Pag-aangkop ng Doktrina at mga Tipan sa Iyong Buhay
Ano ang Gagawin Ko Kung “Naipit” Ako sa Isang Tanong tungkol sa Ebanghelyo?
Sa pagpili na magpasensya sa mga bagay na hindi pa natin nauunawaan, tinutulutan natin ang Espiritu na baguhin ang ating puso.
Gaano ka man katalino, hindi maiiwasan na makatagpo ka ng mga bagay na hindi mo talaga maintindihan.
Isang mahirap na math problem. Isang talatang pampanitikan na puno ng kahulugan. Ang dahilan kaya kakatwa ang ingay ng kotse mo. Patuloy ang listahan.
Kung minsan, sa kaunting pagsisikap, maiintindihan mo ito. Pero kung minsan, parang habang lalo mong sinasaliksik at pinag-aaralan ang tanong, lalong hindi mo ito maintindihan. Noon mo madarama na talagang naipit ka.
Nangyari na ba iyan sa iyo sa ebanghelyo? Maaaring isa itong doktrina na hindi mo maintindihan, o isang patakaran na walang katuturan para sa iyo, o kahit isang katotohanan sa sarili mong buhay na tila hindi akma sa nalalaman mo tungkol sa Diyos at sa Kanyang plano. Kung minsa’y tila napakahirap intindihin o tanggapin ang isang ideya. Tulad ng isang kagat na napakalaki para lunukin.
Ito mismo ang naranasan ng ilang miyembro ng Simbahan nang matanggap nila ang paghahayag na ibinigay sa Doktrina at mga Tipan 76 tungkol sa mga antas ng kaluwalhatian. Karamihan sa kanila ay lumaki na may malinaw na konsepto tungkol sa langit at impiyerno. Para sa kanila, tila hindi makatarungan ang ideya na halos lahat ng tao ay mabubuhay na muli sa isang kaharian ng kaluwalhatian. Hindi ito tumutugma sa kanilang konsepto tungkol sa likas na katangian ng Diyos. Kahit si Brigham Young ay nahirapan sa paghahayag dahil “ito ay direktang kontra at salungat sa dati [niyang] natutuhan” at “nakaantig sa [kanyang] sariling damdamin.”
Ang Paghihirap na Masagot ang Isang Tanong
Kapag “naipit” tayo sa isang tanong tungkol sa ebanghelyo, panahon na para magdesisyon tayo sa ating pananampalataya.
Para sa ilan sa mga naunang Banal na iyon, ang paghahayag ay isang sandali na nagdududa tayo sa ating pananampalataya. Tulad ng mga disipulo ng Tagapagligtas na hindi makatiis na marinig ang “mahirap [na] pananalita,” sila ay “tumalikod at hindi na sumama sa kanya” (Juan 6:60, 66).
Ngunit ang iba na nanghina noong una ay tinanggap ang bagong kaalamang ito nang may kagalakan. Kaya ano ang ipinagkaiba? Bakit sinira ng paghahayag na ito ang pananampalataya ng ilang tao pero pinalakas ang sa iba?
Lahat ng ito ay nasa kung paano pinili ng mga taong iyon na tumugon nang magkaroon ng hamon ang kanilang espirituwal na pang-unawa. Nang una niyang marinig ang tungkol sa paghahayag, sinabi ni Brigham Young, “Maghintay ka nang kaunti. Hindi ko tinanggihan iyon; ngunit hindi ko iyon maunawaan.” Sa pagdarasal, pag-aaral, at pagpiling magpasensya sa mga bagay na hindi pa niya nauunawaan, hinayaan niya ang Espiritu na baguhin ang kanyang puso at magpatotoo tungkol sa katotohanan.
Sa Aklat ni Mormon, ikinumpara ni Alma ang salita ng Diyos sa isang binhi. Kapag tinanggap natin ang binhing ito sa ating puso, maaari nating piliing “ito [ay itapon] dahil sa [ating] kawalang-paniniwala” o kaya ay maghintay nang kaunti, tulad ni Brigham Young, at tingnan “kung iyon ay isang tunay na binhi, o isang mabuting binhi” (Alma 32:28). Ipinangako ni Alma na kung mananampalataya tayo at maghihintay, lalago ang binhi sa ating kalooban at “palalawakin ang [ating] kaluluwa,” “liliwanagan ang [ating] pang-unawa,” at “magiging masarap” para sa atin.
Ito ang naging karanasan ng maraming matatapat na Banal na piniling humingi ng patnubay sa Panginoon. Inilarawan ni Brigham Young kung paanong matapos ang maraming pagninilay at pananalangin, kalaunan ay kanyang “nalaman ito at lubos na naunawaan para sa [kanyang] sarili.” Sa isang perpektong halimbawa ng turo ni Moroni sa Eter 12:6, tumanggap siya ng isang patotoo matapos ang pagsubok sa kanyang pananampalataya.
“Humingi Kayo, at Kayo ay Bibigyan”
Ipinahayag ng Panginoon, “Humingi kayo, at kayo ay bibigyan; humanap kayo, at kayo ay makakatagpo, tumuktok kayo, at kayo’y pagbubuksan” (Mateo 7:7). Hindi lamang ito isang matalinong mungkahi; ito ay isang utos ng Panginoon, at may kaakibat itong isang tiyak na pangako na sasagot Siya.
Ito at ang katulad na mga utos ay inuulit sa buong banal na kasulatan. Palagi tayong inaanyayahan ng Panginoon na dalhin ang ating pinakamahihirap na tanong sa Kanya. Hindi Niya hinihiling sa atin na pikit-matang tanggapin ang hindi natin maunawaan. Kapag ginawa natin ito nang may pasensya at pananampalataya at patuloy tayong naglingkod sa Panginoon, nangangako Siya na “ipahahayag ang lahat ng hiwaga, … maging ang mga kamangha-mangha ng kawalang-hanggan” (Doktrina at mga Tipan 76:7–8).
Sa akin lang, mayroon akong mabibigat na tanong na hindi pa rin nasasagot, kahit pagkaraan ng maraming taon ng pagdarasal at taimtim na paghahanap. Ngunit sa palagay ko ay hindi ito nangangahulugan na binabalewala ng Diyos ang aking pagkatok. Nakikita ko ang Kanyang liwanag sa siwang sa pintuan. Nadarama ko na kasama ko Siya, na nakikihati sa pasanin kapag napakabigat nito para pasaning mag-isa.
Habang patuloy akong humihingi, naghahanap, at kumakatok, nadarama ko ang munting binhing iyon na umuusbong sa puso ko. Nagpapahirap sa akin ang mga tanong ko, kung minsa’y masakit, pero binibigyan ako niyan ng mas malaking puwang para lumago—sa pang-unawa, sa karunungan, sa pananampalataya, sa pagiging malapit sa aking Ama sa Langit. Hindi ko alam ang lahat ng sagot, pero hindi ko nadarama na naipit ako. Nadarama ko ang pag-asa sa “mabuting kagustuhan ng [kalooban ng Panginoon],” at tiwala ako na kapag handa na ako, ipagkakaloob Niya sa akin ang “karapatang ito na makakita at makaalam para sa [aking sarili]” (Doktrina at mga Tipan 76:7, 117).