Lingguhang YA
5 Simpleng Ideya sa Espirituwal na Paghahanda para sa Pangkalahatang Kumperensiya
Marso 2026 Liahona


Mula sa Lingguhang YA

5 Simpleng Ideya sa Espirituwal na Paghahanda para sa Pangkalahatang Kumperensiya

Linangin ang isang kapaligiran kung saan makapananahanan ang Espiritu, at panoorin kung paano nito binabago ang iyong karanasan sa kumperensiya!

isang babaeng nakasuot ng headphones na nakaupo sa isang sofa

Sabik na sabik ako sa tuwing nalalapit ang pangkalahatang kumperensiya. Gustung-gusto ko kung paano nakatutulong sa akin ang mga mensaheng ibinahagi sa kumperensiya upang malaman ang iba pa tungkol sa Tagapagligtas—lalo na kapag kasabay ito ng Pasko ng Pagkabuhay. Subalit tila palagi akong binibigla nito.

Noon pa man ay inaanyayahan na tayo ng mga propeta at apostol na espirituwal na maghanda para sa pangkalahatang kumperensiya. Itinanong ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ano kaya ang mangyayari kung tutumbasan nating mga tagapakinig ang paghahanda ng mga tagapagsalita? Paano kaya magbabago ang ating pag-uugali sa pangkalahatang kumperensiya kung itinuring natin itong isang pagkakataon para makatanggap ng mga mensahe mula sa Panginoon mismo?”

Lagi kong sinisikap na espirituwal na maghandang makinig sa mga buhay na propeta, ngunit halos walang palya, sa tuwing aabot ako sa panahon ng kumperensiya, naiisip ko, “Aba, dapat pala ay mas marami akong ginawa upang maihanda ang aking sarili para sa dami ng mga nakasisiglang salita na ibubuhos sa akin.”

Ang problema sa akin ay ginagawa kong masyadong kumplikado ang paghahanda para sa kumperensiya kaya ako ay nahihirapan, nawawalan ng motibasyon, at ipinapaliban ito hanggang sa huling sandali. Ngunit natanto ko na ang paghahanda ay hindi kailangang maging sobra-sobra—nangangailangan lamang ito ng kaunting intensiyon.

Ang Espirituwal na Gawaing Pakinggan ang Espiritu

Nakatutulong sa aking alalahanin na nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na mangusap sa akin, ngunit kung hindi ako nakaayon sa Espiritu, mas magiging mahirap na pakinggan Sila. Kaya, ang simpleng pag-anyaya sa Espiritu Santo sa aking buhay ay isa sa pinakamaiinam na paraan upang makapaghandang tumanggap ng higit na liwanag, kaalaman, at karunungan mula sa langit.

Inanyayahan tayo ni Pangulong Russell M. Nelson (1924–2025) na “magpasiyang gawin ang espirituwal na bagay na kailangan upang matamasa ang kaloob na Espiritu Santo at marinig ang tinig ng Espiritu nang mas madalas at mas malinaw.”

Ang espirituwal na gawaing ito ay nagsisimula sa paglikha ng kapaligiran kung saan makapananahanan ang Espiritu. At hindi ito kailangang maging kumplikado!

Narito ang limang simpleng ideya upang maihanda ang iyong puso’t isipan para sa panahon ng pangkalahatang kumperensiya:

1. Balikan ang mga Nakaraang Kumperensiya

Talakayin ang mga nakaraang mensahe sa kumperensiya kasama ang mga kaibigan at kapamilya o balikan ang sarili mong mga tala. Isipin ang inspirasyong natanggap mo noon at kung paano napagpala ang iyong buhay ng pagkilos ayon dito.

Sa pagbabalik-tanaw sa ating mga nakaraang karanasan sa Espiritu Santo, nagiging mas pamilyar tayo sa paraan ng pakikipag-usap Niya sa atin, at maaari tayong maging handang pakinggan Siya kapag muli Siyang nangusap sa atin.

2. Makinig sa Nakasisiglang Musika

Makinig sa nakasisiglang musika ilang linggo bago ang kumperensiya. Ito ay maaaring musika mula sa himnaryo, Tabernacle Choir at Temple Square, Strive to Be (ang opisyal na channel ng musika para sa mga kabatang tagasunod ni Cristo), o anumang bagay na nakatutulong sa iyo na mas mapalapit sa Diyos.

3. Panatilihing Nakikita ang Iyong mga Tanong

Isulat ang iyong mga tanong at ilagay ang mga ito sa isang lugar na makikita mo ilang araw o linggo bago ang kumperensiya. Maaari mong ilagay ang mga ito sa salamin ng banyo, refrigerator, background ng iyong telepono, kahit saan na makikita mo ang mga ito nang regular.

Ito ay maaaring humantong sa mas malalim na pagninilay at makatutulong sa iyo na maging mas handang tumanggap ng mga mensaheng ibabahagi sa kumperensiya.

4. Manalangin upang Malaman Kung Ano ang mga Itatanong

Kung pakiramdam mo ay wala kang mga tanong, manalangin at hilingin sa Diyos na tulungan kang malaman kung ano ang mga itatanong. Maaaring tungkol ito sa anumang bagay mula sa pag-asam ng malalaking pagbabago sa buhay hanggang sa paggawa ng maliliit na pagbabago sa iyong mga pang-araw-araw na gawi. Maaari ka Niyang gabayan na magtanong ng mga partikular na tanong o bigyan ng hangaring matuto ng iba pa tungkol sa isang paksa ng ebanghelyo bago dumating ang kumperensiya.

Sabik ang Ama sa Langit na gabayan tayo sa pagsulong sa landas ng tipan. Ang pananalangin para sa mga tanong na itatanong ay isang paraan na matutulungan Niya tayong sumulong at marinig ang nais Niyang sabihin sa atin sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta at apostol.

5. Tingnan ang mga Halimbawa ng Iba

Pag-aralan kung paano naghangad at nakatanggap ang mga propeta (at ang iba pa) ng mga sagot sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Maaari mong pag-aralan ang mga salaysay sa banal na kasulatan, mensahe sa kumperensiya, o debosyonal. Bigyang-pansin ang mga kuwento kung saan nakatanggap ang mga taong ito ng mga sagot at tingnan kung paano nila inihanda ang kanilang mga sarili na tanggapin ang mga sagot na iyon. Sikaping gamitin ang ilan sa kanilang mga pamamaraan sa sarili mong mga paghahanda.

Halimbawa:

  • Habang ginagawa niya ang sasakyang-dagat ayon sa mga tagubilin ng Panginoon, umakyat si Nephi sa bundok at madalas na nanalangin (tingnan sa 1 Nephi 18:3).

  • Si Joseph Smith ay nagnilay kung aling simbahan ang sasapian at nag-aral ng mga banal na kasulatan, na humahantong sa Unang Pangitain (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:10–11).

  • Gusto ni Pangulong Nelson na malaman ang iba pa ang tungkol sa pagtitipon ng Israel, kaya “pinag-aralan [niya] ang tungkol sa pagtitipon, ipinagdasal ito, nagpakabusog sa bawat nauugnay na mga banal na kasulatan, at hiniling sa Panginoon na dagdagan ang [kanyang] pang-unawa.”

Ang paggawa nito ay makatutulong sa atin na magkaroon ng tamang pananaw upang matanggap kung ano ang inihanda ng Diyos para sa atin.

Sa pag-ukit at paghahanda ng isang espasyo para sa Espiritu Santo, binubuksan natin ang ating mga sarili upang marinig nang mas malinaw ang tinig ng Diyos. Ipinangako ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Maihahayag at ihahayag ng Espiritu Santo ang lahat ng kailangan natin para pumailanlang at mapanatili ang ating momentum sa landas ng tipan.”

Kahit paano, mas sabik na ako sa kumperensiya ngayon, at hindi lamang dahil kasabay ito ng Pasko ng Pagkabuhay. Hindi na ako makapaghintay na subukan ang ilan sa mga ideyang ito at tingnan kung paano binabago ng aking paghahanda ang aking karanasan. Tingnan kung paano rin nito mababago ang sa iyo!