2025
Ang Nasirang Kuwadro
Hunyo 2025


Ang Nasirang Kuwadro

“Ama sa Langit, pakibasbasan po Ninyo si Tate para malaman niya na minamahal siya.”

Isang tunay na kuwento mula sa USA.

Babaing nakasuot ng uniform ng narses na nakatingin sa ipinintang larawan ni Jesucristo sa kanyang tahanan

Naglakad si Erica papunta sa silid ng mga magulang niya at tumingin sa larawan na nasa dingding. Larawan iyon ni Jesucristo. Maraming beses na niyang nakita ito, pero may napansin siyang kakaiba sa pagkakataong ito.

“Itay? Saan po galing ang larawan na ito? At bakit po sira ang kuwadro?”

Nagtaas ng ulo si Itay mula sa pagkakayuko sa pag-aayos ng higaan. “Kay Oma ang larawan na iyan.”

Si Oma ang kanyang lola na nakatira noon sa Holland. Gustung-gusto ni Erica na nakikinig sa mga kuwento ni Itay tungkol sa buhay ni Oma.

Batang babae kasama ang kanyang ama na nakatingin sa painting ni Jesucristo sa dingding, at batang babaeng nakaupo sa kanyang kama na mukhang nag-aalala

Naupo si Itay sa kama sa tabi ni Erica. “Noong malaki na si Oma at umalis na ng bahay para maging narses, ibinigay ito sa kanya ng nanay niya,” sabi ni Itay. “Isinabit niya ito sa kanyang silid. Isang araw, nalaglag ito mula sa dingding, at nasira ang sulok nito. Hindi na niya ito naayos pa, at mula noon ay nanatili na itong sira. At nang lumaki ako at umalis na sa bahay, ibinigay ito sa akin ni Oma.”

Tanong ni Erica, “Bakit po hindi ninyo ito inayos?”

“Kaya ko itong ayusin,” sabi ni Itay. “Pero magandang paalala ito. Ipinapaalala nito sa akin na kahit kung minsan ay nasasaktan tayo o nasisiraan ng loob, matutulungan tayo ni Jesucristo. At ipinapaalala nito sa akin na kilala at mahal Niya ang ating pamilya.”

Sumaya si Erica nang muli niyang tingnan ang larawan. Ang sarap sa pakiramdam na malaman na may malasakit ang Panginoon sa kanyang pamilya.

Makalipas ang ilang araw, naghahanda na si Erica para matulog. Nagsepilyo na siya at isinuot na ang kanyang pajama. Sa loob ng ilang minuto, darating na si Itay para pakinggan ang kanyang panalangin bago matulog at patulugin na siya.

Pero may narinig si Erica. Ang kapatid niyang si Tate na nasa kabilang silid. Kausap niya si Itay, at parang umiiyak siya.

“Ayaw nila sa akin,” ang narinig niyang sinabi ni Tate kay Itay sa pagitan ng mga paghikbi.

Naisip ni Erica ang larawan ni Jesucristo na nasa sirang kuwadro. Naisip niya ang sinabi ni Itay tungkol sa kung paano tayo matutulungan ng Tagapagligtas kapag nasasaktan o nasisiraan tayo ng loob. Parang nasasaktan si Tate ngayon, naisip niya.

“Mahal kita. Magiging mas maganda ang bukas,” ang narinig niyang sinabi ni Itay kay Tate. “Magsasabi lang po ako ng ‘goodnight’ kay Erica. Babalik po ako kaagad.”

Nang lumakad si Itay papasok sa kanyang silid, nagtanong si Erica, “Bakit po umiiyak si Tate?”

“May sinabing hindi magagandang bagay ang ilang kaibigan niya sa eskwelahan,” sabi ni Itay.

Sumimangot si Erica. Pagkatapos ay nagkaroon siya ng ideya. “Puwede po ba tayong sama-samang magdasal?”

Ngumiti si Itay. “Palagay ko magugustuhan niya iyon.”

Mahinang kumatok si Erica sa pinto ng silid ni Tate at sumilip. “Tate? Puwede ba tayong sama-samang magdasal?”

Napasinghap si Tate at pinunasan ang kanyang mata. “Sige.”

Lumuhod sina Erica, Tate, at Itay, at si Erica ang nagdasal. “Ama sa Langit,” sabi niya, “pakibasbasan po Ninyo si Tate. Tulungan po Ninyo siya na malaman na siya ay minamahal at siya ay espesyal.”

Batang nakayakap sa kanyang kapatid

Pagkatapos ng dasal, nagyakapan nang mahigpit sina Erica at Tate. “Salamat,” bulong ni Tate.

At bumalik na si Erica sa kanyang silid kasama si Itay. Habang pinapatulog siya ni Itay, sinabi nito na, “Masaya ako na hiniling mo na magdasal tayo kasama si Tate. Ano ang nagbigay sa iyo ng ideya na magdasal na kasama niya?”

“Nalungkot po ako nang marinig ko siyang umiiyak,” sabi ni Erica. “At naisip ko po ang larawan ni Oma tungkol kay Jesucristo na nasa sirang kuwadro. Naisip ko po na kailangang maalala ni Tate na kahit nasasaktan siya, mahal siya ni Jesus at may malasakit Siya sa kanya.”

“Napakagandang paalala iyan,” sabi ni Itay. “Alam ko na mahal ka rin Niya at may malasakit din Siya sa iyo, mahal ko.”

Hinalikan siya ni Itay sa ulo at pinatay na ang ilaw. Namaluktot si Erica sa kanyang kumot. Nagpasalamat siya na laging nariyan si Jesucristo para tulungan ang kanyang pamilya.

Alt text

Mga larawang-guhit ni Alyssa Tallent