2025
Sobra ang Galit para Manalangin
Disyembre 2024


“Sobra ang Galit para Manalangin,” Kaibigan, Enero 2025, 4–5.

Sobra ang Galit para Manalangin

Huminga ng malalim si Gabriela. Ano ang magagawa niya para kumalma?

Isang kuwento sa tunay na buhay mula sa Germany.

“Walang nakakaintindi sa akin!” Sigaw ni Gabriela nang ibarandal niya ang pinto ng kuwarto niya. Hindi naging maganda ang araw na ito. May isang tao sa eskuwelahan na ginawa siyang katatawanan. At nang makauwi si Gabriela, mainit ang ulo niya at nakipag-away siya kay Mutti (Inay).

Padabog na humiga si Gabriela sa kanyang kama at nagsimulang umiyak. Tumulo ang luha sa kanyang mga pisngi, at nanikip ang kanyang dibdib sa galit. Hindi niya gusto ang ganitong pakiramdam.

Naalala niya na natutuhan niya sa Primary na maaari siyang manalangin sa Ama sa Langit sa tuwing kailangan niya ng tulong. Gusto niyang magdasal para gumaan ang pakiramdam niya, pero sobra ang inis siya kaya hindi siya makapagtuon. Pumikit siya at huminga ng malalim. Ano ang magagawa niya para kumalma?

Makalipas ang ilang segundo, may naisip siya.

Mag-isip ng mga bagay na pinasasalamatan mo.

Nagmulat siya at tumingin sa paligid ng kanyang kuwarto. May isang larawan sa dingding nina Mutti at Vati (Itay). Mahal ni Gabriela ang kanyang pamilya, kahit naiinis siya sa kanila.

“Nagpapasalamat po ako sa mga magulang ko,” wika niya.

Pagkatapos ay naisip niya ang kanyang mga pinsan na sina Gwendolyn, Lydia, at Thomas. Palagi nila siyang pinapahiram ng kanilang mga laruan at pinapatawa. Gustung-gusto niyang makipaglaro sa kanila.

“Nagpapasalamat po ako sa mga pinsan ko,” sabi ni Gabriela.

At pagkatapos ay dumungaw siya sa kanyang bintana.

Palubog na ang araw, at puno ng magagandang kulay ang kalangitan—orange, pula, dilaw, at pink.

“Nagpapasalamat po ako sa mga paglubog ng araw,” sabi ni Gabriela.

At nag-isip pa siya ng iba pang mga bagay. Nagpasalamat siya para sa kinain niya sa tanghalian sa paaralan kanina. Nagpasalamat siya para sa kanyang mga kaibigan. Nagpasalamat siya para sa apartment na tinitirhan niya.

Masayang isipin ang mga bagay na dapat ipagpasalamat! Noon lang napagtanto ni Gabriela ang maraming magagandang bagay sa kanyang buhay.

Alam niya na binigyan siya ng Espiritu Santo ng ideya na isipin ang kanyang mga pagpapala. Payapa ang puso niya ngayon. Nadama niyang handa na siyang magdasal.

“Mahal na Ama sa Langit,” sabi niya. “Sorry po na nagalit ako kay Mutti. Salamat po sa pagtulong sa akin na kumalma at maging masayang muli. Salamat po sa pagsugo Ninyo sa Espiritu Santo para ipaalala sa akin ang aking mga pagpapala. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.”

Lumabas siya ng kanyang kuwarto. Nasa kusina sina Mutti at Vati at nagluluto ng hapunan. Niyakap niya si Mutti.

“Sorry po at nagalit ako sa inyo,” sabi ni Gabriela.

“OK lang,” sabi ni Mutti. “Salamat sa paghingi ng paumanhin.”

Umupo sila sa paligid ng mesa at binasbasan nila ang pagkain. At nagkaroon ng ideya si Gabriela!

“Umikot tayo sa mesa at bawat isa sa atin ay magsabi ng isang bagay na ipinagpapasalamat natin,” sabi niya.

Ngumiti si Vati. “Magandang ideya iyan!”

“Nagpapasalamat ako sa sabon,” sabi ni Mutti.

Nag-isip sandali si Vati.

“Pizza!” sabi niya. Nagtawanan silang lahat.

At si Gabriela na ang kasunod. Alam na niya ang gusto niyang sabihin.

“Nagpapasalamat po ako sa panalangin.”

PDF ng Kuwento

Mga larawang-guhit ni Simini Blocker