“Tulad ni Joseph,” Kaibigan, Enero 2025, 4–5.
Madaling Basahin
Tulad ni Joseph
Talaga bang nakita ni Joseph Smith ang Ama sa Langit at si Jesucristo?
Isang kuwento sa tunay na buhay mula sa Pilipinas.
Patalbug-talbog si Lhensay sa kanyang upuan sa tabi ng nanay niya habang nagdaraan sa bayan ang jeepney na sinasakyan nila. Linggo ang paboritong araw ni Lhensay sa buong linggo! Gustung-gusto niyang magpunta sa Primary at matuto tungkol kay Jesucristo.
Tumigil ang jeepney sa kanilang hintuan. Hinawakan ni Inay ang kamay ni Lhensay nang maglakad sila papunta sa simbahan.
Pagkatapos ng sacrament meeting, naglakad si Lhensay papunta sa Primary kasama ang kaibigan niyang si Maria. Sa pisara may larawan ng isang binatilyong nagdarasal sa kakahuyan.
“Magandang umaga!” Itinuro ng kanilang gurong si Sister Cruz ang larawan. “Alam ba ninyo kung sino ito?”
“Si Joseph Smith po iyan!” sabi ni Lhensay.
Ngumiti si Sister Cruz. “Oo, tama iyan. At ano ang ginawa ni Joseph Smith?”
Muling tiningnan ni Lhensay ang larawan. Alam niya na si Joseph Smith ay isang propeta noon, pero wala na siyang iba pang alam.
“Siya po ang unang propeta ng ating simbahan,” sabi ni Maria.
“Tama na naman!” sabi ni Sister Cruz. “Noong bata pa si Joseph, hindi niya alam kung aling simbahan ang sasalihan. Pumasok siya sa kakahuyan at nagdasal sa Diyos para malaman kung alin ang totoo. Humingi rin siya ng kapatawaran para sa kanyang mga kasalanan. Habang nagdarasal siya, may lumitaw na isang maningning na liwanag. Alam ba ninyo kung sino ang nasa liwanag na iyon?”
Naghintay si Lhensay at ang iba pa niyang kaklase.
Naglagay si Sister Cruz ng isa pang larawan sa pisara. Ipinakita ng isang ito ang dalawang lalaking nakatayo sa hangin sa itaas ni Joseph Smith. Nakasuot sila ng puting bata at nagniningning.
“Ipinakita ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang kanilang sarili kay Joseph,” sabi ni Sister Cruz. “Sinabi Nila sa kanya na ipanunumbalik niya ang Simbahan ni Jesus. Tinatawag natin itong Unang Pangitain.”
Nagtaas ng kamay si Lhensay, na nanlalaki ang mga mata. “Totoo po ba iyon?” tanong niya.
Tumango si Sister Cruz. “Oo, totoo iyon!”
Sumigla ang puso ni Lhensay. Alam niya na totoo ang sinabi ni Sister Cruz.
Nang gabing iyon, patuloy na nag-isip si Lhensay tungkol kay Joseph Smith. “Inay, paano ko po makikita ang Ama sa Langit at si Jesus, tulad ni Joseph Smith?” tanong niya.
Niyakap ni Inay si Lhensay. “Karamihan sa atin ay hindi makikita ang Ama sa Langit at si Jesus na tulad ni Joseph Smith. Pero maaari pa rin Silang makipag-usap sa atin sa pamamagitan ng mga kaisipan at damdamin mula sa Espiritu Santo. Pagkatapos ay malalaman ninyo na Sila ay lagi ninyong kasama.”
Naisip ni Lhensay ang mainit na pakiramdam na nadama niya nang ikuwento sa kanila ni Sister Cruz ang tungkol sa Unang Pangitain. Iyon ang Espiritu Santo, na nagpapadala sa kanya ng mensahe mula sa Ama sa Langit at kay Jesucristo! Ngumiti siya at niyakap din niya ni Inay. Sila ay nangusap sa kanya, tulad ng ginawa nila kay Joseph Smith!
Mga larawang-guhit ni Shawna J. C. Tenney