Lingguhang YA
Kapag Pakiramdam Mo ay Hindi Ka Mahusay sa Anumang Bagay, Alalahanin ang Kakayahan Mong Maglingkod
Marso 2026 Liahona


Mula sa Lingguhang YA

Kapag Pakiramdam Mo ay Hindi Ka Mahusay sa Anumang Bagay, Alalahanin ang Kakayahan Mong Maglingkod

Ang kaalamang may kakayahan akong maglingkod sa iba ay nagbibigay sa akin ng kumpiyansa na wala ako sa halos buong buhay ko.

isang paglalarawan ng isang binatilyo na may mga bula ng kaisipan sa iba’t ibang wika

Dati, pakiramdam ko ay hindi ako mahusay sa anumang bagay.

Bago ako magmisyon, ang kaisipang iyon ay laging nasa isip ko. Noon pa man ay maliit na ako at hindi ako kailanman naging mahusay sa isports o akademya. Pakiramdam ko ang lahat ng iba ay mas marami pang kakayahan kaysa sa akin. Kahit kapag ang mga tao ay mabait at nagwikang, “Mayroon ka ring mga talento,” itinuring ko lamang ang kanilang mga salita bilang pambobola.

Pakiramdam ko ay mas mababa ako at hindi ko lubos na magustuhan kung sino ako. Ngunit nagbago ang damdaming iyon kalaunan.

Ang Malaman na May Kakayahan Ako

Nagmisyon ako sa Sydney, Australia, at ang pagpunta roon mula sa Japan nang hindi ako makapagsalita ng Ingles ay napakahirap. Hindi ko naunawaan ang sinasabi ng iba at halos hindi ko maipahayag ang gusto kong ibahagi. Sa loob ng mahabang panahon, itinanong ko sa Diyos, “Bakit ako tinawag na maglingkod sa isang bansa na talagang naiiba sa sarili kong bansa?”

Ngunit salamat sa mga nakahihimok na salita mula sa aking mission president at mga kompanyon, unti-unti akong nagsimulang matuto ng Ingles. Unti-unti, nakausap ko na ang mga tinuruan ko. Himala iyon! At nagsimula rin akong makadama ng kumpiyansa—isang tahimik ngunit matinding pakiramdam ng katuparan na may kakayahan akong gawin at ginagawa ko ang isang bagay na makabuluhan para sa iba.

Hindi iyon naging madali. Ngunit nakadama ako ng matinding kagalakan dahil alam kong ang Panginoon ay nagtitiwala sa aking mga kakayahan at kumikilos sa pamamagitan ko. Iyon ay nagpadama sa akin ng lakas na higit pa sa anumang nadama ko noon.

Kumpiyansa sa Paglilingkod

Nang makauwi ako, naghanda ako ng lesson na ituturo sa elders quorum, at nakita ko ang isang nagbibigay-inspirasyong mensahe na hindi naisalin sa Japanese. Nadama ko na gusto kong ibahagi sa klase ang mensaheng iyon. Kaya isinalin ko ito mula sa Ingles at ibinahagi ito sa lesson. Marami sa kalalakihan ang naantig ng mensahe at nagpasalamat na naisalin ko ito para sa kanila.

Ang karanasang iyon ay muling nagturo sa akin na ang paglilingkod ay hindi kailangang maging kumplikado. Kalaunan, matapos magsalin ng iba pang mga mensahe, nagsimula akong magboluntaryo na magsalin ng mga mensahe sa debosyonal na ibinigay sa mga young adult. Humantong ito sa pagkakaroon ko ng trabaho bilang opisyal na tagapagsalin. Ako lamang ang nagturo sa aking sarili, ngunit sa pamamagitan ng paglilingkod, napahusay ang aking mga kasanayan, at napagpala ko ang iba sa pamamagitan ng natutuhan ko.

Minsang sinabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Kung minsan ang ating buhay ay parang neo-impressionistic art. Ang tulduk-tuldok na kulay na bumubuo sa mga sandali at kaganapan sa ating buhay ay maaaring magmukhang hindi magkakakonekta at magulo kung minsan. Wala tayong nakikitang kaayusan dito. Hindi natin maisip kung may layunin man lang ito.

“Gayunman, kapag itinuon natin ang ating pananaw sa kawalanghanggan, kapag tiningnan natin ang ating buhay batay sa ebanghelyo ni Jesucristo, makikita natin kung paano nagkakaugnay-ugnay ang mga pangyayari sa ating buhay. Maaaring hindi natin nakikita ang buong larawan sa ngayon, ngunit sa pagtitiyaga sapat ang makikita natin para magtiwala na may isang maganda at engrandeng disenyo.”

Nang tawagin akong maglingkod sa Australia, pakiramdam ko ang aking buhay ay isang bungkos ng mga tuldok na hindi magkakaugnay na hindi ko naunawaan. Ngunit sa pagbabalik-tanaw ngayon, nakikita ko na ang lahat ng pagkakataong maglingkod at matuto ng Ingles ay bahagi ng plano ng Ama sa Langit upang pagpalain ako at ipakita sa akin na tunay akong may kakayahan, may mga talento ako, at maaari akong magkaroon ng kumpiyansa sa kung sino ako bilang isang disipulo ni Cristo at bilang isang anak ng Diyos.

Nagtitiwala Siya sa akin na maglingkod sa iba, at ang paglilingkod na iyon ay nagpuspos sa akin ng pag-ibig sa kapwa-tao—ang dalisay na pag-ibig ni Cristo—para sa mga nasa paligid ko.

Handang Ibahagi ang Kanyang Pagmamahal

Kapag pakiramdam natin ay mas mababa tayo kaysa sa iba, ang tanging kailangan nating tandaan ay ang ating kakayahang magbahagi ng kabutihan sa mundo, sa malalaki at maliliit na paraan. Hindi palaging madaling maglingkod. Hindi palaging nangyayari ang mga bagay-bagay sa paraang inaasahan natin, ngunit lahat tayo ay may kakayahang magbahagi ng liwanag, at ang ating paglilingkod ay makatutulong sa atin at sa iba na maghandang humarap sa Tagapagligtas.

Tulad ng itinuro ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Inaasahan [ng Diyos na] gagamitin natin ang ating mga handog, talento, at kakayahan upang mapagpala ang buhay ng mga anak ng Ama sa Langit. …

“Hangarin ang patnubay ng Diyos upang mapaunlad ang inyong mga natatanging kakayahan at makatulong sa iba kahit hindi ito madali. … Sa paggawa nito, tumutulong kayong ihanda ang mundo sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, kayo ay mapagpapala ng sapat na pag-asa na pumasok sa kapahingahan at kagalakan ng Panginoon, ngayon at sa hinaharap.”

Naniniwala ako na ang paglilingkod sa iba at pagpapakita ng pagmamahal na tulad ng kay Cristo ay tuwirang tumutupad sa mismong layunin ng pagparito natin sa lupa, at sa pamamagitan nito, matutulungan natin ang isa’t isa na makabalik sa Kanya.

Kapag nag-aalinlangan ako sa aking sarili, paglilingkod ang maihahandog ko. Ito ang susi na naghahatid ng napakaraming pagpapala sa aking buhay, kabilang na ang pagkakaroon ng kumpiyansa sa aking banal na pagkakakilanlan at sa harapan ng Panginoon.