2025
Tanong ni Lou sa Kumperensya
Setyembre 2025


“Tanong ni Lou sa Kumperensya,” Kaibigan, Setyembre 2025, 4–5.

Tanong ni Lou sa Kumperensya

“Pupunta ba ako sa party ni Alice?” pagsulat ni Lou.

Isang kuwento sa totoong buhay mula sa Belgium.

Nakasimangot na batang babae na nakatingin sa imbitasyon sa isang party

Tuwang-tuwa si Lou nang buksan niya ang asul na sobre. May birthday party ang matalik niyang kaibigang si Alice, at imbitado siya!

Pero nang mabasa ni Lou ang imbitasyon, nalungkot siya. Isang party na naman sa Linggo, naisip niya.

Hindi nagpupunta sa mga party ang pamilya ni Lou tuwing Linggo. Sa halip, nagsasama-sama sila, nagsisimba, at gumagawa ng iba pang mga bagay para alalahanin ang Tagapagligtas.

Pero ang party na ito ay mas mahirap tanggihan. Paano niya mapapalampas ang kaarawan ng matalik niyang kaibigan?

“Hindi ba ako puwedeng pumunta kahit ngayon lang?” tanong ni Lou sa kanyang mga magulang noong gabing iyon. “Alam ko po na mahalaga ang mga araw ng Linggo. Pero ayaw ko pong palampasin ito.”

“Mahirap ang desisyong ito,” sabi ni Itay. “Hinihiling sa atin ng Ama sa Langit na gawing banal ang araw ng Linggo. Pero bahala kang magpasiya kung paano mo gagawin iyan.”

Niyakap ni Inay si Lou. “Pangkalahatang kumperensya ngayong Sabado’t Linggo. Puwede sigurong ito ang itanong mo.”

Tradisyon ng pamilya ni Lou na sumulat ng isang tanong nila bago sumapit ang kumperensya. At sa oras ng kumperensya, nakikinig sila para sa mga sagot.

Bumuntong-hininga si Lou. “OK po.”

Batang babaeng nakaluhod sa tabi ng kanyang kama at nagdarasal; may notebook at lapis sa ibabaw ng kama niya

Sa oras ng pagtulog, isinulat ni Lou ang kanyang tanong. Pagkatapos ay nagdasal siya. “Ama sa Langit, gusto ko talagang pumunta sa party na ito, at hindi ko alam ang gagawin. Maaari po bang tulungan Ninyo ako na makahanap ng mga sagot habang nanonood ako ng pangkalahatang kumperensya?”

Mga batang nakaupo sa isang sofa at nakatingin sa isang laptop computer sa ibabaw ng isang mesa sa harap nila

Makalipas ang ilang araw, umupo si Lou at ang kanyang mga kapatid sa sofa. Oras na para sa kumperensya! Nagdrowing si Lou sa notbuk niya sa pambungad na awitin. Pagkatapos ay nagsimula ang unang tagapagsalita.

Tumingala si Lou. Ang mensahe ng tagapagsalita ay tungkol sa araw ng Sabbath! Sinabi nito na pinagpala ng Diyos ang mga sumusunod sa Kanyang mga utos, kahit hindi kaagad dumarating ang pagpapala.

“Sa palagay ko sinagot na ng Ama sa Langit ang tanong ko,” sabi ni Lou. “Ang bilis naman!”

Dalawang batang babaeng nag-uusap

Kinabukasan sa eskuwelahan, nakita ni Lou si Alice sa oras ng recess. “Salamat sa pag-imbita sa akin sa party mo,” sabi ni Lou. Huminga siya nang malalim. “Espesyal ang mga araw ng Linggo para sa akin at sa pamilya ko. Kaya hindi ako makakapunta.”

“OK,” sabi ni Alice. “Nalulungkot ako na hindi ka makakapunta.”

“Ako rin,” sabi ni Lou. “Pero sa Sabado, gusto mo bang sumama sa akin sa trampoline park? Pagkatapos ay maaari pa rin tayong maglaro nang magkasama at ipagdiwang ang kaarawan mo.”

“Siyempre naman!” pagngisi ni Alice.

Ginantihan ito ng ngiti ni Lou. Ang hindi pagpunta sa party ay isang mahirap na desisyon. Pero alam niya na iyon ang tamang gawin. At nagpasalamat siya na sinagot ng Ama sa Langit ang kanyang mahalagang tanong.

PDF ng Kuwento

Mga larawang-guhit ni Flavio Remontti