2025
Pagpunta sa Simbahan Kasama si Ghuka
Disyembre 2024


“Pagpunta sa Simbahan Kasama si Ghuka,” Kaibigan, Enero 2025, 30–31.

Mga Pioneer sa Bawat Lupain

Pagpunta sa Simbahan Kasama si Ghuka

Ngayon lang nakakita ng ganitong simbahan si Kelvin.

Isang kuwento sa tunay na buhay mula sa Kenya.

Maingat na isinalansan ni Kelvin ang makikintab na bote ng gatas sa istante. Kamakailan lang ay lumipat siya upang makitira sa kanyang mga lolo’t lola sa isang nayon sa labas ng lungsod. May tindahan sila ng gatas, at nagustuhan ni Kelvin na tumulong.

“Ngayong gabi pupunta tayo sa isang aktibidad sa aming simbahan,” sabi ni Ghuka (Lolo). “Gusto mo bang sumama sa amin? Masaya iyon.”

Gusto ni Kelvin na nagsasaya. “Opo!” sabi niya. “Sasama po ako sa inyo.”

Matapos nilang isara ang tindahan, naglakad na si Kelvin at ang kanyang lolo’t lola papunta papunta sa aktibidad. Dumaan sila sa iba pang mga tindahan ng tela, prutas, at mga halamang nakapaso. Maya-maya pa, nakarating na sila sa simbahan.

Maglolo na nasa labas ng isang gusali ng simbahan

Nakatayo si Kelvin na nanlalaki ang mata habang nakatingin sa magandang gusali. Ngayon lang siya nakakita ng ganitong simbahan. Karamihan sa mga simbahan ay may krus sa tuktok, pero wala ang isang ito.

Sa loob, ipinakilala ng lolo’t lola si Kelvin sa maraming mababait na tao. Kumain sila ng masarap na pagkain at naglaro.

Pero mausisa si Kelvin. Kaya gumala-gala siya sa mga pasilyo ng simbahan. Nakita niya ang mga painting ni Jesucristo. Pagkatapos ay pumasok siya sa isang silid-aralan at napansin ang ilang litrato sa dingding.

Sino ang mga taong ito? naisip ni Kelvin.

Pagkalabas niya ng kuwarto, nakita niya ang dalawang binata sa pasilyo. Nakasuot sila ng puting polo at kurbata. “Hi,” sabi ng isa sa kanila. “Mga missionary kami. Ano’ng pangalan mo?”

Nagpakilala si Kelvin. Pagkatapos ay nagtanong siya, “Sino po ang lalaki sa larawang iyon?” Itinuro niya ulit ang isa sa mga litrato sa loob ng kuwarto.

“Iyan ang propeta,” sabi ng isa pang missionary. “Alam mo ba kung ano ang propeta?”

Ngumiti si Kelvin at umiling.

“Ang propeta ay isang sugo mula sa Diyos,” sabi ng missionary. “Itinuturo niya sa atin ang nais ng Diyos na malaman natin.”

Nang maglakad si Kelvin pauwi na kasama ang kanyang lolo’t lola nang gabing iyon, may hawak siyang kopya ng Aklat ni Mormon na ibinigay sa kanya ng mga missionary. Tuwang-tuwa siyang matuto pa tungkol sa mga propeta at sa bagong simbahang ito.

“Babasahan mo ba kami?” tanong ni Ghuka pagdating nila sa bahay. Hindi marunong magbasa ang lolo’t lola ni Kelvin.

Batang lalaking binabasa ang Aklat ni Mormon sa kanyang lolo’t lola

“Opo!” sabi ni Kelvin. Binuksan niya ang Aklat ni Mormon at binasa nang malakas. Hindi niya naintindihan ang lahat ng salita, pero may espesyal siyang naramdaman.

Araw ng Linggo, naglakad si Kelvin kasama ang kanyang lolo’t lola pabalik sa simbahan. Nagpunta siya sa isang klase na para sa lahat ng bata. Ang tawag doon ay Primary. Napakarami niyang naging kaibigan! Marami pa siyang nalaman tungkol sa mga propeta at kay Jesus.

Dumating ang mga missionary para turuan pa si Kelvin. Isang araw ay tinanong nila siya. “Susundin mo ba ang halimbawa ng Tagapagligtas at magpapabinyag?”

Ngumiti nang todo si Kelvin. “Opo!”

Sa araw ng kanyang binyag, lumusong si Kelvin sa tubig. Malamig iyon. Pero habang nakatingin si Kelvin sa kanyang paligid, nakita niya ang kanyang lolo’t lola, mga missionary, at lahat ng bago niyang kaibigan mula sa simbahan. Nadama niya na mahal na mahal nila siya!

Sa pagpiling sundin si Jesucristo, naging pioneer si Kelvin sa kanyang pamilya. Hindi Siya makapaghintay na patuloy na sumunod sa Kanya—at tulungan din ang iba na sumunod sa Kanya!

PDF ng Kuwento

Mga larawang-guhit ni Kristin Sorra