Mula sa Lingguhang YA
3 Paraan na Maaari Mong Gawing Pamilya Mo ang Iyong Ward
Kung naghahanap ka ng pagkakaibigan at koneksyon, umasa sa mga miyembro ng inyong ward.
Ang koneksyon at pagkakaibigan kung minsan ay maaaring parang mahirap makamtan.
Pero hangad mo man na magkaroon ng mga permanenteng kaibigan, tumanggap ng espirituwal na lakas, o magbahagi ng iyong mga talento, maaari kang bumuo ng isang komunidad ng suporta sa iyong ward family.
Sabi ni Elder David L. Buckner ng Pitumpu: “Nakikita ko na ang pahayag ng Tagapagligtas na ‘kayo ay aking mga kaibigan’ ay isang malinaw na paanyaya na bumuo ng mas dakila at mas banal na ugnayan sa lahat ng anak ng Diyos ‘upang [tayo] ay maging isa’ [3 Nephi 19:23]. Ginagawa natin ito kapag tayo ay nagsasama-sama at naghahanap ng mga pagkakataong magkaisa at maipadama sa lahat na kabilang sila.’”
May kapangyarihan tayong lumikha ng mas dakila at mas banal na mga karanasan at relasyon sa ating mga ward family.
Nasasaisip iyan, narito ang tatlong paraan na maaari kayong makabuo ng isang komunidad na parang pamilya sa mga miyembro ng inyong ward.
1. Makipag-ugnayan
Kung nalulungkot ka sa inyong ward, malamang na hindi ka nag-iisa. Koneksyon ang lunas sa kalungkutan, kaya makipag-ugnayan at kumonekta sa mga nasa paligid mo. Kapag dumalo ka sa mga aktibidad sa simbahan at ward, hanapin ang iba na tila malungkot din. Gamitin ang Tools app para malaman ang pangalan ng mga miyembro ng inyong ward at pansinin kung sino ang madalas na hindi dumadalo sa mga aktibidad. Makipag-ugnayan sa kanila at anyayahan silang sumama sa iyo. Kahit ang isang ngiti o isang kaway ay maaaring makagawa ng kaibhan sa damdamin ng pagiging kabilang ng isang tao.
Sabi ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “[Alam] natin mula sa karanasan na masaya tayo kapag tayo’y nagkakaisa. Hindi ito maipagkakaloob sa atin ng Ama sa Langit nang hiwa-hiwalay tayo. Ang galak sa pagkakaisa na gustung-gusto Niyang ibigay sa atin ay hindi sa pag-iisa. Hangarin natin ito at maging marapat para dito na kasama ang iba.”
Kapag tumulong ka sa iba, huwag kalimutang makipag-ugnayan sa Ama sa Langit at humingi ng tulong sa Kanya habang sinisikap mong kumonekta sa inyong ward at maghanap ng mga tao na maaaring maging pamilya na kailangan mo. Sa paglipas ng panahon, ang iyong mga koneksyon ay maaaring maging permanenteng mga kaibigan.
2. Maglingkod
Ikinokonekta tayo ng paglilingkod sa iba sa isang espesyal na paraan. Tinutulungan tayo nito na maging higit na katulad ni Cristo, na laging naglilingkod sa mga nasa paligid Niya. Itinuro ni Sister Bonnie L. Oscarson, dating Young Women General President, “Maaaring inilagay ng Ama sa Langit ang mga taong nangangailangan sa atin na pinakamalapit sa atin, dahil alam Niya na tayo ang higit na makatutugon sa kanilang mga pangangailangan.”
Hindi lamang nagkataon na nasa inyong ward ka. Alam ng Ama sa Langit ang mga pangangailangan at talento ng lahat ng Kanyang mga anak at pinagsama-sama Niya ang mga miyembro ng inyong ward para sa isang espesyal na layunin. Habang naglilingkod ka sa mga miyembro ng inyong ward, malalaman mo na may isang tao roon na nangangailangan sa iyo at sa iyong mga partikular na talento.
Ang taos-pusong paglilingkod sa isang tao sa inyong ward ay nagbubukas ng daan tungo sa isang relasyon ng pagmamahal, tiwala, at suporta.
3. Maghanap ng Isang Mentor
Ang isang mentor ay maaaring dumating sa maraming anyo at makakatulong sa iyo na alamin ang mga tagumpay at kabiguan ng kabataan. Mag-isip ng isang tao sa inyong ward na iginagalang o hinahangaan mo. Ano ang mga karanasan o katangian niya na nais mong taglayin sa buhay mo? Ano ang matututuhan mo sa kanya?
Sabi ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang isang mas bihasa at pinagkakatiwalaang tao ay nagsisilbing isang epektibong gabay at tagapayo sa isang di-gaanong bihasang tao, na tumutulong na hubugin ang pang-unawa at mga alituntunin sa pagtuturo ng taong iyon na magiging daan para siya maging mas epektibo, mas matatag, mas matalino, at mas kapaki-pakinabang na lingkod ng Diyos.”
Habang iniisip mo ang mga taong ito sa iyong buhay, ipagdasal na malaman kung sino ang mahihilingan mo na maging mentor mo. Kapag nakapagdesisyon ka na, magtakda ng oras para makausap siya. Maghanda ng mga tanong o mithiin na gusto mong pag-usapan at tanungin siya kung handa siyang turuan at tulungan kang makamit ang iyong mga mithiin.
Maging Kaisa ni Cristo
Itinuro ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang diwa ng tunay na pagiging kabilang ay ang maging kaisa ni Cristo.”
Anuman ang pagkakaiba sa pagitan mo at ng iba pang mga miyembro ng ward, bilang mga tumutupad sa tipan, maaari ninyong sikaping maging kaisa ng isa’t isa at ni Cristo.