2025
Ang Kaloob na Panalangin
Disyembre 2024


“Ang Kaloob na Panalangin,” Kaibigan, Enero 2025, 20–21.

Mula sa Ating mga Pinuno

Ang Kaloob na Panalangin

Hango sa “Manalangin, Nariyan Siya,” Liahona, Mayo 2024, 77–79.

Binigyan ka ng Ama sa Langit ng napakaespesyal na kaloob. Ito ay ang kaloob na panalangin. Ang panalangin ay maaaring makatulong sa atin kahit kailan, kahit saan.

Gusto kong ibahagi ang tatlong kaloob na maaari mong ipagdasal.

1. Ipagdasal na malaman.

Kung hindi natin nakikita ang Ama sa Langit kapag nagdarasal tayo, paano natin malalaman na nakikinig Siya?

Inanyayahan kayo ni Pangulong Nelson na “ibuhos ang inyong puso sa inyong Ama sa Langit. … At makinig!”* Maaari ninyong malaman na naririnig ng Ama sa Langit ang inyong mga panalangin kapag pinakinggan ninyo ang nadarama ninyo sa inyong puso at ang mga kaisipang dumarating sa inyo.

2. Ipagdasal na lumago.

Paano mo gustong lumago? Gusto mo bang matuto ng bagong kasanayan o magkaroon ng mga bagong kaibigan? Maaari mong ipagdasal na ikaw ay lumago para maging higit na katulad ni Jesucristo!

Ikinuwento sa akin ng bago kong kaibigang si Jonah kung gaano kadalas siyang mag-alala sa paaralan. Pero nang magsimula siyang manalangin bago pumasok sa paaralan, nakadama siya ng kapayapaan. Ipinagdarasal ni Jonah na lumago araw-araw, at maaari mo ring gawin iyan!

3. Ipagdasal na maipakita.

Bilang isang bata ipinagdasal ko ang aking pamilya. Ginusto kong malaman kung paano ko sila matutulungan. Tinulungan ako ng Ama sa Langit na malaman na maaari akong maging halimbawa ng ebanghelyo ni Jesucristo. Kaya kong gawin iyan!

Kung ipinagdarasal mo ang iyong pamilya o ang iba pang nagmamahal sa iyo, huwag sumuko! Ipapakita sa iyo ng Ama sa Langit kung ano ang maaari mong gawin. Kapag taos-puso kang humihingi ng tulong sa Kanya, gagabayan ka ng Kanyang Espiritu.

Ang Aking mga Panalangin

Isipin ang mga tanong na ito tuwing magdarasal ka. Pagkatapos ay kulayan ang isang bulaklak. Tingnan kung kaya mong kulayan ang buong pahina!

  • Ano ang gusto kong malaman?

  • Paano ko gustong lumago?

  • Paano ko maipapakita ang pagmamahal ng Ama sa Langit sa iba?

Aktibidad na pagkukulay ng mga bulaklak

Mga larawang-guhit ni Jared Beckstrand