2025
Noong Malubha ang Sakit Ko para Gumawa ng Gawaing Misyonero, Gumawa na Lang Ako ng Family History
Hulyo 2025


Mula sa Mission Field

Noong Malubha ang Sakit Ko para Gumawa ng Gawaing Misyonero, Gumawa na Lang Ako ng Family History

Nang gumawa ako ng family history para sa yumao kong mga ninuno, nakakita rin ako ng mga pagpapala para sa aking buhay na mga kapamilya.

isang grupo ng mga taong gumagawa ng family history

Naaalala ko ang araw na may dumating na dalawang lalaking nakaputing polo at kurbata sa bahay ko. Nagpasiya ang nanay ko na papasukin sila, at itinuro nila sa amin ang ebanghelyo ni Jesucristo. Nabinyagan ang buong pamilya ko sa Simbahan.

Ngunit mahirap maging miyembro sa Mongolia dahil medyo bago ang Kristiyanismo sa aking komunidad. Marami akong pinagdaanang hamon at tukso. Mabuti na lang at laging nariyan ang pamilya ko, na hinihikayat akong ipamuhay ang ebanghelyo.

Noong panahong iyon, hindi ko alam ang mga hirap na mararanasan ko balang-araw—o kung paano ako matutulungan ng pamilya ko sa magkabilang panig ng tabing na malampasan ang mahihirap na panahon balang-araw.

Ang Himala ng Paggawa ng Family History

Habang nasa misyon ako, nagsimula akong magkaroon ng malulubhang problema sa kalusugan, kabilang na ang palaging pananakit ng katawan. Tiniyak sa akin ng mission president ko na naging mabuting missionary ako at binigyan ako ng opsyon na umuwi para magpagaling, pero ayaw kong umalis. Tinanggihan ko ang isang magandang sports scholarship para makapaglingkod, at nagsakripisyo nang husto ang pamilya ko para matulungan akong magbayad para sa misyon ko. Hindi ko alam kung ano ang gagawin.

Habang pinag-iisipan ko ang desisyong ito, lalong tumindi ang sakit ko. Tatlong araw akong nahiga sa kama dahil hindi ako makatayo. Ginusto kong patuloy na maglingkod kahit paano, kaya ginugol ko ang mga oras na iyon sa kama sa paggawa ng family history. Sinimulan kong magpadala ng mga bagong pangalan ng pamilya sa tatay ko at sa family history specialist sa aming lugar.

Isang araw, nakatanggap ako ng tawag mula sa family history specialist sa home ward ko, at sinabi niya sa akin na naaprubahan at naisagawa na sa templo ang mga ordenansa para sa mga lolo’t lola ko! Walang mga templo sa Mongolia, kaya himala na nangyari ito nang napakabilis. Napuspos ako ng Espiritu, at nagpasiya ako noon mismo na manatili sa misyon ko.

Tumalon ako mula sa kama, hinawakan ko ang kasama ko, at sinabi kong, “Magturo tayo!” Nagulat siya nang makitang nakatayo ako. Limang minuto pa lang ang nakararaan, para akong patay—halos hindi ako makabangon para kumain o uminom. Pero biglang naging napakaliit ng sakit ko kumpara sa pagnanais kong tulungan ang iba na mahanap ang kanilang pananampalataya kay Kristo. Alam ko na kailangan naming ibahagi ang ebanghelyo para matuto rin ang iba kung paano tulungan ang kanilang pamilya.

Sabi ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang pagkonekta sa ating mga ninuno ay maaaring magpabago ng ating buhay sa mga di-inaasahang paraan. Mula sa kanilang mga pagsubok at tagumpay, nagtatamo tayo ng pananampalataya at lakas.

Nagbago ang buhay ko nang magtamo ako ng lakas mula kay Jesucristo sa pamamagitan ng paggawa ng nakapagliligtas na mga ordenansa ng Kanyang ebanghelyo para sa iba sa pamamagitan ng gawain ng family history. Bnigyang-daan ng Kanyang kapangyarihan na makumpleto ko ang aking misyon.

Lakas sa Magkabilang Panig ng Tabing

Makalipas ang ilang taon, pumanaw ang tatay ko. Hindi na siya naging aktibo sa Simbahan noong nabubuhay siya, kaya sinimulan kong pagsikapan na makumpleto ang kanyang mga ordenansa sa templo. Ang aking patotoo tungkol sa plano ng kaligtasan at gawain sa family history ay naghatid ng kapanatagan sa akin dahil alam ko na muling kong makikita ang tatay ko balang-araw. Kapag nangyari ito, gusto kong sabihin sa kanya na ginawa ko ang lahat ng aking magagawa para magkasama-sama ang aming pamilya.

Ngayo’y may sarili na akong asawa’t mga anak. Pinatatatag natin ang ating pamilya sa lupa sa pamamagitan ng pagpapalakas sa ating pamilya sa kabilang panig ng tabing.

Tulad ng sinabing minsan ni Pangulong Russell M. Nelson: “Bagama’t may kapangyarihan ang gawain sa templo at family history na pagpalain ang mga pumanaw na, may kapangyarihan din itong pagpalain ang mga nabubuhay pa. May nakadadalisay na impluwensya ito sa mga nakikibahagi rito. Ang mga ito ay literal na tumutulong upang [mapadakila] ang kanilang mga pamilya.”

Ang pagsasagawa ng gawain sa family history nang magkakasama ay pinanatiling nakasentro ang aking pamilya kay Cristo. Napakasaya na aking mga anak sa pagtawag sa mga kamag-anak para malaman ang iba pa tungkol sa kanilang buhay, at pagkatapos ay natutuwa rin ang mga kamag-anak! Naramdaman namin na nagkakaisa at konektado kami sa lahat ng aming kamag-anak, na nabubuhay pa at mga namatay na.

Sa mga banal na kasulatan, may kuwento tungkol sa isang maralitang balo na nakapagbigay lamang ng dalawang barya sa kabang-yaman, samantalang ang mayayaman sa paligid niya ay nagbigay ng lahat ng klase ng kayamanan. Itinuro ng Panginoon sa Kanyang mga disipulo na ang donasyon ng balo ay higit ang halaga: “Sapagkat silang lahat ay naghulog mula sa kanilang kasaganaan, ngunit siya sa kanyang kasalatan ay inihulog ang lahat ng nasa kanya, ang kanyang buong kabuhayan” (Marcos 12:44).

Maliit ang ginagawang family history ng aking pamilya kapag inisip mo ang lahat ng tao kung kaninong gawain ay kailangan pang tapusin. Ngunit alam ko na ituturing ng Ama sa Langit na napakahalaga ng ating mga pagsisikap kapag ginawa natin ang lahat ng ating makakaya para patatagin ang ating pamilya sa magkabilang panig ng tabing.