2025
Akala Ko Hindi Ko Makakayang Pag-usapan ang Aking mga Hamon Dahil “Mas Masahol pa” ang sa Iba
Hulyo 2025


Para sa mga Ina ng mga Batang Musmos

Akala Ko Hindi Ko Makakayang Pag-usapan ang Aking mga Hamon Dahil “Mas Masahol pa” ang sa Iba

Pagpapahayag ba ng mga problema sa aking pagbubuntis ang dahilan para hindi ako magpasalamat?

paglalarawan sa isang babaeng nasa iba’t ibang yugto ng pagbubuntis

Nagsusuka ako sa umaga sa ikalimang linggo ng aking pagbubuntis. Kaya lang ay hindi lang sa umaga.

Palagi iyon. Ang tanging ginhawang nararamdaman ko noon ay sa pagtulog.

Pero halos kasing-hirap ng pisikal na bundok na inaakyat ko ang pakikibakang nangyayari sa aking isipan.

Pagiging miserable at malungkot ba ang dahilan para hindi ako magpasalamat sa sanggol na lumalaki sa aking sinapupunan? Maaari ko bang gustuhing wakasan ang aking pagdurusa samantalang hindi man lang magkaanak o namatayan ng anak ang ibang mga babaeng kilala ko?

Nakonsiyensya ako sa pagpapahayag ng anumang damdamin ng pasakit, pakikibaka, o pagkabalisa—pisikal o emosyonal—nang ikumpara ko ang aking mga hamon sa iba.

Pero hindi nagtagal ay natanto ko na mali ang pagkaunawa ko sa lahat.

Ang Kalungkutan sa Pagkukumpara

Isa sa pinakamahihirap na bagay tungkol sa pagiging isang ina sa mga panahong ito ay ang patuloy na pamimilit na maging perpekto, na naghihikayat sa atin na ikumpara ang ating sarili sa isa’t isa. Ang nagtatagisan na mga tinig mula sa media, mga kapitbahay, o pamilya ay maaari tayong hikayating pagdudahan ang ating halaga o potensyal bilang mga ina, ituring ang ating sarili na mas mababa kaysa sa iba dahil hindi tayo nakakaabot sa mga pamantayan ng iba, at sa huli ay pinabababa natin ang halaga ng pagmamahal at pagsisikap na ipinupuhunan natin sa pagiging ina.

Pero kailangan kong maniwala na hindi ito ang nais ng ating banal na Lumikha para sa atin.

Ipinaalala sa atin ni Pangulong Jeffrey R. Holland, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Hindi tayo nagpapaligsahan para makita kung sino ang pinakamayaman o pinakamatalino o pinakamaganda o pinakamapalad.”

Hindi rin tayo nakikipagkumpitensya para makita kung sino ang pinakamasahol! Sa malulungkot na oras ng aking pagbubuntis, nadama ko na maaari lamang akong magpahayag ng kaligayahan at pagiging positibo sa mga tao na nahusgahan kong mas malala ang mga paghihirap kaysa sa akin. Sa totoo lang, nalulungkot ako at nawawalan ng pag-asa, na iniisip kung sapat ba ang lakas ko para maging ina. Ang pagkukumparang ito ay higit na nagpalungkot sa akin.

Pero tulad ng sabi ni Elder Claudio D. Zivic ng Pitumpu: “Magkakaiba ang buhay ng bawat isa sa atin. Lahat tayo ay may mga panahon ng pagsubok, panahon ng kaligayahan, panahon ng pagpapasiya, panahon ng pagdaig sa mga balakid at panahon na sinasamantala natin ang mga pagkakataon.”

Magkakaiba ang ating mga karanasan at sa gayo’y mahirap sa iba’t ibang paraan. Maaari nating kilalanin ang hirap ng ating sitwasyon at ng iba nang hindi ikinukumpara ang mga iyon sa isa’t isa.

Pareho Mong Madarama Iyan

Nagpasiya akong talakayin ang aking damdamin sa isang therapist, at tinuruan niya ako ng isang katotohanan na nagpabago ng buhay ko tungkol sa mga emosyon:

Maaari tayong makaramdam ng maraming emosyon nang sabay-sabay.

Matapos masaksihan ang mga digmaan at pagtatalo sa pagitan ng mga Nephita at Lamanita, isinulat ni propetang Alma, “At sa gayon nakikita natin ang malalaking dahilan ng kalungkutan, at gayon din ng pagsasaya—kalungkutan dahil sa kamatayan at pagkalipol ng mga tao, at kagalakan dahil sa liwanag ni Cristo tungo sa pagkabuhay” (Alma 28:14).

Nagdaranas noon ang mga Nephita ng kalungkutan at kagalakan.

Natanto ko na posibleng ikagalit ko ang aking mga pagsubok samantalang nagpapasalamat din ako na buntis ako.

Itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Kapag nagpapasalamat tayo sa Diyos sa ating mga kalagayan, makadarama tayo ng magiliw na kapayapaan sa gitna ng paghihirap. Sa kapighatian, maitataas pa rin natin ang ating mga puso sa pasasalamat. Sa mga pasakit, maaari nating luwalhatiin ang Pagbabayad-sala ni Cristo. …

“Ang pasasalamat sa oras ng kapighatian ay hindi nangangahulugang natutuwa tayo sa ating kalagayan. Ibig sabihin nito ay sa pamamagitan ng mga mata ng pananampalataya ay natatanaw natin ang hinaharap sa kabila ng mga pagsubok sa kasalukuyan.”

Maaari nating hayaan ang ating sarili na maramdaman ang lahat ng ating emosyon habang nagpapasalamat din tayo sa Diyos sa Kanyang mga pagpapala at awa.

Nagdusa ang Tagapagligtas para sa Ating Lahat

Nang magdusa ang Tagapagligtas sa panahon ng Kanyang Pagbabayad-sala, hindi Niya sinuri ang lahat ng pagsubok at karanasang pagdaraanan nating lahat, pinili ang inaakala Niyang pinakamasahol, at nagdusa para sa mga iyon lamang. Pinasan niya ang lahat ng iyon.

Kabilang dito, tulad ng sabi ni Elder Zivic, ang “ating mga kasalanan, sakit, depresyon, dalamhati, mga kahinaan, at pangamba, at alam Niya kung paano tayo tutulungan, kung paano tayo pasisiglahin, aaliwin, at palalakasin upang makapagtiis tayo at matamo ang putong na nakalaan para sa mga hindi nadaig.”

Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay walang katapusan. Habang dinaranas natin ang mga hirap ng buhay at ang mga tagumpay at kabiguan ng pagiging ina, magpahayag tayo ng walang-katapusang pasasalamat sa ating Tagapagligtas, may luha man o kagalakan, at pasiglahin ang isa’t isa.