2025
Panatilihing Malapit si Itay
Mayo 2025


“Panatilihing Malapit si Itay,” Kaibigan, Agosto 2025, 36–37.

Panatilihing Malapit si Itay

“OK lang na malungkot. Lahat tayo ay mami-miss nang sobra ang tatay mo.”

Isang tunay na kuwento mula sa USA.

Dalawang batang babae na nakasuot ng itim na bestida na nalulungkot, ang isang bata ay nakaakbay sa isang bata

Pinakinggan ni Edith ang pagpatak ng ulan sa bintana. Tssssss, tssss, tsssss.

Sumimangot siya. Buong araw umuulan, at makulimlim ang kalangitan. Malamig at malungkot sa labas. Parang siya.

Umupo siya sa isang bangko, binabanat ang kanyang makating itim na bestida. Itim din ang makintab niyang bagong sapatos. Sana ay nasa bahay na lang siya sa halip na nasa punerarya.

Umupo sa tabi niya ang kanyang nakatatandang pinsan na si Savannah. “Kumusta ka na?” tanong ni Savannah. Lahat ng pamilya niya ay dumating para makadalo sa libing ngayong umaga. Lahat ay nakasuot ng itim na damit at malungkot.

Nagkibit-balikat si Edith. “OK, siguro.” Ayaw talaga niyang magsalita. Namatay ang tatay niya ilang araw na ang nakakaraan dahil sa isang aksidente. Pakiramdam niya ay naghihirap ang kalooban niya sa pag-iisip tungkol dito. Labis siyang nangungulila sa kanya.

Inakbayan siya ni Savannah, at humilig sa kanya si Edith. Nagpapasalamat siya para sa kanyang pinsan. Pero bakit kailangan pang kunin ng Diyos ang tatay niya sa kanila?

“Galit ba sa akin ang Diyos?” tanong ni Edith.

Napakunot-noo si Savannah. “Bakit mo naisip ‘yan?”

Tumingin si Edith sa kanyang sapatos. “Kinuha Niya ang tatay ko.”

Naramdaman ni Edith ang mga luha sa kanyang mga mata. Tumingala siya at nakita si Savannah na nagpupunas ng luha nito.

“Edith,” sabi ni Savannah, “hindi galit ang Ama sa Langit sa iyo. Mahal na mahal ka Niya at ang pamilya mo. Minsan may mga nangyayari na hindi natin maintindihan, pero mahal Niya tayo lagi.”

“Talaga?” tanong ni Edith.

Tumango si Savannah. “Talaga. Makatutulong na tandaan na makikita mo ulit ang tatay mo! Dahil si Jesucristo ay nabuhay na muli, tayong lahat ay muling mabubuhay rin.” Napangiti siya. “At pwede nating subukang alalahanin ang lahat ng mga bagay na mahal natin sa tatay mo para madama natin na palagi siyang nariyan.”

Naisip ni Edith ang tatay niya. Gustung-gusto niyang pag-usapan si Jesus. Siya ang may pinakamagandang ngiti at ang pinaka-nakakatawang tawa. Pinakamahigpit ang mga yakap niya. At lagi siya nitong pinasasaya kapag nalulungkot siya. Bigla siyang nakadama ng init na parang niyayakap siya ng tatay niya.

Tumingala siya. “Nakatulong iyon nang kaunti. Pero malungkot pa rin ako.”

“OK lang na malungkot. Nalulungkot din talaga ako,” sabi ni Savannah. “Lahat tayo ay mami-miss nang sobra ang tatay mo.”

Naisip ni Edith ang isang bagay na natutuhan niya sa Primary. “Matutulungan tayo ng Ama sa Langit kapag malungkot tayo,” sabi niya. “Puwede ba tayong magdasal ngayon?”

Tumango si Savannah, at humalukipkip sila.

“Ama sa Langit, salamat po kay Jesus at sa Kanyang Pagkabuhay na Muli,” sabi ni Edith. “Salamat po na mahal Ninyo kami lagi. Alagaan po Ninyo ang aking tatay. Tulungan po Ninyo kami na alalahanin siya at panatilihin siyang malapit sa aming puso. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.”

Nagmulat si Edith at bumuntong-hininga.

Paglabas nila ng gusali, malamig at umuulan pa rin. Pero ngayon ay may isang maliit na sinag ng sikat ng araw na sumisilay sa makulimlim na kaulapan. Parang malungkot pa rin sa labas, pero ngayon, may kaunting pag-asa na ring nadarama. Parang siya.

Dalawang batang babae na nakasuot ng itim na bestida na magkahawak-kamay at magkasamang naglalakad
PDF ng pahina

Mga larawang-guhit ni Zhen Liu