3 Tip para Tulungan Kayong Magtakda ng mga Mithiing Makakamit
Kung nahihirapan kayo sa paggawa at pagkakamit ng mga mithiin, para sa inyo ito!
Ang pagtatakda ng mithiin ay parang pagtatanim ng binhi. Ang binhi ay kailangang patuloy na madiligan at masikatan ng araw para lumago sa paglipas ng panahon. Sa Doktrina at mga Tipan, nalaman natin na si Cristo ay “hindi [natanggap] ang kaganapan sa simula, [kundi] nagpatuloy nang biyaya sa biyaya, hanggang sa [matanggap] niya ang kaganapan” (Doktrina at mga Tipan 93:13). Matutularan natin ang halimbawa ng paglago ni Cristo tungo sa pagiging perpekto. Maaari tayong lumago at umunlad sa pamamagitan ng pagtatanim ng “mga binhi” o pagtatakda ng mga mithiin na maaaring makatulong sa atin na patuloy na lumago bawat araw, sa halip na asahan itong mangyari nang biglaan.
1. Alamin ang Dahilan sa Likod ng Iyong Pagtatakda ng Mithiin
Kung minsa’y parang napakahirap magtakda ng mithiin. Makakakita tayo ng motibasyon sa pamamagitan ng pag-alala kung bakit tayo nagtatakda ng mga mithiin.
Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Kabaligtaran ng mga institusyon sa daigdig, na nagtuturo sa atin na [alamin ang isang bagay], ang ebanghelyo ni Jesucristo ay naghihikayat sa atin na magkaroon ng kahihinatnan.
Ang malaking bahagi ng pagtatakda ng mithiin ay ang paggamit ng nalalaman at natututuhan natin kung paano maging mas mabuti—maging mas katulad ni Jesucristo.
2. Magplano
Ang isang hakbang sa paglikha ng isang epektibong mithiin ay ang unawain ang pagkakaiba sa pagitan ng mga layunin at mga plano. Sinabing minsan ni Pangulong M. Russell Ballard (1928–2023): “Ang pagtatakda ng mithiin ay pag-alam kung ano talaga ang gusto ninyong mangyari. At ang pagpaplano ay pag-iisip ng paraan para makamtan ang mithiing iyon.”
Halimbawa, ang regular na pagdalo sa templo ay isang mithiin. Pero kasama sa planong gagawin ninyo para makarating doon ang mga bagay na tulad ng bakit, kailan, saan, at paano kayo dadalo sa templo. Nagiging mas madaling pamahalaan ang inyong mithiin kapag hinati-hati ito sa mas maliit na bahagi.
3. Maghinay hinay—nang May Karunungan at Kaayusan
Ang inyong mga mithiin ay maaaring mukhang madali sa una ninyong paggawa ng mga ito. Pero mahalagang tandaan na kapag nagtanim kayo ng binhi, hindi ninyo dapat asahang lumago ito sa magdamag.
Kapag gumagawa kayo ng plano, dapat gawin iyon “[nang may] karunungan at kaayusan; sapagkat hindi kinakailangan na ang tao ay tumakbo nang higit na mabilis kaysa sa kanyang lakas” (Mosias 4:27).
Ang pagkakaroon ng karunungan at kaayusan habang binabalak ninyo kung paano makamit ang inyong mga mithiin ay isang mas madaling paraan. Makakatulong ito na makamtan ninyo ang mga iyon kahit nawala na ang inyong paunang motibasyon.
Patungkol sa pananampalataya, ipinaliwanag ni Alma na “kung ang isang binhi ay tumutubo ito ay mabuti, ngunit kung ito ay hindi tumutubo, masdan ito ay hindi mabuti, kaya nga ito ay itatapon” (Alma 32:32).
Maaari nating sundin iyan sa pagtatakda ng mga mithiin. Tulad ng mga binhi, kung lumago ang inyong mga mithiin at magtagumpay kayo, malalaman ninyo na mayroon kayong isang magandang planong gumagana. Kung hindi, maaari kayong mag-isip, muling suriin, at ayusin kung ano ang hindi gumagana. At OK lang iyan!
Ang Maliliit na Hakbang ay Hindi Pabagu-bago
Nagtatanim man tayo ng binhi o gumagawa ng isang mithiin, dapat nating tandaan ang payo ni Elder Michael A. Dunn ng Pitumpu: “Kailangan ng tuluy-tuloy na pagsisikap. At bagama’t hindi tayo magiging perpekto, kailangan nating maging determinado sa ating paninindigan nang may katumbas na pagtitiyaga.”
Kailangan ng panahon para lumago ang mga binhi, at hindi naiiba ang ating personal na paglago. Ang hindi pagbabagu-bago ay tutulong sa atin na makamtan ang ating mga mithiin.
Kung “[maninindigan tayo nang] may katumbas na pagtitiyaga,” masusumpungan natin ang kagalakan kay Cristo na hinahanap natin, kapag sinusundan natin Siya sa paisa-isang maliit na hakbang.