2025
Ang Tahimik na Panalangin ni Kimber
Mayo 2025


“Ang Tahimik na Panalangin ni Kimber,” Kaibigan, Agosto 2025, 30–31.

Ang Tahimik na Panalangin ni Kimber

Paano nga ba magdarasal si Kimber gayong napakahirap magsalita nang malakas?

Isang tunay na kuwento mula sa USA.

Batang babaeng nagdarasal

Itinuro ni Kimber ang mga tasa sa counter. Siya ay pumadyak-padyak, umungol, at muling tumuro.

Humarap si Inay. “May kailangan ka ba?”

Muling itinuro ni Kimber ang mga tasa. Nagmuwestra siya ng isang pakurbang linya sa kanyang bibig sa pamamagitan ng kanyang kamao na nakalabas ang kalingkingan o pinky finger, ang senyas para sa juice sa American Sign Language.

“Ah. Gusto mo ng juice,” sabi ni Inay.

Tumango lang si Kimber, naghihintay habang nilalagyan ni Inay ng juice ang kanyang tasa.

Dahil sa speech delay ni Kimber, hirap siyang magsalita nang malakas. Hindi niya gusto ang tunog ng boses niya kapag nagkakamali siya. Masakit sa kanyang mga tainga! Kapag itinatama siya ng ibang tao, nasasaktan ang kanyang damdamin. Nagsa-sign language siya kay Inay sa bahay, pero mas nahihirapan siya sa paaralan at simbahan dahil karamihan sa mga tao ay hindi marunong mag-sign language.

Nakikipagkita siya sa isang speech therapist tuwing ilang araw para matulungan siya sa pagpapraktis na magsalita. Pero napakahirap pa rin. Pakiramdam niya ay nawawalan na siya ng pag-asa.

Mga batang nakaupo sa klase sa Primary at may babaeng nagtuturo

Makalipas ang ilang araw, umupo si Kimber at nakinig sa lesson sa Primary. Nag-aaral sila tungkol sa panalangin. “Maaari ninyong kausapin ang Ama sa Langit tungkol sa anumang bagay,” sabi ni Sister Dees. “Palagi Siyang sasagot.”

Gustong isipin ni Kimber na sinasagot ng Ama sa Langit ang mga panalangin. Pero paano niya Siya kakausapin? Mahirap gumamit ng maraming salita.

Pamilya na magkakasamang nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Sa oras ng pagbabasa ng pamilya ng banal na kasulatan nang gabing iyon, nakinig si Kimber at ang kanyang maliliit na kapatid habang nagsasalitan sa pagbabasa sina Inay at Itay. Gustung-gusto ni Kimber na pinapakinggan ang banayad na boses ni Itay habang si Inay naman ay itinuturo ang mga salita sa pahina para makasunod si Kimber.

“Manawagan sa kanyang banal na pangalan, upang siya ay maawa sa inyo,” pagbabasa ni Itay. “Oo, magsumamo sa kanya ng awa; sapagkat may kapangyarihan siya na makapagligtas.”

“Manawagan sa kanya?” tanong ng kapatid niyang si Hunter. “Ano po ang ibig sabihin niyan?”

“Ibig sabihin nito ay manalangin,” sabi ni Itay. “Kung may problema ka, makakahingi ka ng tulong. Ang paghingi sa panalangin ay paghingi ng tulong sa Ama sa Langit.”

Tumango si Kimber. Madalas niyang madama na kailangan niya ng tulong. Pero paano siya mananalangin sa Ama sa Langit nang hindi nagsasalita nang malakas?

“Ang mga susunod na talatang ito ay tungkol lahat sa panalangin,” sabi ni Inay. “Maaari tayong manalangin tungkol sa anumang bagay—sa ating pamilya, sa ating pagkain, at sa anumang bagay na kailangan natin.” Pagkatapos ay patuloy siyang nagbasa. “‘Kung hindi kayo nagsusumamo sa Panginoon, hayaan na ang inyong mga puso ay mapuspos, patuloy na lumalapit sa panalangin sa kanya.’”

Tumigil muna si Inay at tiningnan si Kimber. “Ibig sabihin ay kung mananalangin ka sa iyong puso at isipan, maririnig ka ng Ama sa Langit.”

Nagkaroon si Kimber ng pag-asa, at masayang pakiramdam. Siguro talagang maririnig ng Ama sa Langit ang kanyang mga panalangin, kahit hindi siya magsalita nang malakas. Maaari siyang manalangin sa kanyang puso.

Nang gabing iyon, lumuhod si Kimber sa tabi ng kama kasama si Inay para magdasal bago matulog. Karaniwan ay si Inay ang nagdarasal habang nakikinig si Kimber. Pero sa pagkakataong ito, gustong subukan ni Kimber na manalangin sa puso niya.

Ako naman po, senyas niya, itinuro ang sarili at humalikipkip. Pumikit siya at inisip ang lahat ng bagay na gusto niyang malaman ng Ama sa Langit. Sa kanyang isipan, sinabi niya sa Kanya ang ipinagpapasalamat niya. Sinabi niya sa Kanya kung gaano kahirap magsalita. At humingi siya ng tulong sa Kanya.

Hindi nagtagal ay nakaramdam siya ng kapayapaan mula ulo hanggang sa kanyang mga daliri sa paa.

Nang matapos siya, iminulat ni Kimber ang kanyang mga mata.

Batang babae na niyayakap ang kanyang ina

Niyakap siya ni Inay. “Mahusay ang pagdarasal mo, Kimber.”

Ngumiti si Kimber. Alam niya na narinig siya ng Ama sa Langit. At alam niya na ang kapayapaang nadama niya sa kanyang puso ay ang sagot Niya.

PDF ng pahina

Mga larawang-guhit ni Brooke Smart