Isinulat Mo
Pinalakas na Panalangin
Ang mga Linggo ng umaga ang pinakamaganda dahil nangangahulugan ito na may cinnamon French toast! Hinahayaan ako ni Inay na haluin ang mga sangkap at ilagay ang French toast sa kawali. Isa ito sa mga almusal na talagang nagpapasaya sa akin.
Isang araw ng Linggo, natanto ko kung gaano katahimik ang kusina. Wala akong naaamoy na cinnamon na humahalimuyak sa buong bahay sa iba pang mga Linggo. Noon ko iyon nakita: ang kakila-kilabot na pink note na nasa ref o fridge. Sabi doon, “Linggo ng Ayuno.”
Lumabas ang Nanay ko para ipaalala sa amin na Linggo ng ayuno noon. Talagang nalungkot ako. Gusto ko pa rin ng French toast!
Iniupo ako ni Inay sa sofa at niyakap niya ako. Sinabi niya sa akin na ang pag-aayuno ay tumutulong sa atin sa pakikipag-ugnayan natin sa Diyos at mas inilalapit tayo kay Jesucristo. Natutuhan ko rin na ang pag-aayuno ay isang paraan para mapalakas ang ating mga panalangin. Para itong pagbibigay ng lakas sa ating mga panalangin.
Wala akong ideya na ganoon kaespesyal ang pag-aayuno. Bigla akong nakadamang muli ng sigla. Ngunit sa pagkakataong ito ay hindi ito tungkol sa French toast. Tungkol ito sa pag-aayuno! Pinasalamatan ko ang nanay ko at tumakbo ako pabalik sa aking kuwarto. Naupo ako at nag-isip kung sino ang gusto kong ipag-ayuno sa araw na iyon. Kinailangan kong gawin ito dahil hindi ito tulad ng ibang panalangin. Ito ay pinalakas na panalangin, isang panalangin na mas may puwersa dahil nag-aayuno ako.
Lumuhod ako at sinimulan ang aking ayuno. Pagkatapos kong magdasal, ang ganda ng pakiramdam ko, at hindi na ako nagugutom. Niyakap ko si Inay, at nagpasalamat ako sa pagtuturo niya sa akin tungkol sa pag-aayuno. Sa buong maghapon ay nakadama ako ng kapayapaan. Nang matapos ang maghapon, tinapos ko ang aking ayuno sa isang panalangin. Noon lang naging napakasarap ng pagkain!
Mga larawang-guhit ni Xavi Ramiro