2025
Nang Mabigo ang Aking Perpektong Plano, Tinulungan Ako ni Cristo na Magsimulang Muli
Hulyo 2025


Naniniwala Ako

Nang Mabigo ang Aking Perpektong Plano, Tinulungan Ako ni Cristo na Magsimulang Muli

Akala ko wala na ako pag-asa, pero naroon si Cristo para buuing muli ang buhay ko.

isang paglalarawan sa isang babaeng pinagkakabit-kabit ang isang pusong sira-sira

Buong buhay na akong miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, pero hindi ko talaga alam kung sino si Cristo nitong nakaraang ilang taon.

Halos buong kabataan ko sa Simbahan, inakala ko na kailangan kong maging perpekto. Nagtuon ako sa mga gawain ng pamumuhay ng ebanghelyo, pero wala ang puso ko roon.

Kaya nang maaga akong umuwi mula sa aking misyon, nahiya ako. Habang tumatanda ako, sinimulan kong pilitin ang sarili ko na gawing walang mali ang buhay ko.

Pero habang nagpapatuloy ako sa buhay, nagsimulang mabigo ang aking perpektong plano, hanggang sa ang natira na lang ay ako at ang aking Tagapagligtas.

At natuklasan ko na Siya lang pala ang kailangan ko.

Napalayo sa Katotohanan

Naging bahagi ng perpektong buhay na naisip ko ang isang kaakit-akit na kasal sa templo. Nang makilala ko ang mapapangasawa ko, pareho kaming aktibo sa Simbahan, kaya inakala namin na magiging maayos ang lahat. Agad kaming nagpakasal, nang hindi nagkakaroon ng maraming mahahalagang pag-uusap.

Pagkatapos ng aming kasal, natuklasan ko na ibang-iba pala siya sa inakala ko. Nagsisimba pa rin siya pero emosyonal na mapang-abuso at hindi tapat sa tahanan.

Sa panahong ito, di-sinasadyang may natuklasan akong materyal laban sa Simbahan at labis akong nagkaroon ng alinlangan at kapaitan tungkol sa ebanghelyo.

Sumumpa ako na hinding-hindi na ako muling magsisimba, magbabasa ng Aklat ni Mormon, pupunta sa templo, o makikipag-usap sa isang lider ng priesthood kahit kailan. Nagawa ko ang lahat ng ito sa buong buhay ko, at tingnan ninyo kung ano ang nangyari!

Alam ko na ngayon na madali akong naging negatibo dahil ang aking patotoo ay nakasalalay sa mga inaasahan ko sa aking buhay, hindi kay Jesucristo.

Pagkatanto na Kailangan Kong Magbago

Nagkaroon ng dalawang mabigat na pangyayari sa buhay ko na naging daan para matanto ko na kailangan kong magbago.

Una, namatay ang isang mahal kong pinsan. Sa libing niya, nadama ko ang Espiritu na sinasabi sa akin na oras na para bumalik sa simbahan. Hindi ko ginustong gawin iyon! Pero nagkaroon ako ng matinding pakiramdam na sinasabi rin sa akin ng pinsan ko na kailangan kong bumalik sa aking pananampalataya.

Pangalawa, habang patuloy ang emosyonal na pang-aabuso, naghiwalay kami ng asawa ko. Nadama ko na protektado ako ng mga anghel sa buong diborsyo namin. Nagulat ako na nasaksihan ko ang mga himala nang maranasan ko ang pinakamasahol na mga bagay na nangyari sa akin.

Sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng mahabang panahon, nanalangin ako at nagtanong sa Ama sa Langit kung ano ang gusto Niyang gawin ko, at nagmakaawa sa Kanya na iligtas ako mula sa aking wasak na puso at mga maling pasiya.

At noon ko natanto sa wakas na kailangan kong makilala si Jesucristo.

Pagpili kay Cristo

Hindi naging madali ang pagbalik sa simbahan. Noong una, pakiramdam ko hindi ako kabilang doon.

Nadama ko ang inilarawan ni Sister Kristin M. Yee, Pangalawang Tagapayo sa Relief Society General Presidency, nang tangkain niyang magpinta ng larawan ng Tagapagligtas. Sa pag-aakalang tuyo na ang pintura, nilagyan niya ng barnis ang ibabaw. Pero basa pa pala ang pintura, at karamihan sa kanyang gawa ay narumihan at nasira.

Nadama ko ang parehong lungkot at kawalan ng pag-asa sa aking sitwasyon na nadama niya tungkol sa painting niya—na parang hindi ako maibabalik.

Pero sabi ng nanay ni Sister Yee sa kanya, “‘Hindi mo na mababawi ang naiwala mo, pero gawin mo ang lahat ng makakaya mo sa bagay na naiwan sa iyo.’”

Iyan ang ginagawa ni Jesucristo sa bawat isa sa atin. Maaari Niya tayong tulungan anuman ang sitwasyon natin at tulungan tayong maging maganda.

Sa patnubay ng bishop ko, sinimulan kong tunay na mag-aral at malaman ang tungkol kay Jesucristo sa unang pagkakataon. Nadama ko na tinuturuan ako ng Tagapagligtas sa buong proseso.

Natutuhan ko na lahat ng tao ay nasisira sa ilang paraan. Pero lahat tayo ay kayang pagalingin ni Jesucristo—pati ako at ang dati kong asawa.

Nang matutuhan ko ang tungkol sa kapatawaran at pagmamahal ng aking Tagapagligtas, ninais kong matanggap ito para sa sarili ko, at nang maghilom ako, sinimulan ko ring naisin ito para sa dati kong asawa. Sa paglipas ng panahon, pinatawad ko siya.

Pinalalakas Niya ang Nanghihina

Nang bumalik ako sa templo, nagulat ako sa pagmamahal na aking nadama. Ibang-iba ang naging karanasan ko sa pagpunta sa templo para sa sarili ko at magtuon sa aking Manunubos, sa halip na para lang magpakitang-tao.

Kung may naituro sa akin ang karanasang ito, iyon ay na si Jesucristo ay buhay. Pinalalakas Niya ang nanghihina. Naririnig Niya at ng ating Ama sa Langit ang ating desperadong mga daing sa gabi kapag walang ibang nakakaalam ng pasakit na hindi natin matakasan. Lagi Siyang naghihintay sa atin na bumalik sa Kanya.

Sinabi rin ni Sister Yee, “Ang nakatutubos na kapangyarihan ni Jesucristo ay isa sa pinakadakilang pagpapala na ipinangako ng ating mga tipan.”

Anuman ang pinagdaraanan ninyo, maniwala kayo sa akin kapag sinabi ko na ang matubos ay hindi lamang magandang wakas ng isang kuwentong pambata. Totoo ito. Maaari kayong matubos. Maaari ninyong ibalik ang inyong pananampalataya.

Ito ang nangyayari kapag lubos, tunay, at kusa mong pinapasok si Cristo sa iyong buhay.

Iyan ang ginawa Niya para sa akin.