Lingguhang YA
5 Bagay na Dapat Malaman ng Bawat Bagong Ama
Marso 2026 Liahona


Para sa mga Ama ng Maliliit na Anak

5 Bagay na Dapat Malaman ng Bawat Bagong Ama

Hindi madaling maging ama. Ngunit binigyan tayo ng Ama sa Langit ng maraming kasangkapan upang makatulong sa pag-angkop.

isang ama na may hawak na sanggol na natutulog

Ako ay nakadama ng maraming emosyon habang naghahandang maging ama.

Ako ay nakadama ng kawalang-katiyakan, takot, at higit pa sa kaunting pag-uusisa kung ano ang kahihinatnan ng lahat. Noong sa wakas ay isinilang na ang aming anak na lalaki, nagulat at namangha ako sa labis na pagmamahal na nadama ko para sa bagong maliit na lalaking ito.

Hindi naging madali ang pagiging ama. Mahirap ang pagiging magulang. Ngunit alam natin na sa pamamagitan ni Jesucristo, ang lahat ng ating pasanin ay maaaring mapagaan. Nasasaisip iyon, isa ka mang bago o batikang ama, narito ang limang alituntunin ng ebanghelyo na tutulong sa iyo sa karanasan ng pagiging ama.

1. Ang Diyos ang iyong Ama sa Langit, at Siya rin ang Ama ng iyong anak.

Malamang na gusto mong gawin ang lahat ng makakaya mo upang maprotektahan at mahalin ang iyong anak. Isa itong napakaganda (at bahagyang nakababalisa) na pakiramdam! Ngunit makatitiyak ka na nais din ng Ama sa Langit ang pinakamabuti para sa iyong anak at tutulungan ka Niya kapag bumaling ka sa Kanya.

Napakagandang pakiramdam na umayon sa ating Ama sa Langit!

2. Kapag nagsakripisyo ka, makasusumpong ka ng kagalakan.

Ang pagiging ama ang landas tungo sa ilan sa pinakamalaking kagalakang mararanasan natin sa buhay na ito. Nangangailangan din ito ng sakripisyo.

“Para sa kalalakihan, ang pagiging ama ay inilalantad tayo sa sarili nating mga kahinaan at sa pangangailangan nating magpakabuti,” itinuro ni Pangulong D. Todd Christofferson, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan. “Ang pagiging ama ay nangangailangan ng sakripisyo, ngunit pinagmumulan ito ng walang kapantay na kasiyahan, maging ng kagalakan. … Sinabi ni Jesus, ‘Walang may lalong dakilang [pag-ibig] kay sa rito, na ibigay ng isang tao ang kaniyang buhay dahil sa kaniyang mga kaibigan’ [Juan 15:13]. Ipinapakita ng mga ama ang pagmamahal na iyon kapag iniukol nila ang kanilang buhay araw-araw, sa paglilingkod at pagsuporta sa kanilang pamilya.”

3. Kapantay na katuwang ng mga ama sa gawaing ito ang kanilang asawa.

Itinuro ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang pagkalinga at pamumuno ay magkaugnay at magkasanib na responsibilidad, na nangangahulugan na ang mga ina at ama ‘ay may pananagutang magtulungan bilang magkasama na may pantay na pananagutan’ at pantay na pamumuno sa kanilang tahanan.”

Kailangan nating makiisa sa ating mga asawa sa lahat ng ginagawa natin, lalo na sa pangangalaga at pagkalinga ng ating mga pamilya. Walang mas mababa o mas mataas kaysa sa isa; dapat tayong maging pantay. Sa madaling salita, hindi ka nag-iisa!

4. Maaaring pagpalain ng priesthood ang iyong pamilya.

Itinuro ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973): “Ang kapangyarihan ng pagkasaserdote na inyong taglay ay higit na kahanga-hanga kapag may krisis sa inyong tahanan, may mabigat na karamdaman, o may ilang malalaking desisyon na kailangang gawin. … Nakapaloob sa kapangyarihan ng pagkasaserdote, na siyang kapangyarihan ng Makapangyarihang Diyos, ang kapangyarihang gumawa ng mga himala kung kalooban ng Diyos ang gayon, ngunit upang magamit natin ang pagkasaserdoteng iyon, kailangang karapat-dapat tayo na gamitin ito. Ang kabiguang maunawaan ang alituntuning ito ay kabiguang tumanggap ng mga pagpapala ng pagtataglay ng dakilang pagkasaserdoteng iyon.”

Ang priesthood ng Diyos ay ibinigay sa atin upang makinabang ang mga nakapaligid sa atin, lalo na sa sarili nating mga pamilya. Gawin ang lahat ng makakaya mo upang maging karapat-dapat sa awtoridad ng priesthood na iyon. Gamitin ito upang pagpalain ang buhay ng iyong asawa at mga anak.

5. Pag-iibayuhin ng Ama sa Langit ang iyong mga pagsisikap.

Maaaring madaling madama na hindi sapat ang ginagawa mo para sa iyong pamilya. Nagsalita si Pangulong Christofferson sa mga ama, na nagsasabing: “Alam ko na nais ninyong maging mas perpektong ama. Iyan din ang [ninais] ko. Magkagayunman, sa kabila ng ating mga limitasyon, magpatuloy tayo. Huwag tayong maging makasarili at mapagpalayaw sa sarili na talamak sa ating kultura at isipin muna natin ang kaligayahan at kapakanan ng iba. Alam ko, na sa kabila ng ating mga kakulangan, pararangalan tayo ng Ama sa Langit at pagbubungahin ang mga pagsisikap natin.”

Magtiwala ka na gagawin ng Diyos ang higit pa sa kaya mong gawin sa iyong sarili.

Kapwa kong mga ama, mahal kayo ng Diyos. Mahal Niya ang inyong pamilya. Pangangalagaan Niya kayo habang humihingi kayo ng tulong sa Kanya, ginagawa ninyong saligan ng inyong tahanan si Jesucristo, at ginagawa ninyo ang lahat upang mapamunuan ang inyong pamilya nang may pagmamahal at kabutihan.