2025
3 Karanasan sa Panalangin na Nagpabago sa Aking Relasyon sa Diyos
Mayo 2025


3 Karanasan sa Panalangin na Nagpabago sa Aking Relasyon sa Diyos

Ang awtor ay naninirahan sa Angers, France.

Ang aking mga karanasan sa panalangin ay nagturo sa akin na laging nariyan ang Diyos.

isang babaeng nakaluhod sa sahig at nagdarasal

Habang lumalaki, itinuro sa akin ng mga halimbawa ng aking mga magulang ang kahalagahan ng panalangin. Lagi kaming sama-samang nagdarasal bilang pamilya, at umasa ako na tutulungan nila ako sa aking pananampalataya.

Nakasaksi kami ng mga himala, at lumakas ang tiwala ko sa Ama sa Langit. Pero nang humiwalay na ako sa kanila, kinailangan ko nang magkaroon ng sariling hangarin na humingi ng tulong sa Ama sa Langit at mapalago ang sarili kong pananampalataya.

Mayroon akong tatlong partikular na karanasan sa panalangin na hinding-hindi ko malilimutan dahil pinatatag ng mga ito ang pundasyon ng aking tiwala sa Diyos at binigyan ako ng lakas-ng-loob na manampalataya. Kung naghahanap ka ng tulong o nagsisikap na mas magtiwala sa Diyos, sana’y makatulong sa iyo ang mga karanasan ko na magkaroon ng tiwala na manampalataya ka mismo at matanto mo ang kapangyarihan ng panalangin.

1. Pagtanto na Mahalaga Ako sa Kanya

Noong naghahanda akong mabinyagan sa edad na walong taong gulang, wala akong ibang ginusto kundi ang dumalo ang lolo’t lola ko sa aking binyag. Pero sa Tahiti sila nakatira, at mahirap para sa kanila na magbiyahe papuntang France sa edad nila. Sa puntong ito ng kanilang buhay, naniwala sila na ang huling pagkakataon na makabiyahe sila ay kung ang tita ko—na wala pang asawa—ay ikakasal. Tila hindi ito posibleng mangyari bago ako binyagan, pero alam ko na kung magdarasal ako, sasagot ang Ama sa Langit.

Isang araw sa simbahan, nakita namin ng nanay ko ang isang lalaki na nakaupong mag-isa. Nagkatinginan kami at biglang pareho naming naisip na bagay sila ng tita ko! Nagkataon na naghahanap din pala siya ng mapapangasawa at makakasa sa walang hanggan, kaya isinaayos namin na magkakilala sila.

Nagkaibigan sila at nagpasiyang magpakasal, at nagpunta sa France ang lolo’t lola ko para sa kasal nila at binyag ko!

Sinagot ng Ama sa Langit ang partikular na panalangin ko sa isang paraang Siya lamang ang makagagawa. Alam ko na hindi Niya palaging sinasagot ang ating mga panalangin sa paraang inaasahan natin, pero madalas ay sumasagot Siya sa mga paraan na nagpapakita sa atin kung gaano tayo kahalaga sa Kanya.

Sabi ni Elder Taylor G. Godoy ng Pitumpu:

“Naririnig ng Diyos ang ating mga panalangin at sinasagot Niya ang mga ito sa personal na paraan. …

“Habang nananalangin tayo madarama natin ang yakap ng ating Ama sa Langit.”

Nakikinig sa atin ang Ama sa Langit dahil nagmamalasakit Siya sa atin at sa kung ano ang mahalaga sa atin. Ang Kanyang mga sagot ay maaaring dumating sa di-inaasahang mga paraan, pero dumarating ang mga iyon.

2. Matutong Magtiwala sa Kanyang Takdang Panahon

Ilang taon na ang nakalilipas, ibinenta ng mga magulang ko ang bahay namin. Hiniling nila sa bangko na ibigay sa amin ang perang kailangan namin para pirmahan ang mga papeles para sa bagong bahay sa ibang lungsod.

Nangyayari ang lahat ayon sa plano hanggang sa tanggihan ng bangko ang kahilingan namin. Dahil naibenta na ang kasalukuyang bahay namin, mayroon lang kaming isang buwan para makahanap ng perang pambili ng bagong bahay, at kung hindi ay mawawalan kami ng tirahan.

Magkakasama kaming nag-ayuno at nanalangin. Sinabi sa akin ng mga magulang ko na kung magtitiwala kami sa Diyos, ilalaan Niya ang kailangan namin.

Isinulat ng propetang si Moroni na “wala kayong matatanggap na patunay hangga’t hindi natatapos ang pagsubok sa inyong pananampalataya” (Eter 12:6).

Sa pagsubok na ito, nagkaroon kami ng oportunidad na magtiwala sa Ama sa Langit nang higit sa anumang bagay at kaninuman. Sa huling araw ng buwan, ipinagkaloob ng bangko ang kahilingan ng aking mga magulang, at napirmahan namin ang mga papeles.

Kapag dumaranas tayo ng mga hamon, nasa atin na ang pagsampalataya sa Ama sa Langit hanggang sa magpadala Siya sa atin ng sagot sa Kanyang takdang panahon. Kung patuloy tayong magtitiwala sa Kanya sa pamamagitan ng panalangin, iimpluwensyahan Niya ang ating buhay.

3. Paniniwalang Alam Niya ang Nangyayari sa Akin

Ngayong taon, kinailangan kong maghanap ng internship para sa university credit. Malapit na ang deadline, pero wala akong nakita. Kung hindi ako nakahanap ng tamang oportunidad, kailangan kong ulitin ang buong taon ng pag-aaral. Malayo ako sa mga magulang ko noon, pero naturuan nila ako kung ano ang gagawin sa mga sitwasyong katulad nito.

Humingi ako ng tulong sa Ama sa Langit sa panalangin. Ipinaubaya ko ang aking kinabukasan sa Kanyang mga kamay.

At alam mo ba? Nang maglaon, may inilagay Siya sa landas ko na nag-alok sa akin ng internship na kailangan ko mismo.

Maaaring parang madali ito sa pandinig ninyo, at parang lagi kong nakukuha ang gusto ko kapag nanalangin ako. Pero marami na akong nabigkas na panalangin na iba ang sagot sa inasahan ko. At naghihintay pa rin akong masagot ang iba.

Pero kung minsa’y nagpapadala ang Diyos sa akin ng mga himala na tumutulong sa akin na kumapit at magtiwala na magiging maayos ang lahat. Kaya huwag sumuko. Laging magtiwala sa Panginoon. Alam Niya kung ano ang mahalaga sa atin, at mahalaga tayo sa Kanya.

Itinuro ni Pangulong Jeffrey R. Holland, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Kung tayo ay ‘hihingi nang hindi lisya,’ [2 Nephi 4:35], walang limitasyon sa kung kailan, kung saan, at tungkol sa kung ano ang dapat nating ipanalangin.”

Nais ng Panginoon na makarinig mula sa atin. Hinihintay Niya tayong humingi ng tulong sa Kanya para matulungan Niya tayo. Humingi ng tulong sa Kanya sa panalangin, at lagi Siyang naririyan.