2025
Paano Mababago ng Pagdama sa Pag-ibig ng Diyos ang Iyong Paraan sa Pakikipagdeyt
Hulyo 2025


Mula sa Lingguhang YA

Paano Mababago ng Pagdama sa Pag-ibig ng Diyos ang Iyong Paraan sa Pakikipagdeyt

Maaari tayong tulungan ng pag-ibig na tulad ng kay Cristo na mahalin ang ating sarili, na makakatulong sa atin na mas mahalin ang iba.

paglalarawan sa isang babaeng nakangiti at may hawak na puso

Pagdating sa pakikipagdeyt, magsimula sa pag-ibig.

Parang paatras ang tunog niyan, hindi ba? Saka na ang pag-ibig!

Pero kailangang kilalanin ng maraming taong gustong makipagdeyt na minamahal sila ng Ama sa Langit. Sa gayon ay mas handa silang magpakita ng pagmamahal sa iba.

Pagtanggap ng Kanyang Pagmamahal

Sa pinakamalungkot na yugto ng buhay ko, nagsumamo ako sa panalangin sa Ama sa Langit. Nakakagulat ang sagot na natananggap ko: “Nais kong tanggapin mo ang pag-ibig Ko.”

Naramdaman kong bigla at matindi ang Kanyang pagmamahal. Nabalot ako nito!

Kalaunan, habang nagbabasa ako sa mga banal na kasulatan tungkol sa pag-ibig sa kapwa-tao at sa dalisay na pag-ibig ni Cristo, nagkaroon ako ng bagong pagkaunawa: “Kung wala kayong pag-ibig sa kapwa-tao, wala kayong kabuluhan” (Moroni 7:46). Sa sandaling iyon, natanto ko na kailangan kong tanggapin at ibahagi ang pag-ibig ng Diyos.

Kung alam mo talaga na mahal ka ng Diyos, maaari kang makipagpakita sa isang kadeyt nang di-gaanong nag-aalala. Maaaring higit kang makasiguro sa pagkaalam na may nagmamahal na sa iyo. Sa halip na makipagdeyt dahil sa pangamba o kawalan ng kasiguruhan, maaari mong madama na kaya mong maging bukas at tapat sa pakikipag-usap para makilala ang isang tao.

Ang madama na may nagmamahal sa iyo ay makakatulong na baguhin mo ang paraan ng iyong pakikipagdeyt. Matutulungan ka nitong baguhin ang makasarili mong saloobin na “mahalaga sa akin ang nararamdam ko kapag kasama kita” at maging mapagmahal at magkaroon ng saloobin na gusto kitang makilala na “mahalaga sa akin ang iyong nararamdaman.”

Nakikita mo ba ang pagkakaiba ng dalawang saloobing ito?

Ang pag-ibig ng Diyos ay maghahatid ng kumpiyansa, kapayapaan, at kalinawan sa madalas ay kumplikado at nakalilitong mundo ng pakikipagdeyt. Ang isang taong puspos ng pag-ibig ng Diyos ay mas kayang kilalanin ang mga taong idinedeyt niya.

paglalarawan sa isang babaeng nakangiti at nag-aabot ng puso sa ibang tao

Pagbabahagi ng Pagmamahal na Katulad ni Cristo

Ang pagbabahagi ng pagmamahal na katulad ni Cristo ay maaaring kakaiba sa simula—maraming young adult ang umaasang ma-evaluate sa mga deyt, hindi ang mahalin at tanggapin kaagad. Naniniwala ang ilan na kailangan nilang sikaping makamit ang pagmamahal at pagtanggap, na binibigyan ng kundisyon at hinahanapan ng pakinabang ang pag-ibig at pagtanggap na iyon.

Ngunit nilayon kang tumanggap at magbigay ng pagmamahal.

Sabi ni Elder Patrick Kearon ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Pinamahalaan ng ating mapagmahal na Ama ang Paglikha sa mundong ito mismo para sa [malinaw na] layuning maglaan ng pagkakataon sa inyo at sa akin na … gamitin ang ating kalayaang moral na bigay ng Diyos na piliin Siya, matuto at lumago, magkamali, magsisi, mahalin ang Diyos at ang ating kapwa, at makabalik sa Kanya balang-araw.”

“Pinipili natin Siya” kapag ibinahagi natin ang Kanyang pag-ibig.

Pagbabahagi ng Banal na Pag-ibig sa Pakikipagdeyt

Kaya ngayo’y alam mo na ang kapangyarihan ng pamamaraan ng pakikipagdeyt na may pag-ibig na katulad ng kay Cristo. Ngunit, kung nagtataka ka kung paano talaga gawin iyan, narito ang ilang kapaki-pakinabang na paraan para makapagsimula:

  • Magpahayag ng tunay na interes at makinig sa sinasabi ng iyong kadeyt.

  • Magpahayag ng pasasalamat sa pagkukusa ng iyong kadeyt na makipagkita at magkasama kayo.

  • Maging mabait at magalang sa buong pagdedeyt ninyo.

  • Magkaroon ng hangaring magkaroon ng pag-ibig sa kapwa para sa iba at humingi ng tulong sa panalangin na “kayo ay mapuspos ng ganitong pag-ibig” (Moroni 7:48).

  • Maging tapat tungkol sa iyong pagkatao. May ilang bagay na tumutulong na palaguin at payabungin ang pagmamahal kaysa pagiging tunay. Hindi ibig sabihin nito na ibuhos ang buong kasaysayan ng buhay mo sa sinumang makikinig, ngunit sabihin mo ang katotohanan tungkol sa iyong sarili kapag nagkaroon ka ng oportunidad. Huwag magsinungaling na gusto mo ng sushi kung ayaw mo nito, o magpanggap na kalmado kapag talagang kabado ka, o ihayag ang iyong sarili bilang isang klase ng tao kung hindi ka talagang ganoon. Ang katapatan ay umaakit sa katapatan. Ang pag-ibig ng Diyos ay magbibigay sa iyo ng lakas-ng-loob na magpakatotoo tungkol sa iyong sarili.

Itinuro ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Isa sa nakikitang mga palatandaan na mas napapalapit tayo sa Tagapagligtas at nagiging higit na katulad Niya ay ang mapagmahal, matiyaga, at mabait na pakikitungo natin sa ating kapwa, anuman ang sitwasyon.”

Kapag nadaragdagan mo ang iyong kakayahang makadama ng pagmamahal at pag-ibig sa kapwa-tao sa iyong sarili at sa iba, magiging mas mabuting disipulo ka ni Jesucristo. Umaapaw ang iyong pag-ibig, at ang iyong mga relasyon ay mamarkahan ng pag-ibig na katulad ng kay Cristo.