2025
Patotoo sa Oras ng Meryenda
Hunyo 2025


Patotoo sa Oras ng Meryenda

May pumasok sa isip ni Zoe: Manindigan ka sa pinaniniwalaan mo.

Isang tunay na kuwento mula sa Australia.

Batang babae na may dalang sandwich na dumadaan sa dalawang batang babae na nakaupo sa lunchroom table

Oras na ng meryenda sa paaralan. Kinuha ni Zoe ang kanyang sandwich at naglakad na papunta sa mesa. Pumasok ang sikat ng araw sa bintana at tumama ang sikat sa kanya. Mainit noong araw na iyon, at masaya si Zoe.

Nag-uusap-usap ang lahat, at ang silid-aralan ay napuno ng ingay ng masasayang mga bata. Isang batang babae na nagngangalang Luna ang umupo malapit sa kaibigan niyang si Jesse.

“Kristiyano ka ba?” Narinig ni Zoe na nagtanong si Luna kay Jesse.

Nakaramdam si Zoe ng panghihina. Laging nagsasabi si Luna ng hindi magagandang bagay! Ano kaya ang susunod na sasabihin niya? Tumahimik ang buong silid habang nakikinig sila.

“Hindi ako naniniwala kay Jesus,” ang sumunod na sinabi ni Luna.

Isa-isang nagsabi rin ng ganoon ang maraming bata sa klase ni Zoe.

Batang mukhang natatakot, nakaupo sa tabi ng mesa at may hawak na sandwich

Bumilis ang tibok ng puso ni Zoe. Gusto niyang magkaroon ng lakas-ng-loob at sabihing naniniwala siya kay Jesucristo, pero natatakot siya sa mangyayari. Ano ang iisipin ng iba? Mawawalan ba siya ng mga kaibigan?

Bigla siyang nakaramdam ng mainit at payapang pakiramdam. May pumasok sa kanyang isipan: Manindigan ka sa iyong pinaniniwalaan. Poprotektahan kita. Alam ni Zoe na nagmula iyon sa Espiritu Santo.

Batang babaeng nakaupo sa lunchroom na may kausap na dalawang batang babae

Huminga siya nang malalim. “Naniniwala ako kay Jesucristo,” sabi niya. “At alam ko na mahal Niya ako. Mahal ka rin Niya, kahit hindi ka naniniwala sa Kanya.”

Lalong tumindi ang mainit na pakiramdam. Nadama ni Zoe na nagiging masaya ang kanyang kalooban.

Hindi nagtagal, tapos na ang oras ng meryenda, at oras na para maglaro sa labas. Patalun-talon si Zoe na nagpunta sa playground. Sumunod sa kanya ang ilan sa mga batang kaklase niya.

“Nagustuhan ko ang sinabi mo kay Luna,” sabi ng isang bata.

“Ako rin,” sabi ng isa pang batang lalaki. “Paano rin ako maniniwala kay Jesus?”

Ngumiti si Zoe. “Maaari kang magsimba at magbasa ng mga banal na kasulatan para mas marami pang matutuhan tungkol sa Kanya! At maaari ninyong sikaping mabuti na sundin ang itinuro Niya.”

Natuwa si Zoe na nagkaroon siya ng lakas-ng-loob na ibahagi ang kanyang mga pinaniniwalaan. Alam niya na laging nariyan si Jesucristo para tulungan siyang maging matapang.

alt

Mga larawang-guhit ni Chrisanne Serafin