“Ang Polong Pambinyag ni Harvey,” Kaibigan, Setyembre 2025, 36–37.
Ang Polong Pambinyag ni Harvey
Hindi mahanap ni Harvey ang kanyang puting polo kahit saan!
Isang kuwento sa tunay na buhay mula sa Indonesia.
Nakasiksik si Harvey sa likuran ng taxi kasama sina Ibu (Inay) at Bapak (Itay). Papunta sila sa simbahan para sa binyag ni Harvey.
“Bapak, ano po ang naramdaman ninyo noong bininyagan kayo?” tanong ni Harvey. Nabinyagan si Bapak ilang buwan na ang nakararaan. Ngayong walong taong gulang na si Harvey, bibinyagan na rin siya!
Nag-isip sandali si Bapak. “Napakalamig ng tubig!” natatawang sabi nito. “Pero nakaramdam din ako ng malaking pagmamahal. Kahit hindi miyembro ng simbahan ang karamihan sa pamilya natin, nadama ko ang pagmamahal nila at ang pagmamahal ng Diyos.”
Nang makarating sila sa gusali ng simbahan, tinulungan sila ng ilang tao mula sa simbahan na punuin ng tubig ang bautismuhan at maghanda.
“Harvey, oras na para magpalit ka ng damit-pambinyag,” sabi ni Ibu. Tumango si Harvey at nakita ang bag na pinaglagyan ng kanyang damit. Pero puting pantalon lamang niya ang nasa loob ng bag. Hindi niya makita ang puting polo niya! Tiningnan niya ang iba pang mga bag at naghanap sa paligid ng simbahan.
“Ibu, wala po ang polo ko rito,” sabi ni Harvey.
Sumimangot si Ibu. Tiningnan niya rin ang ilan pang bag. “Malamang ay naiwan natin iyon sa taxi.”
“May ilang ekstra tayong damit-pambinyag sa kabinet,” sabi ni Sister Putri. “Kukunin ko.”
Pero ang tanging damit-pambinyag mula sa kabinet ay masyadong malaki para kay Harvey. Mukhang nag-alala si Ibu. Malapit nang magsimula ang binyag. Marami nang tao roon, at wala pa rin ang polo ni Harvey.
“Maaari po siguro nating ipagdasal na ibalik ng taxi driver ang polo,” sabi ni Harvey. “Pero kung hindi niya iyon dalhin, isusuot ko na lamang po ang polong masyadong malaki. Wala pong problema sa akin kung ano ang isuot ko. Gusto ko lang pong mabinyagan.”
Tumango sina Ibu at Bapak. Sabay-sabay silang nagpunta sa kusina, kung saan tahimik. Pagkatapos ay humalukipkip sila at yumuko.
Si Harvey ang nagdasal. “Mahal na Ama sa Langit, salamat po sa Inyo na mabibinyagan ako ngayon. Tulungan po sana Ninyo ang taxi driver na ibalik ang polo ko. Pero kung hindi naman, OK lang din po.”
Matapos silang magdasal, isinuot na ni Harvey ang polong masyadong malaki. Umabot iyon hanggang tuhod niya.
“Harvey!” pagtawag ni Sister Putri mula sa pasilyo. “Narito na ang taxi driver.”
Nakita nina Harvey at Ibu ang taxi driver sa pintuan sa harap. Hawak niya ang polo ni Harvey!
“Lumingon ako sa likod at nakita ko ito sa upuan,” sabi nito. “Naisip ko na baka sa inyo ito.”
“Maraming salamat po,” sabi ni Ibu.
Kinuha ni Harvey ang polo mula sa lalaki. “Salamat po.”
Ngumiti ang lalaki at nagpaalam na.
Hindi nagtagal, oras na para magsimula ang binyag. Nagpalit ng polo si Harvey. Kasyang-kasya iyon sa kanya! At maputi at malinis iyon.
Nang lumusong si Harvey sa bautismuhan, napakalamig ng tubig! Sinambit ni Bapak ang panalangin at bininyagan si Harvey. Paglabas niya mula sa tubig, maginhawa at panatag ang pakiramdam niya.
Inakay ni Bapak si Harvey paahon ng bautismuhan at binalutan niya ng malambot na tuwalya ang balikat ni Harvey. Naisip ni Harvey ang lahat ng taong tumulong at sumuporta sa kanya. Sina Ibu at Bapak, ang taxi driver, at ang kanyang pamilya. At ang Ama sa Langit at si Jesucristo rin.
Niyakap nang mahigpit ni Harvey si Bapak. “Tama po kayo. Malamig nga po ang tubig!” Pareho silang tumawa. Pagkatapos ay tinitigan ni Harvey si Bapak sa mga mata. “Pero tama rin kayo sa isa pang bagay. Nararamdaman ko ang malaking pagmamahal.”
Mga paglalarawan ni Bethany Stancliffe