“Banal na Identidad: Ang Katotohanan ng Ebanghelyo na Nagpabago sa Aking Buhay,” Liahona, Mar. 2026.
Mula sa Lingguhang YA
Banal na Identidad: Ang Katotohanan ng Ebanghelyo na Nagpabago sa Aking Buhay
Kilalang-kilala ka ng Diyos at alam Niya kung ano ang pinakamainam para sa iyo.
Desperado akong magdasal para maunawaan ang sitwasyon ko. Dumating ang mission call ko matapos ang maraming pagkaantala, at nabigla ako: sa Alpine German-Speaking Mission.
Sa sariling bayan ko.
Ha?
Ayaw kong magmisyon sa sariling bayan ko! Umasa akong mapupunta ako sa ibang lugar tulad ng marami sa mga kaibigan ko. Sa balitang ito ay nadama ko na parang hindi batid ng Ama sa Langit na kaya kong maglingkod sa Kanya.
Pero nang bigkasin ko ang desperadong panalanging ito, na itinatanong sa Kanya kung nagmamalasakit Siya sa akin at kung pagkakamali ang tawag na ito sa misyon, nakadama ako ng pisikal na bigat na naalis sa aking balikat. Muli kong nadama na muling tiniyak sa akin ng Espiritu na talagang kilala ako ng Diyos at alam Niya kung ano ang pinakamainam para sa akin.
Sa sandaling iyon, pinagtibay sa akin ng Espiritu na ako ay anak ng Diyos.
Isa iyan sa mga unang pagkakataon na talagang nadama ko ang kapangyarihan ng aking banal na identidad o pagkatao.
Isang Pinakamahalagang Katotohanan
Ang katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo na nagpapabago ng buhay ay na mga anak tayo ng mga magulang sa langit.
Itinuro ni Elder Patrick Kearon ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tungkol sa “kaloob na sumasaklaw sa lahat ng walang-hanggang katotohanan na nagdaragdag sa ating kakayahang tanggapin ang lahat ng iba pa na nais ibigay sa atin ng ating Ama—isang mahalagang kaloob na, kapag lubos na tinanggap sa kaibuturan ng kaluluwa, ay nagbibigay-kahulugan sa mga kagalakan at paghihirap ng buhay, at sa mga katanungan natin na hindi nasasagot: Ito ay na tayo ay tunay na mga anak ng Diyos.”
Simula nang maranasan ko iyon sa mission call ko, nadama ko ang katotohanan ng mga salitang iyon. Hindi ko kailanman nalimutan kung gaano ako katiyak at binigyan ng lakas nang matanto ko na kilala at mahal ako ng Diyos.
Pagtutuon sa Aking Identidad
Sa kabila ng katotohanang ito, kaunti lang ang ginagawa ng mundo sa paligid ko para ipaalala sa akin ang aking banal na pinagmulan. Natanto ko na kailangang sadya kong alalahanin ang aking banal na pagkatao at ang kapangyarihang kaakibat nito.
Para sa akin, kabilang dito ang mga bagay na tulad ng pagninilay sa himala ng aking katawan at kung ano ang itinutulot nito sa akin na magawa at maranasan araw-araw.
Dama ko rin na konektado ako sa aking Lumikha kapag nasa katahimikan ako ng kalikasan. Ang makita ang kagandahan ng mga bundok o paglubog ng araw ay nagpapaalala sa akin na hindi kailangang pagandahin ng Diyos ang mundo. Pero ginawa Niya at ni Jesucristo iyan para sa atin dahil nais Nilang matamasa natin ang kamangha-manghang mga bagay sa mundong ito at mapaalalahanan ng Kanilang pagmamahal (tingnan sa Moises 6:63).
At ang pagdarasal sa Ama sa Langit araw-araw—na ipinaaalam sa Kanya ang nadarama at natatanto ko na nais Niyang makinig at makipag-usap sa akin—ay tumutulong sa akin na mapalalim ang aking banal na kaugnayan sa Kanya. Ipinapaalala sa akin ng panalangin na hindi ako nag-iisa at ginagabayan Niya ako, kahit hindi nangyayari ngayon ang gusto ko. Nagtitiwala ako na alam Niya, na isang mapagmahal na Ama, kung kailan ang tamang panahon para sa ilang pagpapalang darating sa buhay ko.
Ang Kaloob na Mortalidad
Ang misyon ko ay hindi ang inaasahan kong mangyayari, pero may mga karanasan ako na nakatulong sa akin na makita kung bakit nais ng Ama sa Langit na naroon ako sa sariling bayan ko. Ang pagbabahagi ng katotohanan ng banal na identidad sa mga taong hindi pa kailanman nakaalam nito noon ay nagbigay sa akin ng puspos na kagalakan.
Hindi ko mawari ang buhay nang hindi nalalaman kung sino talaga ako—madarama ko na hungkag ang buhay ko at naliligaw.
Kapag iniisip ko ang layunin ng buhay ko, binibigyan ako nito ng malaking pag-asa na malaman na ang mortalidad ay maliit na bahagi lamang ng plano ng Ama sa Langit para sa akin. Nagagawa ko, natututuhan, at nagiging higit ako kaysa ngayon dahil sa banal na kaloob ng buhay na ibinigay Niya sa akin bilang Kanyang anak. Labis ang pasasalamat ko na inialay Niya ang Kanyang pinakamamahal na Anak bilang aking Tagapagligtas at hinayaan Niya na piliin kong pumarito sa mortalidad para maging katulad Niya at makauwi.
Anuman ang ibigay sa iyo ng mundo, umaasa ako na lagi mong maaalala kung sino ka talaga. Ang katotohanang iyan ay magbibigay sa iyo ng kapangyarihang harapin ang anumang bagay na darating sa iyo.
Tulad ng pagdinig ng Diyos sa akin sa sandali ng kawalan ko ng pag-asa, alam ko na lagi ka Niyang pinakikinggan at minamahal.
Ang awtor ay naninirahan sa Liestal, Switzerland.