“Camp Rainy Day,” Kaibigan, Enero 2025, 16–17.
Camp Rainy Day
Bakit hindi sinagot ng Ama sa Langit ang kanyang mga dalangin?
Isang kuwento sa tunay na buhay mula sa USA.
“Bukas na ang laro ko, ’di ba?” tanong ni Lucy habang inihahanda siya ni Inay sa pagtulog.
Tumango si Inay. “Oo! Bukas ng gabi nang alas-6:00.”
Halos hindi makapaghintay si Lucy. Ilang linggo na niyang inaabangan ang unang softball game ng kanyang team. At sa taong ito ang jersey nila ay pink! Tuwang-tuwa siya kaya hindi siya makatulog.
Pero kinaumagahan, tumanaw si Lucy sa bintana at sumimangot. Madilim ang mga ulap sa kalangitan, at basa ang buong paligid. Magdamag na umulan kagabi.
Lumuhod siya para usalin ang kanyang panalangin sa umaga. “Mahal kong Ama sa Langit, tulungan po sana Ninyong gumanda ang panahon para sa softball game ko ngayong gabi.”
Buong araw sa paaralan, inisip ni Lucy ang laro. Inilarawan niya ang kanyang sarili na suot ang kanyang bagong pink jersey, na nakaunat ang kamay para masalo ang bola at manalo. Pero sa labas, maulan pa rin at basa.
Umusal ng maikling panalangin si Lucy sa kanyang isipan. Ama sa Langit, tulungan po sana Ninyong sumikat kaagad ang araw para makapaglaro kami mamayang gabi.
Nang tumunog ang bell ng paaralan, sinaklot ni Lucy ang backpack niya at tumakbo palabas. Nakikita niya na nagsisimulang sumilip ang araw mula sa likod ng mga ulap!
Pero nang sunduin siya ni Inay, may dala siyang masamang balita. “Kanselado ang laro para sa gabing ito,” sabi niya. “Sorry.”
Tumingala sa kalangitan si Lucy. “Pero pasikat na po ang araw. Baka po tumigil na ang ulan.”
“Alam ko,” sabi ni Inay. “Pero baha ang softball field dahil sa tubig-ulan. Kaya kahit tumigil ang ulan, basang-basa at maputik iyon para maglaro. Babaguhin nila ang iskedyul ng laro sa ibang pagkakataon.”
Napuno ng luha ang mga mata ni Lucy. Lungkot na lungkot siya! Gustung-gusto niya talagang maglaro ngayong gabi. Bakit hindi sinagot ng Ama sa Langit ang kanyang mga dalangin?
Sa bahay, malungkot si Lucy na tulad ng madidilim na ulap ng ulan. Parang ayaw niyang basahin ang paborito niyang libro. At kahit ipinagluto siya ni Inay ng paborito niyang pasta para sa hapunan, hindi masarap ang lasa nito.
Pagkatapos ng hapunan, gumapang sa kanyang kandungan ang bunsong kapatid ni Lucy na si Ellie. “Laro tayo?” tanong niya.
Bumuntong-hininga si Lucy. “Sige,” sabi niya. Pagkatapos ay nagkaroon siya ng ideya. “Kailangan masaya ang gagawin natin.”
Kumuha siya ng walis at nagtali ng isang bandana sa dulo nito para gumawa ng bandila. Pagkatapos ay tinipon niya ang lahat ng kapatid niyang babae. Itinaas niya ang bandila at sinabi, “Welcome sa Camp Rainy Day! Dito ka pumupunta para magsaya kapag hindi ka makapaglaro sa labas.”
Naghiyawan ang mga kapatid niya.
“Una,” sabi ni Lucy, “kakantahin natin ang ating camp song.”
Naghagikgikan ang mga babae habang nag-iimbento sila ng nakakatawang awitin at ng mga titik nito. Pagkatapos ay nagmartsa sila sa paligid ng silid dala ang kanilang bandila, kumakanta nang malakas hangga’t kaya nila.
“Ngayon kailangan nating itayo ang ating tolda!” Tinulungan ni Lucy ang kanyang mga kapatid na mangalap ng mga kumot at unan para gawing kuta. Ilang beses itong natumba. Pero nang ayusin nila ito, nagsiksikan silang lahat sa loob ng kuta para maglaro.
Hindi nagtagal ay oras na para matulog. “Sana umulan ulit bukas,” sabi ng kapatid ni Lucy na si Liza. “Gusto kong maglaro ulit ng Camp Rainy Day!”
“Salamat sa pakikipaglaro sa mga kapatid mo,” sabi ni Inay habang yakap si Lucy. “Gumawa ka ng sarili mong sikat ng araw sa maulap na sitwasyon. “Ipinagmamalaki kita.”
Masaya si Lucy habang papunta sa kama. Hindi nasagot ang kanyang mga dalangin sa paraang gusto niya. Pero tinulungan pa rin siya ng Ama sa Langit na makahanap ng masayang gagawin na kasama ang kanyang pamilya—at kasinsaya iyon na tulad ng pagsusuot ng pink sa kanyang unang softball game.
Mga paglalarawan ni Apryl Stott