Naniniwala Ako
Hinila Ako Palayo ng Kahihiyan. Hinila Ako Pabalik ng Pagmamahal ng Diyos.
Ang kahihiyan sa aking mga maling pagpili ay unti-unting nagsimulang makahadlang sa aking kakayahang madama ang pagmamahal ng Diyos. Ngunit gayunpaman, iniligtas ako ng Kanyang pagmamahal.
Saving That Which Was Lost [Pagliligtas sa Nawala], ni Michael Malm
Ako ay 14 na taong gulang nang magdiborsyo ang aking mga magulang, at nakakadurog ng puso na makitang nagkahiwalay ang aking pamilya. Lumipat ako kasama ng aking ama, at bagama’t ginawa niya ang lahat upang alagaan ako, talagang nahirapan akong mag-adjust. Nagkaroon ako ng matinding depresyon at pagkabalisa at sa totoo lamang ay nadama ko na nag-iisa ako.
Isang araw inisip ko kung magiging mas mabuti ang mundo kung wala ako. Ngunit narinig ko ang isang tinig sa aking isipan na nagsasabing, “Mahalaga ka sa akin. Mahal kita.”
Alam ko na ngayon na ibinahagi sa akin ng Espiritu ang mensaheng iyon mula sa Ama sa Langit. Ang kanyang walang-hanggang pagmamahal ay humila sa akin mula sa aking pinakamababang sandali, binibigyan ako ng pag-asa.
Makalipas ang isang buwan, kumatok ang mga missionary sa aming pintuan. Nang turuan nila ako at ang aking ama, sa wakas ay naunawaan ko na may layunin ako rito.
Nalaman ko na ang magagandang kaloob sa aking buhay ay nagmula sa pagmamahal ng Diyos para sa akin, at gusto kong ipakita na mahal ko rin Siya. Kaya nabinyagan kami ng aking ama.
Hindi ko naisip na may makahahadlang sa aking kakayahang madama ang pagmamahal ng Diyos, ngunit mali ako.
Paglihis ng Landas
Sa paglipas ng panahon, nang humirap ang buhay, gumawa ako ng ilang maling pagpili. Hindi ko sinunod ang Salita ng Karunungan, at pinalibutan ko ang aking sarili ng mga negatibong impluwensya. Nagsimulang madaig ng aking kahihiyan ang kakayahan kong madama ang pagmamahal ng Diyos para sa akin, kaya lumayo ako sa Simbahan. Tumigil din ang aking ama sa pamumuhay ng ebanghelyo.
Kung minsan ay naisip ko ang tungkol sa pananampalataya, ngunit natakot ako sa kung ano ang iisipin ng mga tao—at ng Diyos—kung babalik pa ako sa simbahan. Kaya nagpatuloy ako sa landas na tinatahak ko.
Kalaunan, lumipat kami ng aking ama sa ibang bansa. Wala kaming kapamilya o kaibigan sa paligid, walang trabaho, walang pera, at walang kotse. Ngunit sa kabutihang-palad, nakilala namin ang mga lokal na miyembro ng Simbahan, at inalagaan nila kami. Minahal nila kami tulad ng pagmamahal sa amin ni Jesucristo. Natanto ko sa pamamagitan nila na mahal pa rin ako ng Ama sa Langit at na nais Niyang bumalik ako.
Kaya nang anyayahan kami ng mga kaibigang ito na bumalik sa simbahan, tinanggap namin ito.
Isang Alibughang Anak ang Nagbalik
Natakot ako na husgahan ako ng iba dahil sa aking mga pagpili. Ngunit nang bumalik ako sa simbahan sa unang pagkakataon, napakabait ng lahat.
Nadama ko na parang ako ang alibughang anak, na bumalik sa kanyang ama at nagtapat ng kanyang mga kasalanan (tingnan sa Lucas 15:18–21). At tulad ng alibughang anak, nadama ko ang pagmamahal ng aking Ama, na malugod akong tinanggap at ipinagdiwang ang aking pagbabalik (tingnan sa Lucas 15:20–24). Bumalik ako dahil mahal ko Siya, at malugod Niya akong tinanggap dahil mahal Niya ako.
Handa akong gumawa ng mga pagbabago sa paraan ng aking pamumuhay.
Matapos akong magsisi at muling magkaroon ng kumpiyansa sa ebanghelyo, naghanda akong magmisyon. May ilang kaibigan ako na nagtaka sa aking mga pagpili, ngunit determinado akong manatili sa isang bagong landas.
Habang nasa missionary training center ako, nalaman ko na dalawa sa mga kaibigang iyon ang magkasamang nagpunta sa isang salu-salo at nakalulungkot na pumanaw sa isang aksidente sa kotse. Lungkot na lungkot ako at bigla kong natanto na maaaring nagwakas ang aking buhay kung hindi ko nabago ang paraan ng aking pamumuhay. Ang pag-alaala sa pagmamahal ng Diyos ay muling nagligtas sa akin.
Pagtanggap sa Pagmamahal ng Diyos
Marami na akong naranasan sa buong buhay ko, ngunit ang pinakamahalagang aral na natutuhan ko ay na sa bawat mahalagang bahagi ng aking buhay, ang pagkilala sa sakdal na pagmamahal ng Diyos para sa akin ay nagligtas sa akin mula sa labis na pagdurusa.
Kung minsan, kapag tumingin ka sa salamin, madaling tingnan ang iyong sarili at sabihing hindi ka sapat—na wala kang halaga dahil sa iyong pinakamalalalang pagkakamali. Ngunit hindi iyon ang nakikita sa iyo ng Diyos.
Ipinapaalala sa atin ni Pangulong D. Todd Christofferson, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Dahil minamahal [kayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo], hindi Nila nais na manatili kayo ‘nang ganyan na lamang kayo.’ Dahil minamahal Nila kayo, nais Nila na kayo ay magalak at magtagumpay. Dahil minamahal Nila kayo, nais Nila na magsisi kayo dahil iyon ang landas tungo sa kaligayahan. Subalit kayo ang pipili—igagalang Nila ang inyong kalayaang pumili. Dapat piliin ninyo na mahalin Sila, na paglingkuran Sila, na sundin ang Kanilang mga kautusan. Sa gayon, Kanilang higit na masaganang pagpapalain kayo at mamahalin din kayo.”
Unawain na mahal na mahal ka ng Ama sa Langit kaya isinugo Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo upang magbayad-sala para sa iyong mga kasalanan, na nagbibigay-kakayahan sa iyo na makabalik sa Kanya. Hindi Niya gustong magtago ka sa Kanya; gusto Niyang makabalik ka sa Kanya.
Kung naligaw ka, hindi pa huli ang lahat upang tanggapin ang pagmamahal na mayroon Siya para sa iyo. Hindi pa huli ang lahat upang bumalik, at kapag ginawa mo ito, magdiriwang Sila tulad ng mapagmahal na pastol, na bumubulalas ng, “Makigalak kayo sa akin, sapagkat natagpuan ko na ang aking tupang nawala” (Lucas 15:6).