2025
Pagpiling Manampalataya Kapag Hindi Iyon ang Ginagawa ng Iba
Mayo 2025


Naniniwala Ako

Pagpiling Manampalataya Kapag Hindi Iyon ang Ginagawa ng Iba

Ang awtor ay naninirahan sa Taiwan.

Nang magkaroon na ako ng sariling patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo, madali nang piliing manatili sa Simbahan habang tumatalikod ang iba pang nasa paligid ko.

isang matingkad na dilaw na payong sa gitna ng isang pulutong ng mga itim na payong

Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay bahagi na ng buhay ko noon pa man, pero wala akong sariling patotoo noong tinedyer ako.

Madalas magpalit ng trabaho ang tatay ko noong bata pa ako, kaya kinailangan ng pamilya ko na lumipat kada ilang buwan. Hindi ako nagkaroon ng pagkakataong magkaroon ng malalapit na kaibigan, at hindi ko naramdaman na tanggap ako. Sa Taiwan, karamihan sa mga tao ay may isa o dalawang anak at sumusunod sa mga tradisyon ng Daoism o Buddhism. Lima kaming magkakapatid sa pamilya ko at kasapi kami sa Simbahan ni Jesucristo.

Mahirap mamuhay nang ganito noong bata pa ako, at may mga pagkakataon na nakaramdam ako ng hiya at kahihiyan sa pagiging miyembro ng Simbahan.

Ang Pundasyon ng Aking Patotoo

Noong tinedyer ako, ilang beses kong sinubukang basahin ang Aklat ni Mormon. Sa unang dalawang beses, wala akong naramdaman. Hindi iyon tapat sa puso ko. Pero sa pangatlong pagkakataon, nagkaroon ako ng ibang karanasan.

Nang taimtim kong basahin at pagnilayan ang kuwento tungkol sa pagtuturo ni Ammon kay Haring Lamoni—isang haring Lamanita na handang talikuran ang lahat ng tradisyong ipinamuhay niya noon pa man para sundan si Cristo—nadama ko nang husto na ang aklat ay totoo. Nabigyang-inspirasyon ako sa kagalakan ni Lamoni nang piliin niyang baguhin ang kanyang buhay at sumunod kay Cristo (tingnan sa Alma 19:13).

Nang mabasa ko ang paanyaya ni Moroni na “itanong ninyo sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo, kung ang mga bagay na ito ay hindi totoo” (Moroni 10:4), buong puso kong nadama ang katotohanan ng ebanghelyo. Pinagtibay ito ng Espiritu sa akin at pinuspos ang buhay ko ng panibagong layunin.

Ang karanasang ito ang nagsilbing mga ugat sa aking patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo, na patuloy na lumago nang maghangad ako ng iba pang mga espirituwal na karanasan. Ang aking patotoo ay nagbigay sa akin ng pag-asa at kagalakan nang manghina ang iba pa sa paligid ko.

Nakaugat na Pananampalataya

Hindi nagtagal matapos kong palalimin ang aking pananampalataya, nagdiborsyo ang mga magulang ko. Bilang panganay, ako ang tumustos sa mga pangangailangan ng aking ina at mga kapatid at nagtrabaho ako nang husto para masuportahan ang pamilya ko at mabigyan ng mas magandang buhay ang mga kapatid ko. Ginawa ko ang lahat para makadalo sa institute, sa mga aktibidad ng young adult, at sa simbahan para mapalakas ang aking patotoo, at ito ang nagpatatag at nakatulong sa akin na makaramdam ng kagalakan, kahit nagsakripisyo ako nang husto para sa pamilya ko.

Lumipas ang mga taon, mas marami sa mga kapatid at kaibigan ko ang tumalikod sa Simbahan. Nagpasiya sila na ayaw nilang mamuhay nang naiiba sa mga tao sa kanilang paligid. Mahirap makita ang mga mahal ko sa buhay na talikuran ang ebanghelyong mahal ko, pero dahil sa aking personal na mga espirituwal na karanasan, pinili kong kumapit sa aking pananampalataya kay Jesucristo.

Nagbahagi si Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol ng mga kabatiran tungkol sa alituntuning ito, na sinasabi: “Dapat nating tanungin ang ating sarili: Nakabatay ba ang aking patotoo sa inaasahan kong mangyayari sa buhay ko? Nakasalalay ba ito sa mga ginagawa o asal ng ibang tao? O matatag itong nakasalig kay Jesucristo, ‘nakaugat at nakatayo sa kanya’ [Colosas 2:7], magbago man ang ating mga sitwasyon sa buhay?”

Dahil nadama ko ang katotohanan ng ebanghelyo na nakaugat sa puso ko, naging madali para sa akin na piliing manampalataya.

Ang Subok na Pananampalataya ay Matibay na Pananampalataya

Sa patuloy na pangangalaga ko sa aking patotoo, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay naging higit pa sa pagiging relihiyon ko—ito ang buong buhay ko. Ang aking patotoo ang pinakamahalagang bagay sa buhay ko at nakatulong sa akin nang subukan ang aking pananampalataya.

Itinuro din ni Elder Uchtdorf:

“Ang pananampalataya ay malakas kapag may malalim na ugat ito sa personal na karanasan, personal na pangako ng katapatan kay Jesucristo, malaya sa anumang tradisyon natin o malaya sa anumang sasabihin o gagawin ng iba.

Ang ating patotoo ay susubukan at patutunayan. Hindi pananampalataya ang pananampalataya kung hindi pa ito dumaan sa pagsubok. Hindi pa malakas ang pananampalataya kung hindi pa ito nasubok. Kaya huwag panghinaan-ng-loob kung sinusubok ang inyong pananampalataya o may mga tanong kayo na hindi masagot. …

“… Mapagkakatiwalaan natin si Jesucristo habang patuloy tayong kumikilos pasulong at paitaas dahil Siya ang ating Tagapagligtas at Manunubos.”

Kung sakaling may mga tanong kayo o nahihirapan kayong kumapit sa inyong pananampalataya, hanapin si Jesucristo na may hangaring maniwala sa Kanya at sa Kanyang ebanghelyo. Nangako ang Panginoon na ipapakita sa inyo ang katotohanan kapag bumaling kayo sa Kanya. At kapag pinalakas ninyo ang inyong patotoo, tutulungan nito ang inyong pananampalataya na magtiis, anuman ang inyong maranasan.