2025
5 Bagay na Tatandaan tungkol sa Kaligtasan ng Katawan
Setyembre 2025


“5 Bagay na Tatandaan tungkol sa Kaligtasan ng Katawan,” Kaibigan, Setyembre 2025, 38–39.

5 Bagay na Tatandaan tungkol sa Kaligtasan ng Katawan

Ang iyong katawan ay isang kaloob mula sa Ama sa Langit. Nais ka Niyang tulungang maging ligtas at masaya. Kung may isang taong gusto kang saktan sa salita o gawa, hindi iyan OK! Dapat tayong maging mabait at magalang sa iba, at dapat nating asahan na maging mabait at magalang din sila sa atin.

  1. OK lang na magsabi ng hindi, kahit sa matanda. Ikaw ang may responsibilidad sa katawan mo. Ang ibig sabihin niyan ay ikaw ang magpapasiya kung maaari kang hipuin, yakapin, o halikan. Maaari kang magsabi ng “Hindi,” “Huwag mo akong hipuin,” at “Lubayan mo ako.” Kung hinihipo ka o inuutusang gumawa ng isang bagay na hindi komportable para sa iyo, OK lang na tumanggi at umalis kung kaya mo.

  2. Alamin kung aling mga paghipo ang ligtas o hindi ligtas. Ang isang ligtas na paghipo ay tumutulong sa iyo na makaramdam ng pagmamahal (tulad ng isang yakap o high five) o manatiling malinis at malusog (tulad ng isang magulang na tinutulungan kang maligo o isang doktor na tinutulungan ka kapag may sakit ka). Kung minsan ang isang ligtas na paghipo ay maaaring masakit, tulad ng pagpapabakuna, pero ligtas ito dahil pinapanatili ka nitong malusog. Ang isang hindi ligtas na paghipo ay nakakasakit sa iyong katawan o damdamin, tulad ng paghampas, pagtulak, o paghipo sa mga pribadong bahagi ng isang tao. Ang masakit o di-komportableng mga paghipong ito ay hindi OK.

  3. May mga bahagi ang katawan mo na pribado na hindi dapat hipuin ng iba. Kabilang sa mga pribadong bahagi ng katawan ang mga bahagi ng katawan mo na natatakpan ng swimsuit. Hindi OK na hipuin ng iba ang iyong mga pribadong bahagi (sa ilalim man o ibabaw ng damit mo) o utusan kang hipuin ang sa kanila. Kung mangyayari ito sa iyo, makipag-usap sa isang pinagkakatiwalaang matanda sa lalong madaling panahon.

  4. Tandaan ang pagkakaiba sa pagitan ng mga sikreto at mga sorpresa. Ang sorpresa ay isang bagay na masaya para sa lahat, tulad ng isang regalo sa kaarawan. Ang sikreto ay kapag sinabihan ka ng isang tao na huwag itong sasabihin sa iba. Kapag inutusan kang magtago ng sikreto na hinihipuan o sinasaktan ka ng ibang tao, dapat mong sabihin ito kaagad sa isang taong pinagkakatiwalaan mo. Patuloy itong sabihin sa pinagkakatiwalaang matatanda hanggang sa may tumulong sa iyo na maging ligtas.

  5. Kung may humihipo o nananakit sa iyo, hindi mo kasalanan iyon. Ang isang taong nanakit sa iyo ay maaaring magtangkang paniwalain ka o ang iba na may ginawa kang mali, pero wala naman. Kilalang-kilala at mahal na mahal ka ng iyong Ama sa Langit at ni Jesucristo. Humingi ng tulong sa isang pinagkakatiwalaang matanda, at tandaan na maaari ka ring manalangin palagi sa Ama sa Langit para humingi ng tulong.

PDF ng pahina

Mga larawang-guhit ni Mike Mullan