2025
Handa Ka para sa Kumperensya, pero Hindi pa Nasasagot ang mga Tanong Mo. Ano na ang Gagawin Mo?
Mayo 2025


Handa Ka para sa Kumperensya, pero Hindi pa Nasasagot ang mga Tanong Mo. Ano na ang Gagawin Mo?

Ano ang gagawin mo kung maingat kang naghanda ng mga tanong para sa pangkalahatang kumperensya pero hindi nasagot ang mga iyon?

Isang babaeng nagtatala sa oras ng pangkalahatang kumperensya

Madalas tayong hikayatin na maghanda para sa pangkalahatang kumperensya sa pamamagitan ng pag-iisip ng taimtim na mga tanong na gusto nating masagot. Marami sa atin ang masigasig na nag-aaral para matukoy ang mga tanong ng ating kaluluwa na idudulog para hingan ng patnubay. Ang pangkalahatang kumperensya ay maaaring maging isang karanasan sa paghahayag, at tinuturuan tayong umasa ng mga sagot at himala.

Pero ano ang mangyayari kapag hindi nasagot ang ating mga tanong?

Naaalala ko noong unang punta ko sa kumperensya na talagang naghanda at nakinig ako sa sagot na akala ko ay garantisadong matatanggap ko—para lamang umabot ang katapusan ng linggo na mas marami pa akong tanong!

Ayaw ba akong sagutin ng Diyos? Hindi ba sapat ang katapatan ko? Hindi ba gumagana sa akin ang paghahayag?

Una, tandaan na mahal ka ng Diyos.

Kung nilisan mo ang kumperensya na may mga tanong na hindi nasagot, mag-isip at alalahanin ang isa sa mahahalagang katotohanan ng ebanghelyo: Mahal ka ng Diyos.

Sabi ni Elder Karl D. Hirst ng Pitumpu:

“Mali kayo na isiping inilagay ninyo ang inyong sarili sa hindi abot ng pag-ibig ng Diyos. …

Kahit na hindi natin nadarama ang init ng banal na pag-ibig, hindi ito nawawala.”

Anuman ang nararamdaman mo sa sandaling ito, dapat mong malaman na may nagmamahal sa iyo. Habang sumusulong ka nang may mga tanong sa puso mo, tandaan na mahal ka ng Diyos at lagi Niyang tinutupad ang Kanyang mga pangako. Magkaroon ng pag-asa sa kaalamang iyan habang hinihintay mong dumating ang mga sagot at karagdagang kaalaman.

Sumunod, patuloy na kumilos.

Pero paano ka susulong?

Huwag hayaang mawala ang momentum na natamo mo sa paghahanda at pakikinig sa pangkalahatang kumperensya. Patuloy na kumilos.

Itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Huwag panghinaan-ng-loob kung sinusubok ang inyong pananampalataya o may mga tanong kayo na hindi masagot.

“Hindi [tayo] dapat umasang mauunawaan natin ang lahat ng bagay bago tayo kumilos. … Kung hihintayin muna nating masagot ang ating mga tanong bago tayo kumilos, labis nating nililimitahan ang mabuting bagay na maisasakatuparan natin, at nililimitahan natin ang kapangyarihan ng ating pananampalataya.”

Narito ang ilang mungkahi para patuloy na kumilos nang may pananampalataya upang mahanap ang mga sagot sa iyong mga tanong:

  • Rebyuhin ang mga mensahe sa kumperensya. Marahil ay may mga sagot na hindi mo narinig o napansin noong una.

  • Mapanalanging pag-aralan ang mga banal na kasulatan.

  • Dumalo sa templo.

  • Gumawa ng mga mithiing makakamit na iangkop sa buhay mo ang mga turo mula sa kumperensya.

  • Humingi ng priesthood blessing para sa payo at kapanatagan.

  • Maghanap ng mga sandaling manahimik at hayaang mangusap sa iyo ang Espiritu.

Alalahanin ang kapangyarihan ng iyong pananampalataya.

Maaari kang matuksong isipin na hindii sapat ang tibay ng iyong pananampalataya para makatanggap ng paghahayag mula sa Diyos. Mabuti na lang at pinayapa ni Pangulong Russell M. Nelson ang takot na ito:

“Naiisip natin kung minsan kung makakaya ba nating magkaroon ng sapat na pananampalataya upang matanggap ang mga pagpapalang kailangang-kailangan natin. …

“… Kung ‘mayroon [tayong] pananampalataya na kasinglaki ng butil ng binhi ng mustasa,’ magagawa nating ‘[sabihin] sa bundok na ito, Lumipat ka roon mula rito, at ito’y lilipat, at sa [atin] ay walang hindi maaaring mangyari’ [Mateo 17:20].”

Lahat tayo ay maaaring patuloy na magpalakas ng ating pananampalataya, pero ang laki ng pananampalatayang tunay nating taglay ay hindi palaging tumutukoy sa kung kailan o kung paano tayo sinasagot ng Diyos. Kung ginagawa mo ang lahat ng kaya mo para mag-anyaya ng paghahayag sa iyong buhay, tandaan na magtiwala sa Kanya at sa Kanyang takdang panahon. Sa ngayon, ang pagtitiwala sa Kanya ay maaaring nangangahulugan lamang na maghintay sa Kanya.

Maaaring mahirap kung minsan, pero kapag ginawa mo ito, makikita mong umaayon ang iyong kalooban sa Kanya. Magkakaroon ka ng tiyaga na matanggap ang mga sagot ng Diyos para sa iyo.

Sa huli, huwag “manliit.”

Sa mga banal na kasulatan, inilarawan ng Tagapagligtas ang pagdurusang naranasan Niya sa Getsemani, na sinasabing, “Kung aling pagdurusa ay dahilan upang ang aking sarili, maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu—[at magnais] na kung maaari ay hindi ko lagukin ang mapait na saro at manliit” (Doktrina at mga Tipan 19:18).

Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Alam ko na ang isa sa mga pinakamalaking pagpapala ng mortalidad ay ang hindi manliit o sumuko at pagpayag na ang ating kalooban ay ‘[mapasakop] sa kalooban ng Ama’ (Mosias 15:7).

“… At alam ko na kapag sumulong kayo sa inyong buhay na may matatag na pananampalataya kay Cristo, magkakaroon kayo ng kakayahan upang hindi manliit.”

Habang sumusulong ka nang may pananampalataya kay Cristo, huwag manliit! Gagabayan ka habang hinahayaan mong mauna ang kalooban ng Diyos kaysa sa iyo. Bibiyayaan ka Niya ng mga sagot na kailangan mo.