2025
Isang Liham sa mga Nahihirapang Magpatawad
Hulyo 2025


“Isang Liham sa mga Nahihirapang Magpatawad,” Liahona, Hulyo 2025.

Mga Young Adult

Isang Liham sa mga Nahihirapang Magpatawad

Nasaktan na ako dati at kinailangan kong matutong magpatawad.

babaeng may hawak na puso

Mahal na kaibigan,

Ang masaktan o sumama ang loob ay tila nararanasan ng lahat. Madalas magsabi o gumawa ang mga tao sa paligid natin ng mga bagay na nagpapagalit sa atin, nagpapadama na tayo’y kinaligtaan, nasaktan, hinamak, o hindi pinahalagahan.

Maraming taon na ang nakalilipas, nasaktan ako ng isang tao sa simbahan. Nagalit ako at nainis, at ginusto kong humingi ng tawad sa akin ang taong iyon, pero hindi niya ginawa iyon kailanman. Pinilit kong kalimutan ang nangyari, na iniisip na mawawala na lang ang sakit at galit na nadama ko.

Pero kinimkim ko ang galit na iyon nang ilang taon. Ang sama-ng-loob ko sa taong ito ay hindi nawala.

Isang araw nakausap ko ang isang kaibigan tungkol sa sitwasyong ito. May natanggap akong pahiwatig:

Magpatawad.

Hinihikayat ako noon ng Espiritu na patawarin ang taong ito na mayroon akong kinikimkim na malaking galit. Namangha ako.

Paano ko patatawarin ang taong ito? Ako ang nasaktan, kaya dapat ay siya ang humingi ng tawad sa akin, ‘di ba?

Matagal akong pinahirapan ng pahiwatig na ito. Gayunman, pinagnilayan ko ang halimbawa ng aking Tagapagligtas at ang Kanyang mga turo tungkol sa pagpapatawad:

“Sapagkat kung pinatatawad ninyo ang mga tao sa kanilang mga kasalanan, patatawarin din naman kayo ng inyong Ama na nasa langit.

“Ngunit kung hindi ninyo pinatatawad ang mga tao sa kanilang mga kasalanan, hindi rin naman kayo patatawarin ng inyong Ama sa inyong mga kasalanan” (Mateo 6:14–15).

Kahit habang nasa krus, nakiusap ang Tagapagligtas sa Kanyang Ama na patawarin ang mga kawal na nagpako sa Kanya sa krus (tingnan sa Lucas 23:34).

Naalala ko rin ang paanyaya ni Pangulong Russell M. Nelson na “magpakita ng pagpapakumbaba, lakas-ng-loob, at kalakasan na kailangan para magpatawad at humingi ng kapatawaran. …

“… Kung sa ngayon ay parang imposible ang pagpapatawad, humingi ng kapangyarihan na tulungan kayo sa pamamagitan ng nagbabayad-salang dugo ni Jesucristo.”

Nasasaisip ang lahat ng ito, nagdasal ako nang madalas. Nagdasal ako sa aking Ama sa Langit, na nagsasabing, “Kung kalooban Ninyo na patawarin ko ang taong ito, buksan Ninyo ang mga pintuan at tulungan Ninyo akong magawa ito, dahil wala akong lakas na gawin ito nang mag-isa.”

Kinabukasan sa simbahan, naharap ako sa taong nanakit sa akin. Sa paggabay ng Espiritu, nadama ko na dapat akong humingi ng tawad sa kanya. Humingi ako ng tawad dahil hindi ako naging mabuting kaibigan kung minsan at tinanong ko kung mapapatawad niya ako. Pinatawad niya ako, at bilang kapalit ay humingi siya ng tawad sa akin sa kanyang nagawa. Pinatawad ko siya.

Naginhawahan ako sa karanasang iyon. Hindi nawala nang biglaan ang sama-ng-loob ko, pero gumaan ang pakiramdam ko. Malaya na ako sa sakit at lungkot na nagpahirap sa akin nang napakatagal. Makakasulong na ako sa buhay nang payapa.

Kung minsan parang imposibleng magpatawad. Pero lalo lang tayong nasasaktan kapag nagkimkim tayo ng galit. Ayaw ng Ama sa Langit na patuloy tayong masaktan, malungkot, at magalit kaya napakalaki ng ibinayad ni Jesus para makalaya tayo roon. Dahil mahal Niya tayo, nais Niyang magalak tayo.

Kaibigan ko, sana’y kusa mong isuko ang mga pasaning kimkim mo. Ibigay ang mga iyon sa Tagapagligtas at hayaan mong mahalin ka Niya. Huwag mong piliing patuloy na masaktan. Sa halip ay piliin Siya.

Nagpatotoo si Sister Kristin M. Yee, Pangalawang Tagapayo sa Relief Society General Presidency: “Iniuutos sa atin ng Panginoon na magpatawad tayo para sa sarili nating ikabubuti. Ngunit hindi Niya ito iniutos sa atin nang wala ang Kanyang tulong, pagmamahal, pag-unawa. Sa pamamagitan ng ating mga tipan sa Panginoon, matatanggap ng bawat isa sa atin ang lakas, patnubay, at ang tulong na kailangan natin upang magpatawad at mapatawad.”

Mahal kong kaibigan, ikaw ay lubos na minamahal. Ang iyong landas tungo sa pagpapatawad ay malamang na hindi katulad ng sa akin. Pero dahil lahat tayo ay anak ng Diyos at lubos na minamahal, aalagaan Niya ang bawat isa sa atin, ayon sa ating indibiduwal na mga pangangailangan. Ipapakita Niya sa atin ang daan tungo sa paggaling, kahit matagalan pa ito.

Sana’y humingi ka ng kapatawaran na lubhang kailangan ng iyong kaluluwa. Sana’y nakatulong sa iyo ang aking mga salita, pero ang mas mahalaga, sana’y pinatotohanan na sa iyo ng Espiritu ang katotohanan na ang Tagapagligtas ay maaaring maghatid sa atin ng kapayapaan, ginhawa, at lubos na kagalingan.

Nagmamahal,

Ang iyong kaibigan