Lingguhang YA
Kung Hindi Ko Na Magawa ang Hilig Ko, Sino Na Ako?
Marso 2026 Liahona


Mula sa Lingguhang YA

Kung Hindi Ko Na Magawa ang Hilig Ko, Sino Na Ako?

Nang mawala sa akin ang inakala kong tumutukoy sa akin, nalaman ko na ang pagiging anak ng Diyos ang pinakamahalagang pagkakakilanlan.

isang bata pang babaeng missionary na nakatayo sa harap ng mga kulay rosas na bulaklak

Larawan na mula sa awtor

Noon pa man ay malaking bahagi na ng aking buhay si volleyball. Ako ay kumakain, natutulog, at humihinga dahil sa volleyball! Nang makapagtapos ako ng hayskul, nakatanggap ako ng iskolarsip upang maglaro para sa isang unibersidad.

Ngunit bago nagsimula ang panibagong taon sa paaralan, ipinaliwanag ng doktor ko na dahil sa aking Marfan syndrome—isang kalagayang nakaaapekto sa pangunahing balbula ng aking puso—mapanganib para sa akin na maglaro. Diniskwalipika ako ng aking unibersidad sa paglalaro. Maaari kong ipagpatuloy ang aking iskolarsip, ngunit hindi ako maaaring sumali sa mga kompetisyon.

Nanlumo ako. Sinikap ko pa ring manatiling malapit sa Panginoon, ngunit masama ang aking loob. Noon pa man ay nakikita ko na ang aking sarili bilang isang manlalaro ng volleyball. Kung wala iyon, sino na ako?

Pagkilos ayon sa Pahiwatig

Isang araw matapos magpraktis, napadaan kami ng teammate ko sa isang maliit na tindahan na may karatulang “Naghahanap ng Trabahador.” Hindi ako naghahanap ng trabaho, ngunit dahil may ekstrang oras naman ako, naisip ko na maaari itong maging isang masayang panlihis ng atensyon at natanggap agad ako noong araw rin na iyon.

Nagbigay ang trabahong iyon ng kaunting kaligayahan at layunin sa aking buhay, ngunit dahil naglakbay pa rin ako kasama ang volleyball team sa buong season, nahirapan ako dahil pakiramdam ko ay napakalapit ngunit napakalayo ko rin sa aking mga pangarap sa volleyball.

Isang gabi, ako ay lumuhod at nanalangin, “Ama sa Langit, hindi ko na alam kung kakayanin ko pa ito.” Habang nakaupo ako nang tahimik, nadama kong dapat kong basahin ang aking patriarchal blessing. Patuloy na pumasok sa aking isipan ang isang ideya: “Magmisyon.”

Sinubukan kong balewalain ang ideya. Hindi ko naman gustong maglingkod. Ngunit nagpatuloy ang pahiwatig.

Nang sabihin ko sa aking mga magulang na pinag-iisipan kong maglingkod, prangka ang naging sagot ng aking ama: “Bakit? Libre kang nakapag-aaral. Ipagpapatuloy ba nila ang iyong iskolarsip?”

“Hindi,” tugon ko.

“Sino ang magbabayad para sa iyong misyon?”

Bigla ko itong naunawaan. Ang “maliit na masayang trabaho” na nakuha ko ay hindi nagkataon lamang; iyon ay magiliw na habag na tutulong sa akin na magbayad para sa aking misyon.

Sinabi ko sa aking ama na babayaran ko ang mga gastusin at pinatotohanan ko sa kanya na ang pagsunod ay naghahatid ng mga pagpapala. Hindi nagtagal ay nakatanggap ako ng tawag na maglingkod sa Australia. Ang malalim na kalungkutang nadama ko ay napalitan ng kapayapaan at kagalakan. Alam ko na naroon ako sa nais ng Panginoon na kalagyan ko.

Pagtuklas sa aking Banal na Pagkakakilanlan

Sa aking misyon, nalaman ko na hindi lamang ako isang manlalaro ng volleyball.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson (1924–2025):

“Kung pinapalitan ng anumang titulo ang pinakamahahalagang bagay na tumutukoy sa inyo, maaari nito kayong pahinain. …

“… Walang pantukoy na dapat makapag-alis, pumalit, o bigyan ng prayoridad kaysa sa tatlong nagtatagal na titulong ito: ‘anak ng Diyos,’ ‘anak ng tipan,’ at ‘disipulo ni Jesucristo.’”

Kahit ang mga bagay ay magbago—at magbabago talaga ang mga ito—ang aking pagkakakilanlan bilang isang anak ng mga magulang sa langit at disipulo ni Jesucristo ay hindi magbabago.

Pagkatapos ng aking misyon, bumalik ako sa pag-aaral. Bago ako naglingkod, mapanganib ang paglaki ng balbula ng aking puso, kaya hindi na ako nag-isip na muling maglaro ng volleyball. Ngunit nanalangin ako para sa patnubay at binasa ko ang aking patriarchal blessing, na nagbigay sa akin ng tahimik na katiyakan.

Paghangad at Pag-asa sa mga Himala

Nang makauwi ako, dumalo ako sa pangkalahatang kumperensya. Si Sister Kristin M. Yee, Pangalawang Tagapayo sa General Relief Society General Presidency, ay nagbahagi ng isang kuwento tungkol sa isang painting ng Tagapagligtas na ginawa niya. Hindi sinasadyang maaga niyang nailagay ang barnis, kaya nasira ang likhang pinaghirapan niya. Siya ay nanalangin at nagsikap magdamag upang ayusin ito.

“Naaalala ko, nang tinitingnan ko ang painting kinaumagahan—mas maganda ito kaysa dati. … Ang inakala kong pagkakamali na hindi maiwawasto ay isa palang pagkakataon para makita ang Kanyang maawaing kamay. Hindi pa Siya tapos sa pagpinta, at hindi pa Siya tapos sa akin.”

Nadama ko na ibinulong ng Espiritu na hindi pa rin tapos ang Panginoon sa akin. Siya ay may malasakit sa aking hangarin na muling maglaro ng volleyball.

Nagpasiya akong makipagkita sa isang kardyologo. Matapos rebyuhin ang aking mga pinakabagong scan, mukhang namangha siya.

“Ano ang ginawa mo nitong nakaraang 18 buwan?” tanong niya.

“Nagmisyon ako,” nagtatakang sabi ko.

“Ang balbula ng iyong puso ay 4.6 sentimetro dati. Ngayon, ito ay 3.94 sentimetro. Hindi iyon pangkaraniwan. Ito ay … lumiit.”

Pinagtibay ito ng pangalawang espesyalista: Bumuti ang kalagayan ng aking puso. Hindi lamang ito basta maayos; pinayagan ako na muling maglaro ng volleyball.

Hindi nagtagal pagkatapos niyon, may ibang unibersidad na nag-alok sa akin ng puwesto sa kanilang koponan—na may kasamang iskolarsip. Alam kong hindi ito nagkataon lamang kundi isang himala.

Tulad ng ipinayo ni Pangulong Nelson, “Hangarin at asahan ang mga himala.” Natutuhan ko na kapag nanatili tayong masunurin at inalala natin ang ating banal na pagkakakilanlan, pinag-iibayo ng Panginoon ang ating mga pagsisikap. Siya ay gumagabay sa atin, nagpapagaling sa atin, at maaaring magbukas ng mga pinto na akala natin ay sarado na magpakailanman.