Mula sa Lingguhang YA
4 Mga Bagay na Dapat Tandaan Kung Nakakaranas Ka ng Pagkabalisa sa Relasyon
Napagtanto ko na kahit takot ako, nagtiwala sa akin ang Diyos na magdesisyong magpakasal.
Hindi ito ang inakala kong pakiramdam ng malapit nang ikasal.
Ang nobyo ko ay matwid, karapat-dapat, at mabait. Ipinagdasal namin ang desisyong magpakasal. Pero anuman ang gawin ko, hindi ko maiwaksi ang matinding pagkabalisa.
“Paano kung mali siya para sa akin?” naisip ko. “Paano kung masira ko ang plano ng Ama sa Langit para sa akin sa paggawa ng maling desisyon?”
Ilang araw kong nadama ang pagkabalisa na parang nandudurog na bato na hindi ko matakasan.
Kung tamang magpakasal sa nobyo ko, bakit ganito ang pakiramdam ko? Sinisikap ba akong sabihan ng Diyos na hindi ako dapat magpakasal sa kanya?
Kalaunan ay nalaman ko na nagdaranas ako ng pagkabalisa sa relasyon, na nagpahirap sa akin na mapayapa tungkol sa aking pasiya. Kung maaari akong bumalik at kausapin ang sarili ko na balisa at malapit nang ikasal, narito ang ilang bagay na sasabihin ko.
Iba-iba ang kuwento ng pag-ibig, at OK lang iyan.
Naaalala ko na nakonsiyensya akong basahin ang mga social media post ng mga kaibigan ko tungkol sa mga paghahanda nila sa kasal. “Pinakamadaling tanong sa lahat!” sabi nila. “Hindi ko kailanman pinagdudahan kahit saglit na siya na nga ang pinipili ko!”
Kinailangan kong malaman na ang pakikibaka sa pagkabalisa ay hindi nangangahulugan na ang pag-ibig namin sa isa’t isa ay hindi tunay—o na hindi kami ginagabayan ng Diyos.
Sa huli ay hindi kung gaano kami kabilis na nagkaibigan o gaano kadali kami nagpasiyang magpakasal ang mahalaga. Ang mahalaga ay kung paano kami magkasamang lumago sa mahihirap na panahon. At ang makita na minamahal ako ng nobyo ko sa pinakamahirap at nakababalisang panahon ng aking buhay ay nagpatunay na siya na nga talaga ang pinipili ko.
Ang takot at pagkabalisa ay hindi nagmumula sa Espiritu.
Ang isang bagay na nakatulong sa akin na sumulong ay ang pagkatutong makilala kung kailan nangungusap sa akin ang Espiritu—at kung kailan nagtatanim ang pagkabalisa ng mga ideya sa aking isipan. Nang kabahan ako tungkol sa pagpapakasal sa nobyo ko, nagmula ba iyon sa Diyos? O sa sariling mga pangamba ko lang?
Sabi sa Mga Taga Galacia 5:22, “Ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kagandahang-loob, kabutihan, katapatan.” Kapag naiisip ko ang mga pagkakataon sa buhay ko na nangusap sa akin ang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu, lagi itong may kasamang nakahihikayat, payapa, at nagbibigay-kapangyarihang damdamin. Hindi niya ako binigyan ng dahilan kailanman para mangamba o matakot.
Nalaman ko rin na ang kaba na lagi kong nadarama ay isang karaniwang sintomas talaga ng klinikal na pagkabalisa. At bagama’t ang mga espirituwal na pahiwatig ay karaniwang tahimik at hindi mapapansin, ang aking pagkabalisa ay napakatindi. Sa paggamit ng mga estratehiya para makayanan kong kontrolin ang aking pagkabalisa, mas napapakalma ko ang aking isipan at nakilala ang tahimik na mga pahiwatig at pagtiyak ng Espiritu Santo.
Bagama’t kung minsa’y bihira ang mga sandaling iyon ng kapayapaan, nakatulong na isulat ito. Kung minsa’y naglalagay ako ng sticky note sa salamin ng banyo ko na may isang talata sa banal na kasulatan na nakakapanatag sa akin. Sa ibang mga pagkakataon isinulat ko sa journal ko ang tungkol sa isang partikular na kalmadong pakiramdam ko pagkatapos ng isang taos-pusong panalangin. Nagrekord pa kami ng nobyo ko ng mga video na nag-uusap kami tungkol sa mga sandali na pareho kaming payapa tungkol sa pagpapakasal namin. Kapag natatakot ako, magkasama naming pinanonood ang mga ito para alalahanin kung paano kami ginabayan ng Diyos sa aming kinaroroonan.
Huwag matakot na humingi ng tulong.
Nang lalong lumala ang aking pagkabalisa, naaalala ko na pakiramdam ko ay parang pinabayaan ako ng Ama sa Langit. Nagbabasa ako ng mga banal na kasulatan, nagpupunta sa templo, nag-aayuno, at nagdarasal, subalit nakaramdam pa rin ako ng pangamba. Bakit hindi Niya ako higit na tinutulungan?
Sa paggunita, nakikita ko na tinutulungan Niya ako—pero kadalasa’y sa pamamagitan ng iba. Tinulungan niya ako sa pamamagitan ng isang matalinong bishop na nakinig at nagmungkahi na makipagkita ako sa isang mental health counselor. Tinulungan ako ng Diyos sa pamamagitan ng aking therapist, na nagbigay ng propesyonal na pananaw at nagturo sa akin ng mga praktikal na pamamaraan para makayanan ito. Kalaunan, nakatanggap ako ng tulong sa pamamagitan ng isang doktor na nagrekomenda na subukan kong ipagamot ang aking pagkabalisa.
Tinulungan din ako ng Diyos sa pamamagitan ng mga kapamilya na nakakakilala at nagmamahal sa akin. Nang ipaalam ko sa nobyo ko ang aking nadarama, nakatanggap din ako ng kapanatagan mula sa kanyang pag-unawa at suporta. At nakasumpong ako ng kapanatagan nang malaman ko na lubos akong naunawaan ng aking Tagapagligtas at nariyan Siya para sa akin sa pinakamahihirap kong sandali.
Pinagkakatiwalaan ka ng Diyos na magpasiya.
Sa kabila ng lahat ng tahimik na pahiwatig ng katiyakan, lagi akong itinutulak ng aking pagkabalisa na naising makatanggap ng mas tiyak na sagot. Natagpuan ko pa rin ang aking sarili na nagdarasal na magbukas ang kalangitan at na magpadala ang Diyos ng isang walang-alinlangang tanda na sa nobyo ko ako tamang makasal.
Pero hindi iyon nangyari.
Sa halip, nalaman ko na pinagkakatiwalaan ako ng Diyos na magdesisyon. Kahit gustung-gusto ko na sabihin na lang Niya sa akin kung ano ang gagawin, nasa akin ang desisyon.
Minsa’y ibinahagi ni Pangulong Thomas S. Monson ang payong ito: “Piliin ang iyong iibigin; ibigin ang iyong pinili.”
Sa bandang huli ay pinili kong makasal sa nobyo ko. Nabuklod kami sa templo isang magandang araw ng tag-init.
Spoiler alert: Ang aking pagkabalisa ay hindi mahiwagang nawala.
Patuloy akong nakipagkita sa aking therapist, umiinom ng aking gamot, humihingi ng espirituwal na patnubay, at nakikipag-usap sa aking asawa tungkol sa mga hamon sa buhay ko. At sa paglipas ng panahon, mas gumaan ang pakiramdam ko.
Gustung-gusto ko ang mga salitang ito ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kapag ikaw at ang iyong asawa ay nanatiling matatag sa landas ng tipan, tutulungan kayo ng langit na lumikha ng pagsasama na inaasam ninyong maranasan.”
Limang taon na kaming kasal ngayon ng aking asawa. Hindi perpekto ang buhay, pero napakasaya namin. Nagpapasalamat ako na pinili kong kumilos nang may pananampalataya sa kabila ng aking pagkabalisa.
Kung nagdaranas ka ng pagkabalisa sa relasyon, bumaling sa Panginoon, sa patnubay ng propeta, sa inyong mga lider ng Simbahan, at kung kinakailangan, sa mga propesyonal para humingi ng tulong. Tiyak na hindi ka pababayaan ng Ama sa Langit. Gagabayan ka Niya. At habang sinisikap mong sundin Siya, bibigyan ka Niya ng lakas-ng-loob na magtiwala sa kakayahan mong gumawa ng mabubuting desisyon.