2025
Ano ang Sinabi ng mga Propeta tungkol sa Pagmimisyon?
Mayo 2025


Mula sa Mission Field

Ano ang Sinabi ng mga Propeta tungkol sa Pagmimisyon?

Binigyang-diin kapwa ng makabago at naunang mga propeta ang kahalagahan ng pagbabahagi ng ebanghelyo. Ang payo at mga turo nila ay makakatulong sa inyo sa inyong gawaing misyonero.

Si Pangulong Nelson habang nakikipagkamay sa isang bata pang missionary

Binigyang-diin na ng mga propeta noon pa man ang kahalagahan ng pangangaral ng ebanghelyo, na inuulit ang panawagan ng Tagapagligtas: “Humayo kayo sa buong sanlibutan, at inyong ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng nilikha” (Marcos 16:15). Mula sa mga sinaunang propeta hanggang kay Pangulong Russell M. Nelson, nalaman natin ang mga pagpapala ng pagtuturo at pagbabahagi ng ebanghelyo ni Cristo.

Kasalukuyan ka mang nasa misyon, nag-iisip na magmisyon, o naghihintay ng tawag na magmisyon, ang mga salita ng mga propeta ay magiging isang kompas para sa iyo habang nagtatrabaho ka sa ubasan ng Panginoon. Narito ang ilan lamang sa sinabi ng mga propeta tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo bilang missionary:

Isaias—Magpahayag ng Kapayapaan

“Napakaganda sa mga bundok ang mga paa niy[a]ong nagdadala ng mabuting balita, na naghahayag ng kapayapaan, na nagdadala ng mabuting balita ng kabutihan, na naghahayag ng kaligtasan, na nagsasabi sa Zion, Ang iyong Diyos ay naghahari!” (Isaias 52:7).

Pablo—Ipangaral si Jesucristo

“Sapagkat hindi namin ipinangangaral ang aming sarili, kundi si Cristo Jesus bilang Panginoon, at kami ay inyong mga lingkod dahil kay Cristo” (2 Corinto 4:5).

Nakababatang Alma—Ang Inyong Kaluluwa ay Mapupuspos ng Kagalakan

“Nalalaman ko yaong ipinag-utos sa akin ng Panginoon, at ipinagkakapuri ko ito. Hindi ako nagpupuri sa aking sarili, kundi ipinagkakapuri ko yaong ipinag-utos sa akin ng Panginoon; oo, at ito ang aking kaluwalhatian, na baka sakaling ako’y maging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos upang madala ang ilang kaluluwa sa pagsisisi; at ito ang aking kagalakan.

“At masdan, kapag nakita kong tunay na nagsisisi ang marami sa aking mga kapatid, at lumalapit sa Panginoon nilang Diyos, sa gayon napupuspos ang aking kaluluwa ng kagalakan” (Alma 29:9–10).

Brigham Young—Tutulungan Kayo ng Diyos sa Inyong Paglalakbay

“Magiging napakasaya ko kapag nalaman ko na … ang mga tao sa bawat isla at kontinente, kapwa ang mataas at ang mababa, ang mga mangmang at ang matalino, ay natanggap ang mga salita ng buhay na walang hanggan, at naipagkaloob sa kanila ang kapangyarihan ng walang-hanggang Priesthood ng Anak ng Diyos. …

“Humayo at ipangaral ang Ebanghelyo, magkaroon ng karanasan, matuto ng karunungan, at lumakad nang mapagpakumbaba sa harap ng inyong Diyos, nang matanggap ninyo ang Espiritu Santo upang gabayan at patnubayan kayo, at ituro sa inyo ang lahat ng bagay noon, ngayon, at sa hinaharap.

“Humayo na may tiwala sa Diyos, at patuloy na magtiwala sa kanya, at bubuksan niya ang inyong daan at pararamihin ang mga pagpapala sa inyo, at ang inyong mga kaluluwa ay masisiyahan sa kanyang kabutihan.”

Ezra Taft Benson—Ang Kasipagan ay Naghahatid ng Espiritu

“Walang higit na kagalakan o kasiyahan kaysa sa malaman, matapos ang hirap sa maghapong pagtatrabaho, na nagawa natin ang lahat ng kaya natin.

“Madalas kong sabihin na ang isa sa pinakamalalaking sikreto ng gawaing misyonero ay maglingkod! Kung naglilingkod ang isang missionary, sasakanya ang Espiritu; kung sumasakanya ang Espiritu, magtuturo siya sa pamamagitan ng Espiritu; at kung nagtuturo siya sa pamamagitan ng Espiritu, maaantig niya ang puso ng mga tao at magiging masaya siya.”

Thomas S. Monson—OK Lang na Mahirapan

Mahirap ang gawaing misyonero. Ang paglilingkod sa misyon ay mahirap at nangangailangan ng mahabang oras ng pag-aaral at paghahanda, upang ang missionary mismo ay tumugma sa banal na mensaheng kanyang ipinapahayag. Ito ay isang gawain hindi lamang ng pagmamahal kundi maging ng sakripisyo at katapatan sa tungkulin. …

“Ang pagpasok sa mission field kung minsan ay maaaring isang napakahirap at nakakatakot na karanasan. Kausap ako ni Pangulong Harold B. Lee isang araw tungkol sa mga taong nakadarama ng kakulangan at nag-aalala kapag nakatanggap sila ng assignment sa Simbahan. Ipinayo niya, ‘Tandaan, sinuman ang tawagin ng Panginoon ay binibigyan ng kakayahan ng Panginoon.’”

Russell M. Nelson—Ang Liwanag ni Jesucristo ay Kailangan Ngayon

“Bawat isa sa inyo ay mahalaga sa Panginoon. Inireserba na Niya kayo sa panahong ito para tumulong na tipunin ang Israel. Ang desisyon ninyong magmisyon, proselyting man ito o service mission, ay magpapala sa inyo at sa maraming iba pa. …

“… Kailangan ngayon ang liwanag ni Jesucristo nang higit kailanman dahil sa espirituwal na kadiliman sa mundo. Lahat ay nararapat na magkaroon ng pagkakataong malaman ang tungkol sa ipinanumbaik na ebanghelyo ni Jesucristo. Bawat tao ay nararapat na malaman kung saan siya makasusumpong ng pag-asa at kapayapaan na “hindi maabot ng pag-iisip” [Filipos 4:7].”

Ang pagpapasiyang maglingkod sa full-time mission ay sa pagitan ninyo at ng Ama sa Langit. Habang pinagninilayan ninyo ang mga salita ng mga propeta, isipin kung paano kayo magiging isang tanglaw ng liwanag ni Cristo. Ang kakaiba ninyong mga kaloob at kahandaang ibahagi ang ebanghelyo ay makakatulong na madala ang iba sa ebanghelyo. Sa panahon na napakaraming naghahanap ng layunin, ang mga pagsisikap ninyong ibahagi ang pagmamahal at mga turo ng Tagapagligtas ay maaaring makagawa ng malalim—at walang hanggan—na pagkakaiba sa buhay ng isang tao.

Mga Tala

  1. Discourses of Brigham Young, sel. John A. Widtsoe (1954), 320, 322.

  2. Ezra Taft Benson, “Keys to Successful Member-Missionary Work,” Ensign, Set. 1990, 6.

  3. Thomas S. Monson, “Who Honors God, God Honors,” Liahona, Nob. 1995, 49, 50.

  4. Russell M. Nelson, “Pangangaral ng Ebanghelyo ng Kapayapaan,” Liahona, Mayo 2022, 6–7.