Pagsasabuhay sa mga Aral ng Lumang Tipan
2 Kuwento mula sa Exodo na Nagpapakita kung Paano Ka Matutulungan ng Diyos na Madaig ang mga Imposibleng Bagay
Huwag kalimutan kailanman—ikaw ay nasa mga kamay ng isang Diyos ng mga himala.
Noong una akong mahiwatigang magmisyon, hindi ako naniwala na kaya kong gawin ito. Noon pa man ay napakamahiyain ko, at hindi ko alam kung paano ako makapag-uukol ng 18 buwan sa pakikipag-usap sa mga hindi ko kilala.
Nadagdagan lamang ang anxiety ko nang tawagin akong maglingkod sa ibang wika.
Ngunit naglingkod ako, at sa pagbabalik-tanaw, nakita ko na hindi ako nag-iisa kailanman. Tinawag ako ng Ama sa Langit, at kasama ko Siya sa bawat hakbang.
Paulit-ulit na itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018): “Kapag tayo ay nasa paglilingkod sa Panginoon, may karapatan tayo sa tulong ng Panginoon. Tandaan na sinumang tinawag ng Panginoon ay binibigyan Niya ng kakayahan.” Pinatunayan ng Diyos ang katotohanan ng alituntuning iyon nang paulit-ulit.
Habang nahaharap ka sa mga hamon at maging sa mga oportunidad na maganda ngunit nakakatakot, maaari ka rin Niyang bigyan ng kakayahan—ngunit kung pinagdududahan mo pa rin ang iyong sarili o ang iyong mga kakayahan (tulad nating lahat kung minsan), dalawang kuwento mula sa aklat ng Exodo ang nagpapakita kung paano ka Niya matutulungan na madaig ang imposibleng mga bagay.
Pinangangalagaan ng Diyos ang Kanyang mga Tao
Sa Exodo 1 mababasa natin ang tungkol sa dalawang komadronang Hebreo, sina Sifra at Pua, na nalagay sa isang alanganing sitwasyon. Tungkulin nilang panatilihing ligtas at malusog ang kababaihang Hebreo at ang kanilang mga sanggol. Ang utos ni Faraon na patayin ang bawat lalaking sanggol na Hebreo ay tuwirang salungat sa kanilang mga pinahahalagahan at pananampalataya, ngunit ang pagsuway sa utos ay maaari nilang ikamatay.
Gayunman, sina Sifra at Pua ay “natakot sa Diyos” (Exodo 1:17) nang higit kaysa kay Faraon at nagpasiyang huwag sundin ang utos. At alam mo ba ang nangyari? “Ang Diyos ay naging mabuti sa mga [komadrona]” (Exodo 1:20) at pinangalagaan sila at ang kanilang mga sambahayan (tingnan din sa talata 21).
Iyan ay isang halimbawa lamang ng pagtupad ng Diyos sa pangakong ginawa niya sa Isaias: “Huwag kang matakot, sapagkat ako’y kasama mo, huwag kang mabalisa, sapagkat ako’y Diyos mo; aking palalakasin ka, oo, ikaw ay aking tutulungan; oo, ikaw ay aking aalalayan ng kanang kamay ng aking katuwiran” (Isaias 41:10).
Kapag pinili ninyong gawin ang tama, nangangako ang Diyos na pagpapalain kayo, at hindi Niya kailanman nilalabag ang isang pangako. Ang mga pagpapalang iyon ay maaaring hindi dumating kaagad kapag gusto natin ang mga ito, ngunit darating ang mga ito.
Ang Diyos ay Isang Diyos ng mga Himala
Nang tawagin si Moises na palayain ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Egipto, ang mga bagay ay talagang hindi pabor sa kanya. Lalo na ang Egipto ay isa sa mga pinakamakapangyarihang bansa sa mundo noong panahong iyon, at sa huling pagkakataon na naroon si Moises, siya ay tumatakbo para sa kanyang buhay bilang isang takas!
“Sino ako,” tanong niya, “upang pumaroon kay Faraon at upang ilabas sa Ehipto ang mga anak ni Israel?” (Exodo 3:11).
At kung si Moises lamang ang gagawa ng misyon na ito, oo, malamang ay nabigo siya. Ngunit hindi siya nag-iisa. Ang kanyang tawag ay nagmula sa “isang Diyos ng mga himala” (Mormon 9:11) na may kapangyarihang gawing ahas ang isang tungkod, gawing dugo ang mga ilog, at hawiin ang Dagat na Pula.
Ang kuwento ni Moises ay isang halimbawa lamang ng kung paanong “ang Panginoon ay hindi magbibigay ng mga kautusan sa mga anak ng tao, maliban sa siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila” (1 Nephi 3:7).
Natamo na ang Tagumpay
Kung pakiramdam mo ay nahaharap ka sa iyong sariling mga imposibleng bagay at iniisip mo kung madaraig mo ang mga ito, nangungusap sa iyo si Elder Patrick Kearon ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang sagot ay oo. Makakaligtas kayo. Sa katunayan, nasagip na kayo; nailigtas na kayo—ng isang Nilalang na nagdanas ng lahat ng pagdurusang dinaranas ninyo at nagtiis ng lahat ng paghihirap na tinitiis ninyo. Nadaig ni Jesus ang mga pang-aabuso ng mundong ito upang bigyan kayo ng lakas hindi lamang para makaligtas kundi balang araw, sa pamamagitan Niya, kayo ay mananaig at magtatagumpay.”
Dahil kay Jesucristo, nadaig na ng kabutihan ang kasamaan. Walang makapagbabago sa katotohanan na siya ay nagdusa at namatay para sa iyo, at walang anumang bagay na maaari mong maranasan na hindi Niya mauunawaan at malalaman kung paano magpagaling (tingnan sa Alma 7:11–13).
Ang pagbabalik-tanaw sa mga pagkakataong tinulungan ng Ama sa Langit ang Kanyang mga anak—pati na ang aking sarili—ay nagpapalakas sa aking pananampalataya na tutulungan Niya akong muli. Hindi iyon nangangahulugan na mawawala ang lahat ng hamon, ngunit ang pagkaalam na nasa mga kamay ako ng isang Diyos ng mga himala ay nagbibigay sa akin ng tiwala na kailangan ko upang patuloy na sundin Siya.
Maaari kang manaig. Maaari kang magtagumpay. Maaari mong maisagawa kung ano ang ipinagagawa ng Ama sa Langit sa iyo. Dahil sa pagpiling sundin Siya, nagkakaroon ka ng Kanyang kapangyarihan—at pagmamahal—sa iyong tabi.