Ang Problema sa Relo
“Hindi ka na nakikipaglaro sa amin!” sabi ni Liam.
Isang tunay na kuwento mula sa USA.
Binuksan ni William ang package at ipinakita ang kanyang makintab na bagong relo. Sa wakas, narito na! Tuwang-tuwa siya. Nagtrabaho siyang mabuti para kumita ng pera para mabili niya ito, at sulit naman.
Isinuot na niya ang relo at nagsimulang mag-scroll sa screen nito. Napakaraming magagandang games! Pinindot niya ang dinosaur game at nagsimulang maglaro.
Kinabukasan sa recess, ipinakita ni William ang kanyang relo sa kaibigan niyang si Liam. “Wow, astig!” sabi ni Liam. Sandali niyang pinanood si William sa paglalaro ng games dito. Pagkatapos ay nagtanong siya, “Gusto mo na bang maglaro ng kickball ngayon?”
“Mamaya na siguro,” sabi ni William. Tumakbo na si Liam para maglaro, at naupo si William sa ilalim ng isang puno para maglaro ng dinosaur game.
Kinabukasan sa recess, muling naglaro si William sa kanyang relo. Tumakbo si Liam palapit sa kanya. “Sasali ka ba sa laro ngayon?”
Tumingala si William mula sa pagkakatingin sa kanyang relo. “Hindi, gusto kong patuloy na laruin ang game na ito. Mamaya na lang siguro.”
Sumimangot si Liam. “Pero palagi tayong naglalaro ng kickball kapag recess!”
“Gusto ko lang tapusin ang game na ito,” sabi ni William.
Tumalikod si Liam at naglakad na palayo.
Ganoon pa rin ang nangyari nang sumunod na araw. At nang sumunod pa. Habang sakay ng bus pauwi, naupo si Liam sa tabi ni William. “Bakit hindi ka nakipaglaro sa amin ngayon?”
“May nilalaro lang akong game sa relo ko kanina,” sabi ni William. “Malapit ko nang maabot ang susunod na lebel.”
Humalukipkip si Liam. “Palagi kang naglalaro sa relo mo. Hindi ka na nakikipaglaro sa amin!”
Nadama ni William na nag-init ang kanyang mukha. “Kapag recess lang sa eskuwelahan ako nakakapaglaro ng game ko,” sabi niya. Lumakas ang kanyang boses. “Puwede kong gawin ang kahit anong gusto ko sa oras ng recess!”
Mukhang nagalit na si Liam. “Kung ganoon, hindi na pala tayo magkaibigan!”
Hindi umimik si William pagkatapos niyon. Humarap siya sa bintana para hindi makita ni Liam ang kanyang mukha. Humapdi ang mga mata niya sa luha.
Nang makarating na ang bus sa bababaan ni William, mabilis siyang tumakbo pauwi. Umupo siya sa sopa at nagsimulang umiyak. Sana hindi na niya binili ang kanyang relo.
“Ano’ng problema?” tanong ni Inay.
Suminghot si William. “Sabi po ni Liam hindi na kami pwedeng maging magkaibigan dahil palagi akong naglalaro sa relo ko.”
Naupo si Inay sa tabi niya. “Parang pakiramdam niya siguro ay mas mahalaga sa iyo ang relo mo kaysa sa kanya.”
“Hindi po totoo iyan!”
“Alam kong may malasakit ka kay Liam.” Niyakap siya ni Inay. “Pero ang pag-uukol natin ng ating oras ay maaaring magpakita kung ano ang iniisip natin na pinakamahalaga.”
Nag-isip sandali si William. “Mas mahalaga ang mga tao. Pero hindi po ba puwedeng maglaro din ako sa relo ko?”
“May maiisip ka pa ba na ibang paraan para magawa ito?” tanong ni Inay.
Tumango si William. “Siguro po maaari akong maglaro ng kickball kasama si Liam sa oras ng recess, at maglaro na lang saglit sa relo ko pagkauwi ko po mula sa eskuwela.”
“Magandang ideya iyan.”
Kinabukasan sa paaralan, nakita ni William si Liam sa oras ng recess. “Pasensya na nasobrahan ako ng paglalaro sa relo ko,” sabi niya. “Puwede pa ba akong makipaglaro ulit sa iyo ng kickball?”
Ngumiti si Liam. “Oo naman!”
Nang siya na ang titira, sinipa ni William ang bola at mabilis na tumakbo. Naririnig niyang sumisigaw si Liam.
Puwedeng maghintay ang relo niya. Maganda ang pakiramdam na makasama ang kanyang kaibigan.
Mga larawang-guhit ni Melissa Manwill Kashiwagi