Mula sa Lingguhang YA
Pakiramdam Mo ba ay Hindi Pamilyar ang Relief Society? May Puwang para sa Iyo Roon
Ang paglipat sa Relief Society ay tila nakakatakot, ngunit ang pagsali sa kapatiran ng kababaihang tumutupad ng tipan ay nagtutulot sa Tagapagligtas na kumilos sa pamamagitan mo at maghatid ng ginhawa sa iyo.
Noong una akong pumasok sa aking bagong Relief Society, gusto kong tumalikod at tumakbo!’ Wala akong kakilala. Wala akong nakitang sinuman na kaedad ko. At talagang hindi ko nadama na kabilang ako.
Ilang buwan pa lamang ang nakararaan, nasa isang married student ward ako sa Hawaii, USA, kasama ang asawa kong si Johnny, kung saan ang karamihan sa amin ay bagong kasal, nag-aaral, at nag-iisip tungkol sa pagsisimula ng mga pamilya. Bago iyon, nasa student YSA ward ako na parang karugtong lamang ng Young Women. Lahat kami ay walang asawa, mga estudyanteng walang anak, kaya madaling makaugnay, makipagkaibigan, at maglingkod.
Ngunit ang panahong iyon ng kapanatagan at pagkakatulad ay hindi nagtagal magpakailanman.
Ano Dapat ang Relief Society
Nang makapagtapos, bumalik kami ni Johnny sa mainland at nagsimulang dumalo sa isang family ward. At grabe—parang nabigla ako sa kaibahan ng Relief Society! Bigla akong napaligiran ng kababaihang edad 18 hanggang 98: walang asawa, may asawa, diborsyado, balo; ang ilan ay may mga anak, ang ilan ay walang anak; ang ilan ay nagtatrabaho, nag-aaral, nag-aalaga ng mga bata, o nagretiro, at lahat ng uri ng sitwasyon.
Hindi ako sigurado kung saan ako angkop.
Makalipas ang ilang linggo, nakatanggap ako ng ministering assignment, at pakiramdam ko ay wala akong gaanong pagkakatulad sa kababaihang inatasan akong paglingkuran o samahang maglingkod.
Gayunpaman, sinikap kong magpakita. Noong una, ako ay nagpapadala sa kanila ng maiikling mensahe o nakikipag-usap pagkatapos ng simba, kadalasan para lamang masabi ko na kinontak ko sila. Ngunit ang aking kompanyon sa ministering ay may kusa at mabait. Isang araw, iminungkahi niya na anyayahan naming kumain ng sorbetes ang bawat isa sa kababaihang nakatalaga sa amin. Nag-atubili ako. Mahiyain ako at madalas na tahimik sa mga taong hindi ko gaanong kilala. Ngunit mahilig ako sa sorbetes, kaya pumayag ako.
Sa katapusan ng linggong iyon, nasira ang aking van. Ang pagpapaayos ay mas mahal pa kaysa sa halaga ng van. Oras na para bumili ng bagong sasakyan. Matagal na kaming nag-ipon ni Johnny at handa naman kami, ngunit pakiramdam ko ay malaki pa rin ang gastos na ito. Kaya, pagkatapos ng 10 oras na trabaho at isang nakakapagod na gabi ng pagsubok ng mga sasakyan, tila wala na akong ganang makipagkita kaninuman, kahit para sa sorbetes.
Ngunit nagpakita pa rin ako, huli man at pagod na pagod.
Laking gulat ko na tuwang-tuwa ang kababaihan na makita ako. Ilang oras kaming nag-usap. Hindi ako makaugnay sa kanilang mga kuwento tungkol sa potty-training, ngunit natanto ko na mas marami kaming pagkakatulad kaysa inakala ko. May isang kababaihan na may problema rin sa sasakyan, at nagkalapit kami dahil sa pagkainis.
Ang gabing iyon ay hindi lamang tungkol sa ministering. Ipinakita nito sa akin kung ano dapat ang Relief Society: isang espirituwal na komunidad kung saan pinasisigla, pinalalakas, at minamahal ng kababaihang tumutupad ng tipan ang isa’t isa bilang mga disipulo ni Cristo.
Inilarawan ng dating Relief Society General President na si Julie B. Beck na higit pa sa pulong sa araw ng Linggo ang nasa isip ng Panginoon: “Nilayon Niyang tumulong ang Relief Society na mapatatag ang Kanyang mga tao … [at] iayon ang Kanyang mga anak na babae sa Kanyang gawain.”
Isang Kapatiran ng Kababaihan para sa Bawat Panahon
Ang Relief Society ay hindi tinutukoy ng katayuan sa pag-aasawa, edad, o pagiging ina. Ito ay isang banal na organisasyon para sa lahat ng kababaihang adult: mga estudyante, ina, dalaga, returned missionary, propesyonal, lahat ay nagkakaisa sa ating mga tipan at pagkadisipulo.
Ang pagkakaisa at kapatiran ng kababaihan na iyon ay kailangang-kailangan. Itinuro ni Sister J. Annette Dennis, Unang Tagapayo sa Relief Society General Presidency: “Kapag nakikisalamuha tayo at tunay na niyayakap ang iba at ipinadarama sa kanila ang ating pagmamahal, madalas na unti-unti rin nilang nadarama ang pagmamahal ng Tagapagligtas.”
Iyon ang inihahandog ng Relief Society: isang komunidad ng kababaihang tumutupad ng tipan na nagsisikap na makita at mapaglingkuran ang isa’t isa sa paraang gagawin ng Tagapagligtas.
Bilang isang young adult, ikaw man ay kababalik lang mula sa misyon, bagong kasal, inaaral kung paano ang adulting, o hinahanap pa rin ng iyong puwang sa mundo, ang Relief Society ay para sa iyo. May puwang para sa iyo roon. At kung minsan, ang kailangan lamang ay magpakita—pagod, hindi sigurado, o kahit medyo nag-aatubili—upang mabuksan ang pintuan para sa Tagapagligtas na kumilos sa pamamagitan mo at makabuo ng magagandang ugnayan sa iyong mga kasamang kababaihan.
Kung hindi mo pa nagagawa, kontakin ang isa sa iyong mga kasamang kababaihan sa Relief Society sa linggong ito. Maaaring ang iyong maliliit na kilos ng pananampalataya ang mismong magdadala sa iba, at sa iyong sarili, palapit nang kaunti sa kaginhawahan ng Tagapagligtas.