Pag-aangkop ng Aklat ni Mormon sa Inyong Buhay
Kabanalan: Paano Natin Mapoprotektahan ang Ating Sarili Laban sa mga Hamon ng Buhay
Ang dagdag na kabanalan ay makakatulong sa atin na manatiling nakaugnay kay Jesucristo sa makasalanang mundong ito.
Nagkaroon kami ng pagkakataong maglingkod bilang mga mission leader sa Chile 10 taon na ang nakararaan. Kamakailan, binisita kami ng isa sa aming mga missionary nang magbiyahe siya sa Utah kasama ang kanyang pamilya. Natuwa kaming makita siyang muli at makilala ang kanyang pamilya. Nang nakaupo na kami, sinimulan naming gunitain ang mga alaala ng mga aral na natutuhan namin at mga pagpapalang ipinagkaloob sa buong dalawang taon na magkasama kaming naglingkod.
Nang malapit na silang umalis, pinag-usapan namin ang isa sa pinakamagagandang aral na natutuhan namin: ang pangangailangang “tumayo sa mga banal na lugar” (Doktrina at mga Tipan 45:32)—ang pangangailangang protektahan ang ating sarili laban sa mga tukso at impluwensya ng kasamaan na nakapalibot sa ating lahat sa lahat ng panig at magtatag ng personal na mga santuwaryo at kanlungan para sa ating buhay.
Sa paksang ito nagtanong ng isang mahalagang bagay ang aming mahal na missionary. Sabi niya:
“Napakalaking kasiyahan para sa isang full-time missionary na magtuon lamang sa pagtuturo ng doktrina ni Cristo at paglilingkod sa iba. Pero ngayon, ang mabuhay sa isang mas masamang mundo na puno ng alitan, poot, at tukso, mas mahirap makahanap ng banal na lugar, ni ang tumayo rito, lalo na kapag may pamilya kang inaalagaan. Tila wala talagang paraan para matakasan ang kasamaan sa paligid natin. Pakiramdam ko ay wala akong magawa, na walang paraan para matakasan ang gulo sa mundo ngayon.
“Paano ko mapoprotektahan ang aking pamilya laban sa kasamaan sa mundo gayong napakahirap makahanap ng mga banal na lugar? Paano ko sila tuturuan na maging mga disipulo ni Cristo—na sundin ang Espiritu at tumayo sa mga banal na lugar?”
Sa puntong ito ng usapan, nakaramdam kami ng inspirasyon.
Ang Kanlungan ng Isang Tahanan at Pamilya
Pinasama namin ang dati naming missionary at ang kanyang pamilya sa paglalakad sa paligid ng aming bakuran. Pinakitaan namin sila ng isang maliit na puno, na halos tatlong talampakan lamang ang taas, at ipinaliwanag na ang maliit na puno ay nalantad sa lahat ng hangin ng taglamig at niyebe na nagmula sa kabundukan. Dahil diyan, nabansot ito, at mukhang sira-sira at mahina.
Pagkatapos ay naglakad kami papunta sa isang lugar sa aming bakuran na protektado laban sa mga bagyo dahil sa matitibay na pader ng bahay namin. Ang bahay namin ay nagsilbing proteksyon laban sa mga bagyo at buhawi sa paglipas ng mga taon, na nagpapahintulot sa mga puno at bulaklak na lumago at umunlad. Ang napakalaking punong namumulaklak sa bahaging ito ng bakuran, na may magagandang sanga at sumisibol na mga bulaklak, ay kamukha ng punong sira-sira at payat nang itanim namin ang mga ito sa araw na iyon mismo mahigit dalawang dekada na ang nakararaan.
Ang kanlungan ng isang tahanan at pamilya ay maaaring bumuo ng isang “banal na lugar” na kailangan nating lahat. Pinatotohanan namin na ang tahanan, pananampalataya, at pamilya ang nagbibigay ng mga oportunidad na lumago at umunlad na naranasan ng magandang punong nasa harap namin. Tiyak na darating ang mga araw ng mga hamon, pero kung tayo at ang ating pamilya ay may kanlungan at santuwaryo ng pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo, tayo ay lalago at mabubuhay at “hindi matitinag” (Doktrina at mga Tipan 45:32).
Kanlungan laban sa Sigalutan at Tukso
Nagbahagi si Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol ng nakasisiglang mga ideya tungkol sa kahalagahan ng paghahatid ng kabanalan sa ating buhay. Sabi niya: “Ang nasa atin ay isang ebanghelyo ng kagalakan at kabanalan sa pang-araw-araw na buhay. Ibinubukod ng kabanalan ang mga bagay-bagay para sa sagradong layunin. Pero kabanalan din ang nag-aanyaya sa atin na haluan ng mga bagay na sagrado ang pang-araw-araw na pamumuhay—na magalak sa mga pagpapala at karanasan natin araw-araw sa gitna ng mga problema at hamon ng mundong ito.”
Kung nais ninyong lumago, tiyakin na natatamasa ninyo ang proteksyong laan ng landas ng tipan ng Panginoon. Lagi Niya kayong aakaying tumayo sa mga banal na lugar, sa pamamagitan ng aktibidad sa simbahan, makabuluhang paglilingkod, at sa templo. Patuloy kayong palilibutan ng mabagyong panahon ng sigalutan sa pulitika at ang mga pagpapahirap ng tukso, pero maaari kayong makahanap ng kanlungan sa patnubay ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag at ng Banal na Espiritu.
Tunay nga, ang “pagtitipong sama-sama sa lupain ng Sion, at sa kanyang mga istaka, ay maaaring maging isang tanggulan, at isang kanlungan mula sa bagyo, at mula sa poot sa panahong ito ay ibubuhos nang walang halo sa buong lupa” (Doktrina at mga Tipan 115:6).
Kapag inanyayahan ninyo ang Panginoon at ang Kanyang kabanalan sa inyong buhay, wala kayong dapat ikatakot.