2025
Dahil sa Templo
Setyembre 2025


“Dahil sa Templo,” Kaibigan, Setyembre 2025, 30–31.

Mga Pioneer sa Bawat Lupain

Dahil sa Templo

Isang kuwento sa tunay na buhay mula sa Vanuatu.

Mukha ng isang batang lalaking nakangiti sa harap ng isang mapa ng Vanuatu

“Narito na ang mga missionary!” pagtawag ni Graham. Kumaway siya sa mga missionary habang naglalakad ang mga ito papunta sa bahay nila.

Nabinyagan sina Inay at Itay at ang kuya ni Graham na si Nunu noong nakaraang taon. Napakabata pa ni Graham at ng kanyang bunsong kapatid na si Job para mabinyagan. Pero gusto pa rin nilang matuto mula sa mga missionary.

“Ngayo’y gusto naming magsalita tungkol sa templo,” sabi ni Elder Hale. “Ito ay isang espesyal na gusali kung saan maaari kang gumawa ng mga pangako sa Diyos at mabuklod sa iyong pamilya. Ibig sabihin niyan ay maaari kayong magkasama-sama magpakailanman.”

“Ang pinakamalapit ay nasa New Zealand.” Itinaas ni Elder Singh ang larawan ng isang magandang puting gusali. “Malayo ang biyahe. Pero magiging sulit ito dahil sa mga pagpapala.”

“Gusto na naming pumunta,” sabi ni Inay.

Binalak ng mga magulang ni Graham ang kanilang paglalakbay sa templo kasama ang isa pang pamilya mula sa simbahan. Sila ang magiging unang dalawang pamilya mula sa Vanuatu na papasok sa templo!

Isang eroplanong lumilipad papunta sa isang templo na may isang bus na umaandar papunta rito

Makalipas ang ilang buwan, dumating ang araw ng kanilang paglalakbay. Ito ang unang pagsakay ni Graham sa eroplano, at masaya iyon. Tumingin siya sa labas sa mga ulap at sa karagatan sa ibaba ng mga ito. Nalarawan sa isip niya ang mataas na puting gusali. Hindi na niya mahintay na makita iyon!

Nang lumapag ang eroplano, sumakay sila sa isang bus. Malubak ang daan, at napagod si Graham. Pero halos naroon na sila.

“Tingnan n’yo!” Tumuro si Graham sa labas ng bintana. Ayun ang templo! Mas maganda pa iyon kaysa sa mga nasa larawan.

Sa loob ng templo, tahimik at payapa. Lahat sila ay nakasuot ng puti. Sa loob ng ilang sandali, naupo si Graham at ang kanyang mga kapatid sa waiting room at tiningnan nila ang mga larawan ni Jesucristo.

Pagkatapos ay inakay sila ng isang temple worker papunta sa sealing room. Nakaluhod ang mga magulang ni Graham sa isang altar na natatakpan ng malambot na tela. Mukhang masayang-masaya sila!

Lumuhod si Graham at ang kanyang mga kapatid sa tabi nina Inay at Itay. Tiningnan nila ang malalaki at matataas na salamin sa mga dingding. Walang katapusan ang nakikita sa salamin.

“Ang mga salamin ay para ipaalala sa inyo na maaari kayong magkasama-sama magpakailanman,” sabi ng temple worker.

Nadama ni Graham na masaya siya at ligtas. Parang yakap siya nang mahigpit ng Tagapagligtas.

Di-nagtagal ay oras na para umuwi. Sa loob ng bus at sa eroplano, patuloy na inisip ni Graham ang espesyal na pakiramdam niya sa templo.

Makalipas ang ilang araw, dumating ang isang malakas na bagyo. Parang mababali sa gitna ang mga puno ng palma!

Natakot si Graham. “OK lang po kaya tayo?”

“Oo,” sabi ni Itay. “Pero malakas ang hanging ito. Sabi ng mga missionary, magtipun-tipon tayo sa gusali ng simbahan hanggang sa makaraan ang bagyo.”

Pamilyang nakaupo sa isang bangko at nakatingin sa labas ng bintana sa mga punong hinihipan ng hangin

Tinulungan ni Graham si Inay na magdala ng pagkain at mga kumot sa simbahan. Napakalakas ng ihip ng hangin!

Sa loob, medyo gumaan ang pakiramdam ni Graham. Naroon ang lahat ng kaibigan niya sa simbahan. Pero dinig pa rin niya ang ugong ng hangin.

“Paano po ang bahay natin?” tanong ni Graham.

“Kailangan nating maghintay hanggang sa matapos ang bagyo para malaman natin.” Niyakap siya ni Inay nang mahigpit. “Ang pinakamahalaga ay ligtas ang pamilya natin. Naaalala mo ba ang naramdaman mo sa templo?”

Tumango si Graham. “Masigla po at ligtas ang pakiramdam ko.”

Ngumiti si Itay. “At dahil kay Jesucristo at sa pagbubuklod natin sa templo, magkakasama-sama tayo magpakailanman.”

Naisip ni Graham ang mainit at payapang pakiramdam niya sa loob ng templo. Tama si Itay. Dahil kay Jesucristo at sa mga tipan sa templo, maaari silang maging isang pamilya magpakailanman. At dahil alam niya iyon, magiging OK talaga ang lahat.

PDF ng Kuwento

Mga larawang-guhit ni Eduardo Marticorena