Mula sa Lingguhang YA
Ang Pahiwatig na Naging Dahilan upang Mag-ayuno Ako para sa mga Pumpkin
Ang awtor ay naninirahan sa Western Australia.
Nang gusto kong tulungan ang pamilya ko, sinabi sa akin ng Espiritu Santo kung paano.
Sa loob ng mahabang panahon, ang aking ama ay isang assistant farm manager. Napakasipag niya at pinangarap niya palagi na makabili ng sarili niyang bukid balang-araw.
Ang ugali niya sa trabaho ay nagbigay-inspirasyon sa akin, lalo na nang umalis ako para magmisyon sa Japan. Nakasumpong ako ng lakas at naganyak nang maisip ko ang kanyang halimbawa.
Kaya sa isang preparation day, nang sabihan ako ng tatay ko na nakabili na rin siya sa wakas ng sarili niyang bukirin, tuwang-tuwa ako para sa kanya. Malaki ang ipinuhunan niya sa pagtatanim ng mga pumpkin at sinabi niya sa akin na lalago ang mga ito sa loob ng anim na linggo. Tuwang-tuwa siya dahil sa wakas ay nakamit niya ang kanyang mithiin.
Ngunit hindi umayon sa plano ang mga bagay-bagay.
Ang Pag-aayuno para sa mga Pumpkin
Ilang linggo matapos kong mabalitaan ang bagong bukirin ng tatay ko, nagsimula ang pandemyang COVID-19 at bigla akong ini-release sa aking misyon. Gayunman, hindi ako makauwi dahil naka-lockdown ang buong Australia. Inutusan akong mag-isolate nang dalawang linggo bago umuwi, at iyon ang pinakamalungkot na sandali sa buhay ko.
Habang naka-isolate ako, tinawagan ako ng tatay ko. Agad kong napansin na malungkot siya. Apat na linggo na ang nakalipas mula nang itanim niya ang kanyang mga pumpkin, pero mahihina at maliliit ang mga iyon—mas maliit pa kaysa sa mga kamay niya. Nag-aalala siya na baka malugi siya sa ipinuhunan niya sa bago niyang bukirin.
Ang tatay ko ay isang mabuti, tapat, at mapagpakumbabang tao. Napaluha ako nang makita ko siyang balisang-balisa nang gabing iyon. Nalungkot ako dahil hindi ako makauwi sa piling ng pamilya ko para magbigay ng suporta. Talagang hindi makatarungan na nagtrabaho nang husto ang tatay ko para lamang mabigo.
Nagdasal ako sa Ama sa Langit para malaman kung ano ang magagawa ko. At doon ako nakadama ng kakaibang impresyon:
“Maaari kang mag-ayuno para sa mga pumpkin.”
Parang nakakatawang isipin iyon noong una. Mag-ayuno para sa mga pumpkin? Nagduda ako na makakagawa iyon ng kaibhan! Pero naisip ko ang maraming beses na nag-ayuno ako sa buong misyon ko at kung paano ito naghatid ng napakaraming himala. Kung minsa’y kasinliit iyon ng pag-alam kung anong mga salita ang sasabihin habang nagtuturo o pagpapaibayo lamang ng pagmamahal ko sa aking mga pinaglilingkuran, pero nakagawa pa rin ng kaibhan ang pag-aayuno.
Kaya, isang araw ng Miyerkules habang naka-isolate ako, nag-ayuno ako—para sa mga pumpkin.
Ngunit nag-ayuno rin ako para madama namin ng pamilya ko ang pagmamahal ng Tagapagligtas sa isang mahirap na panahon.
Pagkaraan ng ilang linggo, nakarating na rin ako sa bahay. Nang dalhin ako ng tatay ko sa kanyang bukirin ng mga pumpkin, nakita ko ang daan-daang malalaking pumpkin. Malalaki ang mga iyon! Talagang isang himala iyon. Hindi ako makapaniwala.
Nadama ko na alam ng Ama sa Langit ang nangyayari sa pamilya ko sa sandaling iyon.
Pag-anyaya sa Dalisay na Pag-ibig ni Cristo sa Inyong Pamilya
Ang karanasang ito ay hindi lamang tungkol sa himala ng napakalalaking pumpkin (at oo, sumasakit pa rin ang mga braso ko kapag iniisip ko ang pag-aani sa mga iyon). Para sa akin, ang himala ay ang mapagtanto kung gaano kalaki ang pagmamahal na maihahatid ni Jesucristo sa ating tahanan at sa mga relasyon natin sa pamilya kapag kumilos tayo nang may pananampalataya.
Alam ko na nakikita ng Ama sa Langit ang lahat ng maaaring kinakaharap natin sa loob ng sarili nating pamilya. Alam Niya ang ating mga alalahanin at paghihirap, at tinutulungan Niya tayong magpahayag ng pagmamahal kapag humingi tayo ng tulong sa Kanya. Nakita pa nga Niya na mahalaga ang isang bagay na tila walang kabuluhan na tulad ng isang pumpkin patch sa aking pamilya at tinulungan akong makahanap ng paraan para maipaabot ang pagmamahal ko sa kanila sa makabuluhan at mahimalang paraan.
Kamakailan ay ibinahagi ni Sister Tamara Runia, Unang Tagapayo sa Young Women General Presidency, ang matalinong mga salitang ito:
“Tingnan natin ang mga ugnayan ng pamilya bilang isang napakahusay na kasangkapan na magtuturo sa atin ng mga aral na dapat nating matutuhan dito sa lupa kapag bumabaling tayo sa Tagapagligtas.
“Aminin natin na sa isang mundong makasalanan, hindi maaaring maging perpektong asawa, magulang, anak, apo, guro, o kaibigan—pero napakaraming paraan para maging mabuting tao. … Sa pagtulong natin sa mga taong nakapaligid sa atin, sabay-sabay tayong aangat.”
Walang perpektong pamilya. Ngunit kapag inanyayahan natin ang Ama sa Langit at si Jesucristo sa ating tahanan at sa mga relasyon natin sa pamilya, maipapakita Nila sa atin kung paano lubos na mahalin ang ating pamilya at tutulungan tayong mag-anyaya ng mga himala sa ating buhay.