ng batang nakaupo sa isang bunk bed

Isang araw bago sumapit ang Pasko ng Pagkabuhay, maagang nagising si Freddy. Tumingin siya sa tabi ng kanyang unan, na tuwang-tuwa. Lagi siyang may marshmallow egg para sa Pasko ng Pagkabuhay. Pero nawala ang kanyang ngiti at napasimangot siya. Walang itlog para sa kanya!

Tiningnan ni Freddy ang gilid ng bunk bed. “Matilda!” sigaw niya sa kanyang kapatid na babae. “Ninakaw mo ba ang Easter egg ko?”

“Hindi,” sabi niya. “Wala rin dito ang itlog ko!” Itinuro ni Matilda ang kanyang unan.

Nagising sa ingay ang iba pang mga kapatid ni Freddy. Nawawala ang lahat ng pitong Easter egg nila!

“Bakit kayo sumisigaw?” tanong ni Inay.

“May nagnakaw po ng mga itlog namin!” sabi ni Freddy.

“Walang nagnakaw sa mga itlog,” sabi ni Inay. “Wala kaming biniling itlog sa taon na ito.”

“Wala pong mga itlog para sa Easter?” ang himutok ni Freddy. “Pero lagi naman tayong mayroon nito!”

Paglalarawan ng babaeng nagsasalita

“Ang Pasko ng Pagkabuhay ay higit pa sa pagkain lamang ng mga treat,” sabi ni Inay. “Espesyal na oras ito para isipin si Jesucristo.”

Sumimangot si Freddy. Mula nang magbago ng trabaho si Itay, madalas nang magsabi ng hindi sina Inay at Itay sa maraming bagay. Wala nang pamamasyal. Wala nang iniuuwing pagkain. At ngayon kahit ang Pasko ng Pagkabuhay ay wala na!

“Alam kong naiinis ka,” sabi ni Inay. “Pero maaari pa rin tayong masiyahan sa mga Easter egg ngayon. Tara!”

Sa kusina, may basket ng mga itlog si Itay. Nainis si Freddy. “Mga itlog lang po ng manok iyan.”

“Titinaan po ba natin ang mga iyan?” tanong ng kanyang ate Celeste.

Tumango si Inay. “Pero kailangan muna nating pakuluan ang mga ito.”

Ayaw ni Freddy ang naghihintay. Natuwa siya nang sabihin ni Inay na sapat na ang pagpapakulo sa mga itlog. “Sa wakas!” sabi niya.

“Sandali,” sabi ni Inay. “Kailangan pang palamiligin ang mga ito.”

Lalong nainis si Freddy. Ayaw ko na pong maghintay!

Pagkatapos, tinulungan sila ni Inay na gawin ang pangtina. Naghalo sila ng suka sa mainit na tubig at nagpatak dito ng food color. Gustung-gusto ni Freddy na panoorin ang pag-ikot ng mga patak sa tubig.

“Ano ang pipiliin mong kulay?” tanong ni Celeste.

“Asul!” sabi ni Freddy.

Paglalarawan sa pamilya na nagtitina ng mga itlog sa mesa sa kusina

Matagal nang naibabad ang mga itlog. Pero hindi problema kay Freddy ang maghintay. Hindi sa ngayon. Masayang makasama ang kanyang pamilya. Naisip niya ang sinabi ni Inay—kung paano hindi lamang tungkol sa pagkain ang Pasko ng Pagkabuhay.

“Inay,” sabi ni Freddy, “sa tingin ko po alam ko na kung paano tayo natutulungan ng mga itlog sa Pasko ng Pagkabuhay na maalala ang Pagkabuhay na Muli ni Jesucristo.”

Napangiti si Inay. “At paano nga ba iyon?”

“Gusto ko po talaga na tininaan na ang itlog ko,” sabi niya. “Pero ang tagal po nito. Ang hirap po ng paghihintay. Pagkatapos ay naisip ko kung paano kinailangang maghintay pa ang mga disipulo para sa Pagkabuhay na Muli ni Jesucristo matapos Siyang mamatay sa krus.”

“Tama ka,” sabi ni Inay. “Hindi rin madali para sa kanila ang maghintay. Pero muling nagbangon ang Tagapagligtas. At ngayon ang iyong ordinaryong itlog ng manok ay natinaan na nang maganda.”

Napangiti si Freddy sa makukulay na itlog. Hindi ito mukhang katakam-takam na tulad ng marshmallow, pero espesyal ang mga ito. Umaasa si Freddy na makakapagtina silang muli ng mga itlog sa susunod na taon.

PDF ng Kuwento sa pahina 1

Mga larawang-guhit ni Tania Rex. Hindi maaaring kopyahin.