Mula sa Lingguhang YA
3 Tanong Ko Tungkol sa Simbahan Bilang Isang Bagong Binyag (at Paano Nakatulong ang Aking Banal na Identidad na Sagutin ang mga Ito)
Ang awtor ay naninirahan sa Toronto, Ontario, Canada.
Ang pagkakaroon ng mga tanong ay hindi lamang isang bagay na nararanasan ng mga bagong binyag—bahagi ito ng pagtatatag ng aking patotoo sa buong buhay ko.
Ang pagtamo ng aking patotoo ay parang pagbuo ng puzzle.
Nang una kong mapansin ang isang kaibigan sa hayskul na hindi umiinom ng alak o naninigarilyo at malaman ko ang tungkol sa Salita ng Karunungan, nakakita ako ng isang piraso ng puzzle. Nang basahin ko ang Aklat ni Mormon, nalaman ko ang tungkol kay Joseph Smith, at tinanggap ko na kailangan ko ang isang Tagapagligtas, nakakuha ako ng mas maraming piraso.
Ngunit kasabay nito, nang mas maraming piraso ang natagpuan ko, lalo kong natanto kung ilan ang nawawala sa akin. Nakahahanap ako ng mga sagot sa aking mga tanong, ngunit ang mga sagot na iyon ay kadalasang naghahatid ng mas marami pang tanong. Ang ilan sa mga tanong na ito ay simple at maaaring sagutin ng mga missionary, ngunit ang iba ay nangangailangan ng maraming oras at pag-aaral.
May mga tanong pa rin ako—sa palagay ko ay hindi ito mauubos. Ngunit natuklasan ko ang isang saligan na nagpapatibay sa akin habang pinalalakas ko ang aking patotoo at patuloy akong natututo mula sa isang lugar ng pananampalataya:
Ang aking banal na identidad.
Narito ang tatlong tanong ko tungkol sa ebanghelyo na nakatulong sagutin ng aking banal na identidad:
1. Paano Ko Tatalikuran ang mga Nakaraang Kasalanan?
Noong pinag-aaralan ko ang tungkol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, inisip ko kung paano tatalikuran ang aking nakaraan. Habang natututo ako ng iba pa tungkol sa mga pamantayan ng ebanghelyo, nagsimula kong maunawaan na ang paraan ng pamumuhay ko noon ay hindi naaayon sa mga turo ni Jesucristo.
Ngunit nang malaman ko ang tungkol sa pagmamahal ng Diyos sa akin, na Kanyang anak, nadama kong hindi ko mapigilang mag-alala tungkol sa mga nakaraang kasalanan. Natututuhan natin sa Isaias 1:18 na “bagaman ang inyong mga kasalanan ay tulad ng matingkad na pula, ang mga ito’y magiging mapuputi na parang niyebe.”
Natuwa akong matutuhan na dahil sa aking Tagapagligtas, hindi ko na kailangang pasanin ang aking mga kasalanan. Maaari akong magsisi, bumaling sa Kanya, at ibaba ang pasaning iyon. At iyon ang pinakanakapapanatag at pinakanakamamanghang katotohanang narinig ko.
2. Ano ang Aking Tungkulin sa Pagtitipon ng Israel?
Bago sila lumipat sa Canada, ang aking pamilya ay orihinal na mula sa Macedonia. Bumalik ako sa Macedonia upang manirahan kasama ang tatay ko sa loob ng isang taon at kalahati matapos akong mabinyagan. Bago ako lumipat, hindi ko lubos na naunawaan kung ano ang pagtitipon ng Israel o kung ano ang ibig sabihin nang ipaliwanag ng aking patriarchal blessing ang aking angkan sa sambahayan ng Israel.
Ngunit nang magsimula akong magsimba sa Macedonia at nakilala ko ang mga tao roon, paulit-ulit kong natanggap ang impresyon na kilala at mahal ng Diyos ang mga taong iyon. Ang maliit na bansang ito, kung saan kakaunti at malalayo sa isa’t isa ang mga miyembro ng Simbahan, ay napakahalaga sa Kanya.
Nagsimula akong magtamo ng patotoo tungkol sa mga salita ni Pangulong Russell M. Nelson (1924–2025): “Ang lambat ng ebanghelyo sa pagtipon ng nakalat na Israel ay napakalaki. May puwang para sa bawat taong lubusang yayakap sa ebanghelyo ni Jesucristo.”
At matapos mabinyagan ang isang kaibigan ko sa Macedonia, naunawaan ko ang lubos na matamis na kagalakang nagmumula sa pagbabahagi ng ebanghelyo at pagtitipon ng Israel. Pakiramdam ko ang lahat ay unti-unting nagkakatugma-tugma nang magsimula kong makita ang aking angkan sa sambahayan ng Israel bilang isang maganda at kamangha-manghang pagkakakilanlan na tutulong sa akin na patuloy na ibahagi ang ebanghelyo.
3. Paano Kung Patuloy Akong Magkaroon ng mga Tanong?
Nakahanap ako ng mga sagot sa marami sa aking mga tanong—ngunit hindi sa lahat ng ito.
Kamakailan, habang ako ay nasa templo at nag-iisip tungkol sa aking buhay, hindi ko maiwasan ang masakit na kaisipang pumasok sa aking isipan: “Sana talaga ay makasama ko rito ang nanay ko.”
Marami akong tanong tungkol sa pagiging tanging miyembro ng Simbahan sa aking pamilya. Ang mabuklod sa aking pamilya ay isa sa pinakamatitinding hangarin ng aking puso, at hindi ko alam kung mangyayari iyon sa buhay na ito—o kung mahahanap ko ang lahat ng sagot sa aking mga tanong.
Ngunit alam ko na ako ay anak ng Ama sa Langit na may banal na kaugnayan sa Kanya. Itinuro ni Pangulong Nelson na “ang lahat ng nakipagtipan sa Diyos ay maaaring makatanggap ng espesyal na uri ng pagmamahal at awa.”
Habang patuloy akong naghahanap ng mga bagong piraso ng puzzle sa aking patotoo, napapanatag ako ng kaalaman na ang pagiging anak ng Diyos at ang pagkakaroon ng mga tanong ay hindi magkasalungat. Ang mga tanong ay kailangan para sa aking pag-unlad bilang isang disipulo ni Cristo. At alam kong ang pagkakaroon ng mga tanong ay hindi lamang isang bagay na nararanasan ng mga bagong binyag—bahagi ito ng pagpapalakas ng aking patotoo sa buong buhay ko.
Habang pinagsisikapan natin ang ating mahihirap na tanong, makaaasa tayo sa isang Tagapagligtas na nalalaman ang magigiliw na tanong ng ating mga puso. Dahil sa ating banal na pamana, mayroon tayong ugnayan sa Kanya at sa Ama sa Langit at sa Kanilang lakas.