“Ang Payo Ko sa mga Young Adult tungkol sa Pakikipagdeyt at Pagpapakasal,” Liahona, Hulyo 2025.
Mga Young Adult
Ang Payo Ko sa mga Young Adult tungkol sa Pakikipagdeyt at Pagpapakasal
Ang pakikipagdeyt ay isang paraan para malaman kung ang isang tao ay ang tamang taong dapat makasama sa pagsisimula ng isang mas mahabang paglalakbay.
Mga paglalarawan ni Stephen Neilsen
Gusto kong isipin na ang pakikipagdeyt ay isang kasangkapan.
Ang mga kasangkapan ay tumutulong upang makamit ang isang tiyak na layunin. Ang layunin ng pakikipagdeyt ay para bumuo ng mga relasyon na humahantong sa pagpapakasal at isakatuparan, sa pamamagitan nito, ang plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak.
Ang pakikipagdeyt ay isang paraan para malaman kung ang isang tao ay ang tamang taong dapat makasama sa pagsisimula ng isang mas mahabang paglalakbay. Tulad ng itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Mga kaibigan kong dalaga’t binata, pinapayuhan namin kayo na ituon ang inyong pakikisalamuha sa opposite sex sa mga pakikipagdeyt na may potensyal na mauwi sa kasalan.”
Kapag pinag-uusapan natin ang “dahilan” ng pakikipagdeyt, pinag-uusapan natin ang pagbuo ng matagalang relasyon sa pagsasama. Pinag-uusapan natin ang pagkonekta ng ating sarili at ng isa’t isa sa Tagapagligtas. Pero kung minsan, kung hindi tayo maingat, maaari tayong lubhang matuon sa pakikipagdeyt at pagkilala sa mga tao at naiisantabi ang tungkol sa pagpapakasal.
Gusto kong mag-alok ng kaunting payo kung paano ninyo mapapaganda ang inyong karanasan sa pakikipagdeyt. Karamihan sa payo ko ay nagmumula sa sarili kong personal na karanasan, at sana’y makatulong ito sa inyo.
Sadyang Makipagdeyt
Kung tatanungin kayo kung paano kayo makikipagdeyt, sana ay “intensyonal” ang maging isa sa mga unang sagot ninyo. Susubukan kong ilarawan ito sa isang halimbawa.
Mahigit kalahati ng panahon ng pagdedeyt naming mag-asawa ay malayuan. Nakilala ko si Catherine noong nag-aaral kami sa Santiago, Chile. Nagsimula kaming magdeyt, pero umuwi siya sa Antofagasta bago ako nakatapos sa aking degree. Dahil gusto naming lumago ang aming relasyon, minsan o dalawang beses sa isang buwan, sumasakay ako ng bus nang 20 oras pabalik sa Antofagasta tuwing Huwebes ng hapon, ginugol ko ang mga katapusan ng linggo na kasama si Catherine (kabilang ang mga pagsisimba), at sumasakay ng bus nang 20 oras ulit pabalik sa Santiago para sa klase ko nang alas-8:00 n.u. sa Lunes ng umaga.
Sa mga araw na hindi kami magkasama, nag-uusap kami sa telepono. Dahil wala pa kaming mga cell phone noon, bumili ako ng phone plan para makatawag ako nang walang limitasyon sa mga pampublikong telepono. Gumugol ako ng mga oras sa isang telephone booth, at kung kailanganin man ng iba na gamitin ito, kailangan kong ibaba ang telepono at tawagang muli si Catherine pagkatapos na pagkatapos nila.
Sa buong karanasang ito, dahil maraming hadlang sa aming relasyon, kinailangan kong matutuhang maging intensyonal sa paraan ng pagkausap ko kay Catherine.
Inaanyayahan ko kayo na gawing sadya at intensyonal ang pakikipagdeyt. Hiniling ni Pangulong Russell M. Nelson na maging intensyonal tayo sa ating pagkadisipulo. Maaari din nating hangarin na maging intensyonal sa paraan ng ating pakikipagdeyt.
Dapat tayong magtanong ng mahahalagang bagay:
-
Ano ang palagay mo tungkol sa buhay, pamilya, at higit sa lahat, sa Tagapagligtas?
-
Alam ko kung anong uri ng mga bagay ang ginagawa mo at ayaw mong gawin, pero ano ang damdamin mo tungkol sa ebanghelyo?
-
Ano ang mga pamantayan at moralidad mo?
Ang mga intensyonal na tanong ay dapat samahan ng paggawa ng iba’t ibang intensyonal na mga aktibidad. Magsaya, pero tiyakin din na magkasama kayong gagawa ng mga espirituwal na bagay. Gumawa ng mga aktibidad na tutulong sa inyo na maunawaan at tunay na makilala ang isa’t isa.
Manampalataya sa Halip na Matakot
Matapos kayong magdeyt nang ilang panahon, maaaring mukhang nakakatakot magdesisyon na piliing magpakasal. Kinakabahan pa rin ako hanggang sa sandali na ikinasal kami ni Catherine!
Ang pagpiling magpakasal ay maaaring mahirap na desisyon, pero hindi ito isang desisyon na minsanan lamang ninyong gagawin. Ang ibig sabihin ng piliing magpakasal ay piliing muling ipangako ang sarili ninyo sa inyong walang-hanggang kasama habambuhay at magkasama ninyong palakasin ang pangakong iyan.
Kapag may mga tanong ka tungkol sa pagpapakasal o sa ebanghelyo, dapat mong “pag-aralan ito sa iyong isipan; pagkatapos kailangang itanong mo sa [Panginoon] kung ito ay tama” (Doktrina at mga Tipan 9:8). Dapat mo ring itanong sa sarili mo, “Handa ba akong piliing maging bahagi nito habambuhay?”
Nang ikasal ako, tinanong ako ng ilang tao kung kinabahan ako dahil baka sa huli ay magdiborsyo din kami tulad ng aking mga magulang. Noon pa man ay hindi na ang sagot ko. Nang ikasal ako, nagpasiya ako na gagawin ko ang lahat para maging maayos ang pagsasama naming mag-asawa. Ang ibig sabihin niyan ay pipiliin ko araw-araw na tularan ang Tagapagligtas at maging masayang makasal sa aking asawa. Pinili kong huwag hayaan ang takot sa diborsyo na ilayo ako sa mabuti at matwid na desisyon.
Sabi ni Pangulong Jeffrey R. Holland, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kapag nagkaroon na ng tunay na liwanag, mag-ingat sa tukso na umatras mula sa isang mabuting bagay. Kung ito’y tama nang ipagdasal ninyo ito at nagtiwala at umasa kayo rito, tama ito ngayon. … Harapin ang inyong mga pag-aalinlangan. Daigin ang inyong mga takot. ‘Huwag ninyong itakwil ang inyong pagtitiwala.’”
Huwag Hintaying Lumigaya
Ang totoo ay marami sa inyo ang may napakabuti at taos na mga pagnanais na makahanap ng makakasama sa buhay. Alam ninyo na ito ay isang mabuti at matwid na hangarin, pero kapag nahirapan kayong makahanap ng taong kasundo ninyo, madarama ninyo na tumigil ang pagsulong ninyo sa landas ng tipan.
Tungkol dito, sinabi ni Sister Kristen M. Oaks: “Kung pinalilipas ninyo ang panahon sa paghihintay ng mapapangasawa, tumigil sa paghihintay at magsimulang maghanda. Ihanda ang inyong sarili para sa buhay—sa pamamagitan ng edukasyon, karanasan, at pagpaplano. Huwag hintaying may magpaligaya sa inyo. Maghanap ng mga pagkakataong maglingkod at matuto. At higit sa lahat, magtiwala sa Panginoon, ‘nananawagan sa pangalan ng Panginoon sa araw-araw, at matatag na naninindigan sa pananampalataya sa kanya na paparito’ [Mosias 4:11]. At ipinapangako ko na kapag ginawa ninyo ito, liligaya kayo.”
Hindi tumitigil ang pagtahak ninyo sa landas ng tipan nang dahil sa hindi pa kayo nagpapakasal. Mayroon pa rin kayong kaugnayan sa Tagapagligtas sa tipan. Kung nahihirapan kayo na kayo’y tinatanggihan, nalulumbay, o natatakot, isama Siya sa inyong mga paghihirap. Sasaklolohan Niya kayo. Tutulungan Niya kayo.
Para sa ilan, ang pakikipagdeyt nang may intensyong makahanap ng walang-hanggang kasama ay hindi kaagad magbubunga. Para sa iba mangyayari ito kaagad. Ano man ang mangyari, alam ko na tutuparin ng Diyos ang bawat pangakong ginawa Niya sa atin kung tayo ay intensyonal at nagtitiwala sa Kanya.
Saan man kayo naroroon sa mundo o ano man ang nangyayari o hindi nangyayari sa inyong buhay, dahil kay Jesucristo, maaari kayong magkaroon ng kagalakan sa lahat ng sitwasyon. Siya at ang Kanyang mga turo palagi ang sagot.