2025
Panik sa Pagtatanghal
Hunyo 2025


Panik sa Pagtatanghal

Ama sa Langit, dalangin niya, pakitulungan po Ninyo ako na maging kalmado.

Isang tunay na kuwento mula sa South Africa.

Babaeng nakatayo sa harap ng kanyang klase sa eskuwela

Kumabog ang puso ni Allyson. Halos siya na ang magbibigay ng presentation sa history. Paulit-ulit siyang nagpraktis kasama ang kanyang nanay nang gabi bago iyon. Pero ganoon pa rin, kabado pa rin siya. Ayaw niyang nagsasalita sa harap ng mga tao!

“Ang susunod ay si Allyson,” sabi ni Mrs. Tanner. “Halika ilahad mo na ang report mo.”

Tumayo si Allyson mula sa kanyang mesa at kinakabahan na naglakad papunta sa harapan ng klase. Tiningnan niya ang mukha ng kanyang mga kaklase at huminga nang malalim. Nagpapawis ang kanyang mga palad. Ipinahid niya ito sa kanyang uniporme.

Binuksan niya ang kanyang bibig para magsimula na. Pero bigla na lang na hindi niya alam kung ano ang sasabihin. Nakatitig ang lahat sa kanya, naghihintay na magsalita siya. Pakiramdam niya ang lahat ng kinabisa niyang salita ay nakabara sa lalamunan niya. Parang umiikot ang tiyan niya.

Pagkatapos ay may naalala si Allyson. Ilang linggo na ang nakalipas, may ikinuwento sa kanya ang Tatay niya tungkol sa kung paano siya nagdasal na tulungan siya ng Espiritu Santo.

Mabilis na umusal ng dasal si Allyson sa kanyang isipan. Ama sa Langit, dalangin niya, pakitulungan po Ninyo ako na maging kalmado at magawa ko nang maayos ang aking presentation. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Pagkatapos magdasal si Allyson, naglaho na ang panik o pagkataranta. Narelaks ang kanyang balikat, at naging maaliwalas ang kanyang isipan.

Sa pagkakataong ito nang buksan niya ang kanyang bibig, maluwag na dumaloy ang mga salita. “Ang report ko ay tungkol sa mga unang nanirahan sa South Africa noong mga 1600,” sabi niya. Ibinahagi niya ang mga katotohanan na isinaulo niya. Nang matapos na ang kanyang presentation, nakadama siya ng kaligayahan. Nagawa niya ito!

Naupo si Allyson na may ngiti sa kanyang mukha. Hindi perpekto ang report niya, pero talagang ipinagmamalaki niya ang nagawa niya.

“Uy,” bulong ng kaibigan niyang si Emily mula sa katabi niyang mesa. “Ang galing ng ginawa mo! Akala ko ayaw mong nagsasalita sa harap ng mga tao.”

Tahimik na tumawa si Allyson. “Akala ko rin nga e! Nagdasal lang ako at humingi ng tulong sa Diyos, at tinulungan Niya ako.”

Saglit na natahimik si Emily. At bumulong siya, “Wow, dapat siguro mas maging madasalin rin ako.”

Nang magsimula na ang kasunod na estudyante, naisip ni Allyson ang katatapos na pangyayari. Ibang-iba ang pakiramdam niya pagkatapos niyang magdasal. Talagang tinulungan siya ng Espiritu Santo na maging panatag at matapang!

Mabilis na muling nagdasal si Allyson sa kanyang isipan. Salamat po sa Inyo, Ama sa Langit, ang dasal niya. Salamat po sa pagsugo Ninyo sa Espiritu Santo para tulungan ako.

Alt text

Paglalarawan ni Silvia Provantini