2025
Si Eli at ang Dahon
Mayo 2025


“Si Eli at ang Dahon,” Kaibigan, Agosto 2025, 4–5.

Si Eli at ang Dahon

Nadama ni Eli na dapat niyang dalhin ang dahon.

Isang tunay na kuwento mula sa USA.

Babae at batang lalaki na nagkakalaykay ng mga dahon

Sumandal si Eli sa kanyang kalaykay at tumingin sa mga sanga ng puno ng oak na wala nang mga dahon. Nagkakalaykay siya ng mga dahon sa bakuran ng kanyang lola at nakagawa na siya ng malaking bunton nito. Napangiti siya. Tuwing Taglagas, naiisip niya palagi ang inihaw na pabo at pumpkin pie.

Nang sandaling iyon ay lumabas ng bahay si Lola.

“Salamat, Eli!” sabi nito. “Malinis na ang bakuran. Buti na lang at nakalaykay mo na ang mga dahon bago ang unang pag-ulan ng niyebe.” Ibinalot niya nang mas mahigpit sa kanyang sarili ang kanyang jacket. “Dadalaw ako sa isang kaibigan sa nursing home. Gusto mong sumama?”

“Sige po!”

Isinandal ni Eli ang kanyang kalaykay sa puno. Isang malaking dahon ng orange ang bumagsak at lumapag sa kanyang paa.

Batang lalaki na hawak ang isang dahon

Ang ganda ng dahon! naisip niya.

Nadama niya na dapat niyang dalhin ito. Kaya maingat niyang dinampot ang dahon.

“Sino po ang bibisitahin natin?” tanong niya.

“Si Mrs. Overly,” sabi ni Lola. “Kakalipat lang niya noong isang buwan.”

Habang naglalakad sila, inikut-ikot ni Eli ang tangkay ng dahon sa pagitan ng kanyang mga daliri. Isang kanto lang ang layo ng nursing home sa bahay ni Lola. Gustung-gusto ni Eli na sumasama sa kanyang mga pagbisita. Tila laging masaya ang mga tao roon kapag nakikita siya.

Bumukas ang mga pinto. Nakita ni Eli si Mr. Hansen na nakaupo sa kanyang wheelchair sa tabi ng front desk.

“Magandang umaga, Heber,” sabi ni Lola.

Hindi nagsalita ng anuman si Mr. Hansen, pero itinaas niya ang kanyang kamay, at binigyan siya ni Eli ng high five.

Babae at batang lalaki na bumibisita sa isang matandang babae sa isang nursing home

Nagpunta sila sa kwarto ni Mrs. Overly. Ngumiti siya nang pumasok sila.

“Hello!” Inabot niya ang kamay ni Lola. “Natutuwa akong makita ka. At sino ang kasama mo ngayon?”

“Ito ang apo kong si Eli,” sabi ni Lola. “Nagkalaykay siya ng mga dahon para sa akin sa umagang ito.”

Naalala ni Eli ang dahon na hawak niya. Iniabot niya ito kay Mrs. Overly. “Nagdala po ako ng isang dahon para sa inyo!” sabi niya.

“Oh!” Lalong lumaki ang ngiti ni Mrs. Overly nang kunin niya ang dahon. “Paano mo nalaman na gusto ko ng mga dahon? Dati ay may maganda akong koleksyon ng mga dahon, pero hindi ko madala iyon nang lumipat ako dito. Ngayon ay makakapagsimula na ako ng bago!”

Ang nadama ni Eli na kailangan niyang kunin ang dahon ay tiyak na mula sa Espiritu Santo! Hindi alam ni Eli na may nangangailangan ng dahon ngayon, pero alam ng Ama sa Langit.

Ngumiti si Eli. Iniisip ko kung sino pa ang matutulungan ko kung makikinig akong mabuti sa Espiritu Santo! ang naisip niya.

PDF ng pahina

Mga paglalarawan ni Lucie Bee