Lingguhang YA
Mauunawaan ba ng Isang Perpektong Tagapagligtas Kung Ano ang Pakiramdam ng Mahirapan?
Marso 2026 Liahona


“Mauunawaan ba ng Isang Perpektong Tagapagligtas Kung Ano ang Pakiramdam ng Mahirapan?,” Liahona, Mar. 2026.

Mula sa Lingguhang YA

Mauunawaan ba ng Isang Perpektong Tagapagligtas Kung Ano ang Pakiramdam ng Mahirapan?

Dahil perpekto si Jesucristo, nalilimutan natin kung minsan na alam Niya kung ano ang pakiramdam ng mahirapan.

paglalarawan kay Jesucristo

Paglalarawan ni Brandon Gonzales

Madalas kong naiisip na hindi ako saklaw ng banal na tulong ni Cristo kapag nahihirapan ako. Kung minsan, iniisip ko na Siya, na isang walang kasalanan at perpektong Tagapagligtas, ay hindi kailanman mauunawaan kung ano ang pakiramdam ng mahirapan.

Naaalala ko na ganito ang pakiramdam ko noon bilang missionary. Nahirapan akong matanto na alam ni Cristo kung ano ang pakiramdam ng magkaroon ng mahirap na panahon.

Paano Niya Malalaman ang Nadama Ko?

Akala ko ay nasa tuktok ako ng tagumpay sa aking misyon—nagte-train ako ng bagong missionary, naghahanda para sa binyag, at nasasanay na sa gawain ng missionary. Napakasaya ko.

Pero hindi ko nakita ang namumuong stress at pagkabalisa sa aking kalooban.

Nakahiga na ako para matulog isang gabi nang magsimula kong madama ang ikalawang panic attack na naranasan ko sa buong buhay ko—ang una ay naganap siyam na taon na ang nakararaan. Siyam na taon!

Bakit, pagkaraan lamang ng maikling panahon ng pagkabalisa noong bata pa ako, bigla na lang itong muling lumitaw ngayon?

Sinubukan kong ipagpatuloy ang misyon ko na para bang walang nangyari, iniisip na kaya kong ayusin ang sarili kong mga problema.

Habang nakikibaka ako sa kalusugan ng aking isipan, may nagbahagi sa akin ng pananaw nila habang binabasa ang karanasan ng Tagapagligtas sa Getsemani.

Sinabi ni Jesus, “Lubhang nalulungkot ang aking kaluluwa, na halos ay ikamatay.” At nagdasal ang Tagapagligtas, “Ama ko, kung baga maaari, ay lumampas sa akin ang sarong ito: gayon ma’y huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo” (Mateo 26:38–39).

Nadama mo na ba ang kabigatan ng sarili mong kalungkutan? Naitanong mo na ba sa Diyos, “May iba pa bang paraan?”

Sa lubos na kahandaan, lubos na pagsunod, at sakdal na pag-ibig, tinanggap ng ating Manunubos ang kalooban ng Ama. Perpekto Siya dahil wala Siyang kasalanan, pero nakadama pa rin Siya ng pasakit, pighati, at kalungkutan.

Tutal, Siya ay nagpakababa-baba sa lahat ng bagay—upang maitaas Niya tayo.

Itinuro ni Pangulong Jeffrey R. Holland, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Si Jesus ay ‘isang taong may kalungkutan’ [Isaias 53:3], sabi sa mga banal na kasulatan. Nakaranas Siya ng lungkot, pagod, kabiguan, at matinding kalumbayan. Sa mga araw na iyon at sa lahat ng panahon, ang pag-ibig ni Jesus ay hindi nagkukulang, at ganoon din ang pag-ibig ng Kanyang Ama.”

Alam ni Cristo Kung Ano Mismo ang Nadarama Natin

Ang malaman na naharap si Cristo sa mahihirap na bagay ay nagpapaalala sa akin na nauunawaan Niya ang pighati, depresyon, pagod, kabiguan, pagkabalisa, at kalungkutan nang higit kaysa sinuman.

Siya ang tumangis sa pagkamatay ni Lazaro (tingnan sa Juan 11:33–36). At Siya ang nagtanong habang Siya ay naghihingalo sa krus, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” (Marcos 15:34).

Pero alam din ni Jesucristo ang kagalakan, pagmamahal, habag, awa, at kapayapaan nang higit kaysa sinuman. Dahil Siya ay perpekto. Dahil dito, alam Niya nang lubusan ang nadarama natin.

Nagpatotoo si Pangulong Holland: “Isa sa mga napakalaking kasiyahan sa panahong ito ng Paskua ay dahil sa nilakad ni Jesus ang napakalayo, at malungkot na daan nang nag-iisa, hindi na natin kailangang gawin iyon. Ang kanyang malungkot na paglalakbay ang dakilang kasama natin sa munting [bersiyon] natin ng landas na iyon—ang maawaing pangangalaga ng ating Ama sa Langit, ang walang-maliw na patnubay ng Pinakamamahal na Anak na ito, ang pinakadakilang kaloob na Espiritu Santo.”

Nang matanto ko na lubos na naunawaan ni Jesucristo ang nadarama ko habang nahihirapan ako sa pagkabalisa, sa wakas ay tinulutan ko Siyang tulungan akong dalhin ang aking mga pasanin.

Hindi biglang nawala ang pagkabalisa ko. May mga araw na nahihirapan pa rin ako. Pero ang pagiging malapit kay Cristo ay nagbigay sa akin ng walang-hanggang kagalakan dahil alam kong kasama ko siya roon, na nagsasabing, “Alam ko. Alam ko nang lubusan kung ano ang nadarama mo.”

Sa karanasang ito, si Cristo ang naging pinakamalapit na pinagtitiwalaan ko.

Kung minsan naiisip ko na madali nating isipin na ang kasakdalan ni Cristo ay nangangahulugan na Siya ay malayo at hindi maaabot, na dahil sa Kanyang dakilang mga gawain at mahimalang buhay ay tila napakalayo Niya sa atin na mga karaniwan, hindi perpekto, mapagmataas na nilalang. Pero pinakamalapit Siya sa atin kapag nahaharap tayo sa ating mahihirap na digmaan, pinakamatitinding kalungkutan, at mahihirap na pakikibaka.

Ngayong Pasko ng Pagkabuhay, maaalala natin na alam ni Jesucristo kung ano talaga ang pakiramdam ng mahirapan dahil Siya ay perpekto—ang tanging taong nakadarama ng ating pasakit at nagdadala ng ating mga pasanin.

Kaya, kapag nahihirapan ka, bumaling sa Kanya. Nauunawaan Niya tayo nang lubos.