“Isang Gabay sa Lumang Tipan sa Pagtanggap sa Banal na Identidad,” Liahona, Mar. 2026.
Mula sa Lingguhang YA
Isang Gabay sa Lumang Tipan sa Pagtanggap sa Banal na Identidad
Maaaring nadama ng mga tao sa Lumang Tipan ang ilan sa mga tanong din natin ngayon.
In the Beginning Was the Word [Sa Simula ay ang Salita], ni Eva Timothy, maaaring kopyahin para sa paggamit lamang ng Simbahan
Magsisinungaling ako kung sasabihin ko sa inyo na hindi ko kailanman pinagdudahan ang papel ko sa plano ng Diyos.
Paano ako—na hindi perpekto—maaaring lumapat sa Kanyang perpektong plano? Paano ako magiging karapat-dapat sa mga ikalawang pagkakataon na paulit-ulit na ibinibigay sa akin ng Ama sa Langit? Paano ako mapagkakatiwalaang ibahagi ang Kanyang pagmamahal sa iba samantalang nahihirapan ako kung minsan na madama ito mismo?
Kung tila pamilyar ang pagbulusok na ito, hindi ka nag-iisa.
Isa sa pinakamatitinding taktika ng kaaway ay ang salakayin ang ating pag-unawa sa banal na identidad. Itinuro ni Elder Brian K. Taylor ng Pitumpu, “Ang malaking digmaang ito tungkol sa banal na pagkatao ay patuloy na pinagtatalunan habang patuloy na dinaragdagan ni Satanas ang kanyang mga pamamaraan para sirain ang ating pananalig at kaalaman tungkol sa ating kaugnayan sa Diyos.”
Mabuti na lang, itinuro ng Ama sa Langit—at patuloy na itinuturo—sa Kanyang mga anak ang tungkol sa kanilang kahalagahan. Sa simula pa lang, maaaring nadama na ng mga tao sa mga banal na kasulatan ang ilan sa mga tanong din natin ngayon.
Habang pinag-aaralan mo ang Lumang Tipan sa taong ito, malalaman mo ang tungkol sa sarili mong banal na identidad sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng mga karanasan ng mga tao sa mga banal na kasulatan. At marahil ay makikita mo ang mga sagot sa isang napakahalagang tanong habang nasa daan:
Sino ako?
Ako ay …
Pinagkatiwalaan ng Sagradong Pangangasiwa
Sina Eva at Adan ang mismong simula ng pangangailangan ng sangkatauhan na maunawaan ang banal na identidad. Nilikha sila ng Ama sa Langit sa Kanyang sariling wangis, ipinagkatiwala sa kanila ang pangangasiwa sa mundo at sa lahat ng mga nilalang dito, at inutusan silang magpakarami at kalatan ang lupa (tingnan sa Moises 2:26–28).
Bilang inapo nina Eva at Adan, magagamit mo ang mga alituntuning ito ng pagkakakilanlan sa iyong sarili. Ikaw ay literal na espiritung anak ng Diyos na may banal na responsibilidad na kumilos bilang matalinong katiwala at bumuo ng walang-hanggang pamilya.
Dahil sina Eva at Adan ay kumain ng bunga ng punungkahoy ng kaalaman ng mabuti at masama, pinalayas sila ng Panginoon sa Halamanan ng Eden. Bagaman nahiwalay sila sa piling ng Ama sa Langit, kapwa sa temporal at espirituwal, naglaan Siya ng isang Tagapagligtas upang tulungan silang madaig kapwa ang pisikal at espirituwal na kamatayan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Ngunit tandaan na ang kahalagahan mo ay “dakila sa paningin ng Diyos” (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:10).
Ako ay …
Isang Anak ng Tipang Abraham
Ang kuwento ni Abraham ay tuwirang nakaugnay sa banal na identidad. Nangako ang Panginoon ng walang hanggang ibubunga kay Abraham:
“Gagawin kitang isang malaking bansa, ikaw ay aking pagpapalain, gagawin kong dakila ang iyong pangalan, at ikaw ay magiging isang pagpapala:
“Pagpapalain ko ang magbibigay ng pagpapala sa iyo, at susumpain ko ang mga susumpa sa iyo; at sa pamamagitan mo ang lahat ng angkan sa lupa ay pagpapalain” (Genesis 12:2–3).
Pagkaraan ng maraming taon ng paghihintay nang may pananampalataya, sina Abraham at Sara ay biniyayaan sa pagsilang ng kanilang anak na si Isaac. Pagkatapos ay iniutos ng Diyos kay Abraham na ialay si Isaac bilang “kahalintulad ng Diyos at ng kanyang Bugtong na Anak” (Jacob 4:5). Nang ipakita ni Abraham na handa siyang gawin ang gayong sakripisyo, pinigilan siya ng isang anghel ng Panginoon.
Mababasa natin:
“Sumumpa ako sa aking sarili,” wika ng Panginoon, “sapagkat ginawa mo ito at hindi mo ipinagkait sa akin ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak:
“Tunay na pagpapalain kita, at pararamihin ko ang iyong binhi, na gaya ng mga bituin sa langit at mga buhangin sa baybayin ng dagat; at makakamit ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng kanyang mga kaaway;
“At sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng bansa sa lupa, sapagkat sinunod mo ang aking tinig” (Genesis 22:16–18).
Itinuturo ng makapangyarihang kuwentong ito na lahat ng gumagawa at tumutupad ng mga tipan sa Ama sa Langit ay makakamtan ang mga pagpapalang ipinangako sa mga inapo ni Abraham. Bilang anak ng tipan, matatanggap mo ang mga ipinangakong pagpapala ng tipang Abraham sa pamamagitan ng pagtupad sa mga pangakong ginawa mo sa Panginoon sa binyag o mga tipan sa templo.
Ako ay …
Isang Matatag na Disipulo ng Panginoon
Itinuturo ni Agar—na alipin ni Sara at ang ina ni Ismael—ang ating kahanga-hangang kakayahang maging matatag. Kasunod ng pagsilang ni Isaac, na anak nina Abraham at Sara, sina Agar at Ismael ay ipinatapon sa disyerto (tingnan sa Genesis 21:9–14).
Nang makita ang kanyang pagdurusa at tapat na pagsamo para mabuhay si Ismael, nagsugo ang Panginoon ng isang anghel upang aluin siya: “Huwag kang matakot; sapagkat narinig ng Diyos ang tinig ng bata sa kanyang kinalalagyan. Tumindig ka, itayo mo ang bata at alalayan mo siya ng iyong kamay sapagkat siya’y gagawin kong isang malaking bansa” (Genesis 21:17–18).
Kahit lubos na nadama ni Agar na nag-iisa siya sa disyerto, hindi siya pinabayaan ng Ama sa Langit. Siya ay pinrotektahan at ginantimpalaan dahil sa kanyang pananampalataya at kasigasigan.
Tulad ni Agar, maaari mong madama na naliligaw ka sa disyerto nang mag-isa. Pero napakahalaga mo sa iyong Ama sa Langit. Maaari kang magpagala-gala sa disyerto nang ilang panahon, pero hindi ka Niya nalilimutan. Inihahanda ka Niya para gumawa ng mga dakilang bagay para sa pagtatayo ng Kanyang kaharian.
Ako ay …
Ang mga Kamay ng Diyos sa Lupa
Si Moises ay tinawag ng Ama sa Langit para palayain ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Egipto. Nagsagawa Siya ng sunud-sunod na makapangyarihang mga himala na humantong sa kanilang pagtakas kalaunan (tingnan sa Exodo 7; 14).
Bagama’t matagumpay sa kanyang tungkulin, hindi palaging tiwala si Moises sa kanyang kakayahang gawin ang ipinagagawa sa kanya ng Ama sa Langit. Nang ipahayag ni Moises ang kanyang damdamin ng kakulangan, sumagot ang Panginoon, “Ako’y makakasama mo; at ito’y magiging tanda sa iyo na ikaw ay aking sinugo: kapag iyong nailabas na sa Ehipto ang bayan, sasambahin ninyo ang Diyos sa bundok na ito” (Exodo 3:12).
Tinanggap ni Moises ang kanyang identidad bilang anak ng Diyos at tinanggap ang kapangyarihan ng Ama sa Langit na isagawa ang Kanyang mga himala. Tulad ni Moises, maaari mong ma-access ang kapangyarihan upang gawin ang gawain ng Diyos habang tinatanggap mo ang iyong walang-hanggang kaugnayan sa Ama sa Langit.
Ako ay …
Kaya, sino ka?
Panahon na para matuklasan mo mismo ang sagot.
Saliksikin ang mga banal na kasulatan para sa mga sagot sa iyong mga tanong, at makikita mo ang mga ito. Nais ng Ama sa Langit na maunawaan mo mismo kung sino ka para mahalin mo ang iyong sarili tulad ng pagmamahal Niya sa iyo.
Ang kaalaman tungkol sa iyong walang-hanggan at banal na identidad ay nasa sulok lamang—kaya ano pa ang hinihintay mo?