“Ang Nawawalang Salamin sa Mata,” Kaibigan, Enero 2025, 44–45.
Ang Nawawalang Salamin sa Mata
Isang tunay na kuwento mula sa Bolivia.
Iyon ang unang araw ng pasukan sa paaralan. Tuwang-tuwa si Andrés! Grade one na siya ngayon. Malaking bata siya!
Pero pagdating niya sa paaralan, mukhang napakalaki niyon at nakakatakot, kahit para sa isang malaking bata. Hinawakan niya nang mahigpit ang kamay ni Mami.
“Magiging OK ang lahat.” Ngumiti si Mami. “Mag-hello ka sa teacher mo. Maging mabait ka sa mga kaklase mo. At huwag mong kalimutang ingatan ang salamin mo sa mata.”
Noong isang linggo, nakuha ni Andrés ang una niyang salamin sa mata. Lagi siyang pinapaalalahanan ng mga magulang niya na ingatan ito.
Kumaway si Inay para magpaalam. “Maging maganda sana ang araw mo!”
Pero hindi naging maganda ang araw ni Andrés. May nangyaring hindi maganda!
Tumakbo siya papunta kay Mami paglabas niya ng paaralan. “Nawala po ang salamin ko sa mata,” pag-iyak niya. “Hinanap ko na po sa lahat ng lugar, pero hindi ko po makita!”
“Naku!” Mukhang nag-aalala si Mami. “Humingi tayo ng tulong sa Ama sa Langit.”
“Sa tingin po ba ninyo makakatulong iyan?” tanong niya.
“Subukan natin. Laging nakikinig ang Ama sa Langit sa ating mga dasal,” sabi ni Mami.
Nagdasal sina Andrés at Mami. Hiniling nila sa Ama sa Langit na tulungan si Andrés na mahanap ang kanyang salamin sa mata.
Kinabukasan sa paaralan, malungkot pa rin si Andrés. Pagkatapos ay may lumapit na bata sa kanya.
“Palagay ko sa iyo ito.” Inabot ng bata ang salamin sa mata. “Nakita ko ito sa may football field.”
Kinuha ni Andrés ang salamin sa mata. Sa kanya nga ito! Hindi siya makapaniwala!
Paglabas ng paaralan, tumakbo siya papunta kay Mami at niyakap niya ito nang mahigpit.
“Nahanap mo ang salamin mo sa mata!” sabi nito. “Sobrang saya mo siguro na mahanap mo ito.”
“Opo!” sabi ni Andrés. “Pero mas masaya po ako dahil sa natutuhan ko.”
“At ano iyon?”
Ngumiti nang todo si Andrés. “Nakakatulong po talaga ang pagdarasal!”
Mga larawang-guhit ni Susanna Teodoro